May ipinaguhit
sa aming bagay sa isang maliit na matigas na papel na sumisimbolo sa amin noong
mga panahong iyon. Sa katunayan, hindi ako nakapagsimulang kaagad dahil hindi
ko pa rin lubos maisip kung kilala ko na ba talaga si Mart. Sino nga ba ako?
Sino nga ba si Mart? Gusto ko lang naman, magsulat talaga. Gusto ko lang,
binabasa yung binili kong librong ako lang din yung nagsulat at nagpalimbag.
Matigas na pabalat, mapuputing pahina, itim na maliliit na tinta ng printer.
Pero, lumalabo nang lahat iyon dahil sa karuwagan at katamarang bumabalot sa
Mart na mapangarapin pa rin naman. Nauubusan na ako ng oras at mukhang patapos
na rin ang aking mga kaklase. Blangkong-blangko ang utak ko’t naisip ko na
lamang gumuhit ng blangkong papel para matapos na ang lahat. Madumi, walang
kuwenta, at hindi pa talaga nagmukhang papel. Ipinaliwanag pa iyon ng aking
partner pero minabuti ko pa ring linawin kung bakit iyon nga ang napili kong
simbolo, o kung anumang pambobola sa sarili kong metapora sa
kawalang-kuwentahan ng aking pag-iisip noon. Pero totoo lahat ng sinabi ko’t
akala ko’y luluha ako sa harap ng nakararami dahil hindi ko pa rin pala talaga
napapatunayan ang sarili ko, na wala pala talaga akong nagagawa, na wala nang
ibubuga yung tinta ng ballpen ko, tulad ng blangkong papel na inihain ko sa
klase. Susubukan ko naman, sinusubukan ko namang magpraktis magsulat, at
sinubukan ko na rin minsang magsulat ng nobela tungkol sa taong nagpakamatay
pero kinulelat ng nagbabantay sa langit na maaari pa siyang bumalik sa mundo
kung gusto niya pa. Para bang second chances, opportunities, or whatever, that
touches the extremes of being suicidal pero may sipa pa rin ng comic relief.
Pangarap ko iyon – manggulo ng diwa ng aking mga mambabasa gamit lamang ang
papel at tinta. Sinta, subukan mo na akong hanapin at itulak papalayo sa bisyo
ng karuwagan at katamaran. Gusto ko na ring masulatan sa wakas yung papel at
baka amagin pa’t maglagas nang hindi nagagamit. Sayang.
No comments:
Post a Comment