Bago ako mag-aral, nililinis ko muna ang aking
buong kuwarto. Kaysa na ipalusot ko pang procrastinate time din ang paglilinis
ng kuwarto bago mag-aral e gusto ko lang ding maayos tingnan at singhutin ang
aking kaligiran habang ako’y nagbabasa o nagsusulat. Nagsusulat din ako minsan
ng reviewer kapag marami masyadong kailangang kabisahin at minsan pa’y
inaupload sa mga grupo (kung mayroon man) para makatulong (at makapagyabang!)
sa aking mga kaklase. Mahalaga sa akin ang mga susing salita’t madali akong
nakaaalala kapag iyon lang ang inalala ko. Kumbaga, sa isang salita, isang
parirala, isang konsepto, marahil ay maaari ko na itong pasimulang ilahad nang
mahaba-haba’t may panahon pa para mag-isip sa mga susunod pang tanong. Nagkakape
rin ako bago at habang nag-aaral bilang pampagising. Hirap kasi akong mag-aral,
at hindi ko pa rin ginu-Google kung bakit, kapag may liwanag ng araw. Iyong
tipong may gana lang akong mag-aral kapag gabi. Siguro kasi, iyong tipong
malinis na kapaligiran sa akin e malinis na talagang walang taong gising. Hindi
rin ako kumportableng magsulat nang may maingay o may gising na tao, o may
gising na taong tanong nang tanong, nakikipag-usap pa rin kahit nakikita na
akong nagbabasa o sisilip pa sa akala nila’y obra ko nang kinakatha. Hindi ko
rin kayang mag-aral nang may musika pero kaya ko namang magsulat minsan kapag may
classical na tumutugtog na piyesang piano ang instrumento. Madali akong
madistract din kapag may internet kaya hindi ko kailanman piniling mag-aral sa
bahay namin sa Cavite sa tuwing umuuwi ako, kahit pa alas tres nang madaling
araw at ako na lamang ang gising, payapa, at mabilis nga kasi yung internet,
wala na naman akong matatapos niyan, sorry. Madalas akong magsimula 2-3 days
before ng pasahan pero sinisigurado ko namang hindi ganoong kapatapon ang aking
inaasam na resulta. Iyon nga lang, minsan, kapag kinasarapan ng antok at yakap
ng comforter sa paggising sa ginaw ng ulan at suspension na inaabangan sa TV, magpoprocrastinate
na naman si Mart hanggang sa kahit tres ay madaplisan niya man lang.
No comments:
Post a Comment