Nang ipinagawa sa amin ang ganitong uri ng
timeline ay natagalan pa ako kung anong taon nga ba ako unang nagsimulang
mag-aral at ilang taon nga ba ako unang nagsimulang makisalamuha sa guro at
pisara. Binilang ko pa at ako’y umabot sa taong 1998 nang una akong ipasok sa
paaralan isang tricycle lang mula sa amin. Nakapagtapos ako sa mababang
paaralan nang dinaanan ang lahat ng antas habang may bitbit na medalya sa bawat
yapak. Hindi naman ako mayabang noon ngunit nang iabot sa akin ang aking unang
medalya sa antas Nursery, nagpursigi ang aking mga magulang, lalung-lalo na ang
aking nanay na mag-aral pa ako nang SOBRANG buti. Siguro kasi, sobrang galing
din ng kuya ko noon (ikalawa ako sa tatlong magkakapatid) at nais siguro nilang
ipagpatuloy na rin ang bakas na iniwan niya. Hindi naman naging ganoong kahirap
para sa akin at may mga panahon lamang noong gipit talaga ako sa todo
pagpapakabisa ng aking nanay sa walang katapusang scientific method noong nasa
ikatlong baitang na ako. Minsan din, inaabot na kami nang madaling araw dahil
ayaw akong patulugin hangga’t hindi ko pa nakakabisa ang ipinapabasa sa aking
Pointers to Review. Ngunit noong pagtapak ko na sa ikaapat na baitang, napagtanto
ko na ang sistemang ipinamumudmod sa akin ng aking mga magulang at ang bigat ng
pasaning pinapabuhat na rin sa akin ng aking kuya. Nag-aaral na ako noon
mag-isa at pinagsumikapang maipasa nang may medalya pa rin kahit wala nang mga
gabing pinagagalitan ako kasi may hindi na naman ako naalala. Pagdating sa
mataas na paaralan, doon na nagsimulang mahilig ako sa pagsusulat. Kaya siguro
naisama ko pa sa timeline na aking ginawa ang panahong ipinasok ako ng aking
magulang sa summer reading classes noon. Mahalagang hakbang kasi iyon para sa
akin dahil, sa natural kung malamang, kailangan kong matutong magbasa at
magsulat. Iyon nga lang, saka ko lang din napagtantong nasa wikang Ingles ang
aming pinag-aralan pero okay na rin naman. Noong nasa mataas na paaralan ay
nasisiyahan na akong magsulat sa aming asignaturang Filipino at simula noo’y
pinangarap ko na ring makapagpalimbag ng sarili kong libro. Pero pangarap na
lang din siguro iyon dahil takot na takot ako sa kritisismo’t sa tingin ko lang
di’y ako lang ang naaaliw sa mga pinagsasasabi ko. Kahit na ganoo’y lumihis
naman ang pagtahak ko sa Filipino sa antas ng kolehiyo’t pagsusumikapang
makapagturo ng nabanggit na asignatura sa mataas na paaralan.
No comments:
Post a Comment