06 December 2013

Punk Kapunk

Ano ba ang kasaysayan ng Pilipinas? Ang kasaysayan ay ang mga pinagdaanan ng mga nangyari sa Pilipinas sa bawat panahon. E ang panitikan ng Pilipinas? Ang panitikan naman ang mga karanasan ng mga Pilipino o ng mga katutubo ng Pilipinas na maaaring naisulat o naipapasa nang pasalita. Ito ay ang kolektibong mga karanasan ng mga Pilipino sa paglipas ng panahon na nagsasabi ng ating kultura, kinagisnang kalinangan, mga kaugalian at iba pa. Samakatuwid, ang panitikan ang makapagsasabi o makapagpapakilala kung sino tayo, kung ano ang papel natin sa bansa. Kung mayroong kasaysayan at panitikan ang Pilipinas, hindi malabong may kasaysayan ang panitikan ng Pilipinas. Nais sanang pagdiinan ng papel na ito na ang kasaysayan ng panitikan sa Pilipinas ay hindi kumpleto, o sa madaling sabi e kulang-kulang, na maaaring magpahiwatig na ang pagkaltas sa sana’y maaaring makapagpakilala sa ating mga Pilipino ay sinadya, o maaari ring hindi pa rin nagiging malalim ang paghuhukay sa kasaysayan ng Pilipinas. Ang pag-aakala nating kumpleto na tayo kasi may kasaysayan tayong naisulat e kulang pa rin pala. Sa dami ng akala nating bumubuo sa atin e kakaunti pa rin pala ang pagkakakilala natin sa ating pagka-Pilipino. Sa dami ng mga nakolektang impormasyon tungkol sa lahi ng matatapang at malilikhain sa Pilipinas e yung iba pala ay hindi totoo, inedit at hindi para sa lahat ng Pilipino kundi maaaring para lamang sa isang lahi, sa isang tao, at hindi para sa Pilipinas.
                
Ano ang literary history ng Pilipinas? Ito ay ang mga pinagdaanan ng literature ng Pilipinas sa bawat panahon. Ito ang mga pagbabago, pagbabawas at pagdadagdag sa literature. Nakapasok na rin dito kung paanong umunlad, pumasok, nagsimula, hinaluan at nabagu-bago ang buong panulat ng mga Pilipino tungkol sa mga karanasang paglaban, pasining at natural na bugso ng damdamin.
                
Pero ano nga ba talaga ang literary history? Ito ba ang History ng Literature?  O Literature ng History? May malaki nga bang pagkakaiba sa dalawang nabanggit para sa ibig sabihin ng kasaysayan ng panitikan ng Pilipinas? Iba ang pagkukuwento ng talagang nangyari sa kasaysayan, sa paraang masining man o direktang pagsasalaysay ng mga aktuwal na nangyari. Ang Literature ng History ay maaaring patago, nakatago o naitago. May mga panulat na itinatago ang kanilang mga nais sabihin para hindi mahuli ang mga manunulat na nais magmulat sa mga taong kanilang nais maimulat sa katotohanan. Pumapasok na rito ang usapin ng censorship na ginagamit ng karamihan ng mga manunulat na bumabatikos sa mga nakatataas. Dahil nga naman sa ayaw ng mga nasa itaas na malaman ng kanilang mga nilalapastangan at pinagsasamantalahan na nakapandaraya na sila sa kanilang mga nasasakop, idinadaan ng mga manunulat sa pagpapahiwatig ang mga nangyayari sa mga hindi pa nakakikita. Nakikita ng mga manunulat ang mga nakikita na rin ng mga nilalapastangan. Nakikita nga ng mga pinagsasamantalahan ngunit hindi rin naman nila nakikita. Nagiging daan ang mga manunulat sa paglilinaw ng mga malalabong nakikita ng mga inaabusong Pilipino.
             
   O ito ang History ng Literature? Iba rin naman ang pagkukuwento tungkol sa mga lumitaw na kuwento, tula, dula at awit na isinulat, isinalin o ipinasa nang pasalita o paawit sa simula pa lamang ng kasaysayan ng Pilipinas. Maaaring nagsimula na ang kasaysayan ng Pilipinas ngunit hindi pa nagsisimula ang panitikan dito. Iba ang pagsasalaysay ng pinagdaanan ng mga panulat ng Pilipino sa panulat tungkol sa pinagdaanan ng mga Pilipino. Ano ba talaga ang Literary History?
             
   Ang Literature ng History ay maaaring fiction at non-fiction. Nabanggit na kanina na ang pagsusulat sa Pilipinas ay maaaring tungkol sa Pilipinas, tungkol sa mga kasaysayan dito at maipapasok na rin ang sining sa panulat at pag-awit ng mga Pilipino tungkol sa kanilang mga karanasan, tungkol sa kanilang kasaysayan. Ang literature ng history ay ang pagkukuwento ng kasaysayan. Ang pag-aaral ng literature ng history ay ang pag-aaral ng nilalaman at istilo ng panulat ng mga Pilipino simula noon hanggang sa ngayon, na madalas nakabatay sa mga piling panahon.
             
   Samantalang ang pag-aaral ng History ng Literature ay ang pagbibigay-diin sa pag-aaral ng istilo at pagkakita sa pag-unlad at pagbabagong nangyari sa literature sa lahat ng panahon. Kung ang Literature ng History ay ang pagtingin sa kasaysayan ng mga tao, ang History ng Literature, sa pinakamadaling sabi ay ang pagtingin sa kasaysayan ng panulat ng mga tao. Maaaring sabihing bahagi ng history ng literature ang literature ng history. Mula rito, maipagpapalagay na mas malaki ang sakop ng history ng literature dahil pasok dito ang pagkakapanganak ng literature hanggang sa mga kasalukuyang panulat. Sapagkat kasama sa kuwento tungkol sa mga Pilipino ang kuwento tungkol sa simula at pag-unlad ng kanilang mga panulat at pag-awit, ang history ng literature ay bahagi lamang ng literature ng history.
              
  Ang literature ng history ay may pinipili lamang na panahong nais na ipakita sa mambabasa. Nakapasok sa mga imahen ng bawat panulat ang mga nangyayari na kung pagsusumahin at kokolektahin ang lahat ng panulat ay maikakahon sila sa bawat panahong kanilang ikinukuwento o maaari ring pagpangkat-pangkatin sa grupo kung saan ay sinasabi kung kailan sila isinulat.
               
Kapag binasa ko ang libro, madaragdagan lamang ang kaalaman ko sa bawat panahong alam ko tungkol sa history at maaaring maliit na kontribusyon lamang sa alam kong history ng literature. Mula rito, kakarampot lamang na bahagi ng alam kong history ng literature ang napasukan. Habang nadaragdagan ang mga kuwento sa isip ko tungkol sa mga tumira at nanatili sa Pilipinas, malaki ang naitutulong nila para sa kung ano ang masasabi ko sa kasaysayan nating mga Pilipino, ngunit kakaunting pagdidikit lamang ng mga katangian, nilalaman at karanasan ng mga panulat ng mga Pilipino ang maipapasok ko para sa alam kong kasaysayan ng ating mga nakasulat na karanasan. Kailangan ko pang magbasa ng mas marami kung pagtutuunan ko ng pansin ang history ng literature. Hindi na ako kailangang kabahan pa para sa mga alam ko sa kasaysayan ng ating bansa kung sa pag-aaral ng pa lamang nang pautal-utal sa history ng literature ay marami na akong nahihigop tungkol sa literature ng history.
             
   Kung ang panulat ay tungkol sa karanasan ng mga tao, at ang kasaysayan ang mga kuwento tungkol sa karanasan ng mga tao, maaari ko bang sabihing ang history ay literature at ang literature ay history? Mismo? Kung ang history ay nakasulat, o maaaring isulat, maaari naman itong ikategorya sa literature. Kasama na ito sa mga umusbong na sumulat dahil nabanggit naman kaninang ang literature ay maaaring fiction at non-fiction, at kung susuriing mabilis lamang ay ang history ay non-fiction literature. Ang history ay literature. Kung ang literature ay ang pagkukuwento ng mga karanasan, totoo man o hindi, pasok pa rin ito sa mga kuwento ng tao, kuwento ng karanasan ng mga tao, kasaysayan ng mga tao, kasaysayan ng Pilipinas. Maaaring makapagsabi o makapagpahiwatig ng mga bagay-bagay na nangyari simula noon hanggang ngayon ang mga sinasabi at isinasalaysay ng mga manunulat kaya’t maaari nang isumang ang literature ay bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas. Hindi ko sinasabing bahagi ng bawat sibilisasyon ang pagkakaroon at pagkakapanganak ng kanilang mga manunulat kundi bahagi ng kani-kanilang mga kasaysayan ang mga ipinanganak ng kani-kanilang mga manunulat. Ang literature ay history.
               
Kailangang aralin ang literature tungkol sa history. Hindi lamang nito masasabi kung ano ang nangyari noon kundi sinasabi rin nito ang nangyari sa ating panulat, kung paano itong nagsimula, nabago at maaari ring nawala o napalitan, nag-evolve sa mas maganda pang klase o istilo ng paghahayag ng karanasan at damdamin. Kailangan ding aralin ang literature na hindi tungkol sa history. Ito yung mga panulat na hindi pa nangyayari o maaaring patungkol pa sa ibang fiction na may posibilidad pang mangyari sa pag-usbong lalo ng teknolohiya. Ito yung mga sinasabi nilang may kahalong magic, o super advanced technology na maaaring feasible at maaaring hindi. May mga panulat kasing hindi patungkol sa kasaysayan o karanasan ng kanyang manunulat. Maaaring ang panulat ay magsasabi ng kasaysayang nais mangyari o hindi pa nangyayari ngunit gusto o maaaring mangyari ayon sa kanyang manunulat. Mula rito, pumapasok na ang problema sa isang literature tungkol sa isang Panahong hindi naman ginawa sa Panahong inilapat sa akda. Ito ay ang problema tungkol sa kung saan dapat ikahon ang iprinisentang halimbawang akda: sa Panahong nakapaloob dito o sa Panahong kinapapalooban niya?
               
Kung magsusulat ako ng literary history ng Pilipinas, kailangang nahahati ito sa mga panahon. Maraming sinasabing panahong tungkol sa mga kasaysayang ating nababasa pero may tatlo pa ring lumalabas na pangunahing mga panahon sa akademya: ang panahong wala pang mananakop, panahon ng mga mananakop at ang panahong wala na yung mga mananakop. Medyo problematiko pa rin ang unang panahon dahil sa hindi naman halos nahahati pa ang panahong ito batay sa mga panulat ng bawat isa, hindi tulad ng sa pangalawang sobrang sikat dahil sa mga Espanyol, Amerikano at mga Hapon, at sa ikatlo kung saan may mga nilabanang administrasyon sa Pilipinas. Oo nga, may panahon ng bato, metal, tanso at kung anu-ano pa ngunit sa mga antolohiya ng panitikan ng Pilipinas ay hindi nahahati ang pre-colonial na bahagi. Hindi ba makikita ang panahong kanilang pinapasukan para sa mga mas maliliit pang bahagi ng nabanggit na naunang panahon sa Pilipinas? O ang konsepto ng panitikan ng Pilipino ay mas kinikilala lamang kung kailan lamang kinilala ang salitang Pilipino at Pilipinas? Hindi pa ba mga Pilipino ang isinasama sa pre-colonial na bahagi panitikan ng Pilipinas? Hindi na ba kailangang mahati sa panahon ang bahaging ito? O kulang pa ang mga nakalap na panitikang nanggaling sa panahong ito? Isa pa ay ang pagtawag sa mga bahagi ng ikalawang panahon ng ‘ng kolonisador.’ Panahon ng Amerikano, panahon ng Espanyol, panahon ng Hapon. Panahon ba nila iyon? E bakit nakasulat sa kasaysayan at panitikan natin e sa kanila naman pala iyon? Kaya ba sinasabing sa kanila ang Hapon ay dahil nasa ilalim tayo ng kapangyarihan nila noong mga panahong iyon? O hanggang ngayon e kolonyal pa rin ang ating utak kaya panahon nga nila iyon? Hindi ba dapat e Panahon ng mga Pilipino? Panahon ng Pilipino sa ilalim ng Espanyol, Amerikano at Hapon? Sa atin ang panahon at hindi sa kanila. Hindi naman sila nakatira rito. Nakitira lamang sila sa Pilipinas. Hindi sa kanila ang mga panahon ng Pilipinas kung hindi sa atin. Atin ang ating mga panahon.
             
   May mga literature din na post-modernistic at futuristic. Tulad ng nabanggit kanina, ito yung mga panulat tungkol sa mga imposibleng mangyari at hindi pa nangyayari ngunit posibleng mangyari. Ito yung mga panulat na feasible scientifically o hindi, o sa madaling salita ay science fiction, na maaaring patunayan o hindi na, o hinahanapan pa ng patunay, pero nakasulat. Ibig sabihin, sila ay bahagi pa rin ng literature, at maaari na rin, ng history. Pero saan natin sila ikakahon? Wala naman silang puwesto sa tatlong unang nabanggit na panahon. Hindi naman puwede sa post-colonial kasi may bahagi pa rin sa mga ito ang hindi na nga talaga mangyayari. Kapag nangyari na ba ang context ng sinasabi ng isang literature, ililipat na ba ito ng kahon o saka lamang ba ito maikakahon? Maaari bang nasa dalawang kahon ang isang literature? Kailangan bang baguhin ang mga kahon o kailangan silang dagdagan?
              
  Kapag magkakahon ng isang bahagi ng literature papaloob sa isang period, pipiliin ang panahon kung kailan ito isinulat o isinilang. Ang mga naisulat nang literature sa panahon ng mga Espanyol ay nakapaloob sa panahon ng Espanyol ng mga naisulat nang bahagi ng history ng literature. Maaaring sabihing may literature noong panahon ng Hapon at maaari ring sabihing may literature tungkol sa panahon ng Hapon. Paano ikakahon ang mga ito? Saan nga ba sila ikakahon? Ikakahon ko ba ang mga ito sa panahon lamang ng Hapon?
              
  Ano nga rin ba ang panitikan na ng Pilipinas? Ito ba yung panitikang isinulat sa Pilipinas? Paano kung dayuhan ang nagsulat tungkol sa Pilipinas, bahagi pa rin ba ito ng panitikan ng Pilipinas? Panitikan na nila ito dahil sila ang sumulat. Ito ang pagtingin nila sa Pilipinas o ang mga karanasan nila Pilipinas ngunit hindi naman sila mga Pilipino. Maaaring sabihing problematiko rin ang terminong panitikan ng Pilipinas. Baka naman sabihin na lang nating panitikan ng mga nakatira sa Pilipinas. Ito ang panitikan ng mga Pilipino. Kaya kahit nasa ibang bansa man ang isang Pilipinong manunulat at sumusulat siya tungkol sa bansang iyon, panitikan pa rin iyon ng Pilipinas, ng mga Pilipino. E paano naman kung Pilipino ka ngunit sa ibang bansa ka lumaki? Apektado ang iyong imahinasyon at istilo ng panulat ng dayuhang kultura at kalinangan. Pilipino ka pa rin ba? Panitikan pa rin ba ng Pilipinas ang iyong pinahahalagahan o panitikan na ng bansang iyong kinalakhan at kulturang kinagisnan? Kailangan bang may umangking bayan sa lahat ng mga panulat na inilalabas ng mga manunulat? O ang panitikan ay para sa lahat naman ng mambabasa at hindi para sa kani-kanilang mga manunulat?
              
  Bakit kailangang magkahon? Kailangan nating maikahon ang ating mga panitikan para maging maayos at sunud-sunod ang pagtingin sa pag-unlad ng panulat ng mga Pilipino sa Pilipinas. Ipinapangkat nang maayos ang bawat panitikan sa Pilipinas para makita ang unti-unting pagbabago sa bawat panahon. Inaaral ang pag-unlad ng panitikan ng Pilipinas para malaman ang pinagmulan ng panulat nating mga Pilipino, kung paano tayong mag-isip, kung paano nating inilalabas ang ating mga naiisip at nararamdaman, kung paano tayo nagiging iba at natatangi sa iba pang mga lahi sa mundo. Tinitingnang mabuti ang panitikan ng Pilipinas sa bawat panahon para makita ang daloy ng ating mga nais sa bawat panahon, kung anu-ano nga ba ang mga lumilitaw na espisipikong hinahanap-hanap natin sa bawat panahon para maikumpara ang hangarin ng bawat Pilipino, kung may pagkakaiba man o pagkakapareho. Sa pagkakapareho, madaling masasabi kung sino talaga ang Pilipino, kung paano siyang nakikibagay sa mundo, at para sa pagkakaiba, lumalabas ang iba’t ibang naranasan ng mga Pilipino na maaaring tumulong sa pag-abot o pagdating natin sa ating pagkakapareho.
               
Paano magkakahon? Kailangang maikahon ang isang literature sa panahon kung kailan ito isinulat. Maaaring sabihing apektado ng wika ang pagsusulat ng isang manunulat tungkol sa literature na kanyang nililikha, ano pa mang panahon ang nakapaloob at ang kanyang gustong isalaysay o ilahad. Hindi na iisipin ang nilalaman ng isang literature kung nais magkahon. Iisipin na lamang kung kailan ito isinulat. Ang wika ng manunulat ay nakapako sa panahong kanyang ginagalawan. Apektado ng kapaligiran ng panahon ang wika ng isang manunulat. At kung apektado ng wika ng manunulat ang kanyang literature na kanyang isinusulat, nakapako ang kanyang nililikha sa kung kailan niya ito isinulat. Kaya kung may ikakahon mang literature, ibabase ito sa wikang ginamit ng manunulat, sa wika ng kanyang panahon, sa panahong isinulat ng manunulat ang kanyang literature.
                
Kung may magbabasa man nito, madali itong mababasa dahil nga sa wika ng kanyang panahon ang ginamit. Mas madaling magkakaintindihan kung magkapanahon ang manunulat at ang kanyang mambabasa. Kung nais na madaling maunawaan ng target na mambabasa, maaaring makibagay ang kasalukuyang manunulat at ibabase niya ang kanyang tono sa tono ng kinaliligiran niyang mga tao o mas paliliitin niya pa ito sa alam na wika ng kanyang target talaga na mambabasa. Maaaring ang target na mambabasa ng isang manunulat ay naaayon sa panahon ngunit ang wika ng panahon ay maaari pa ring pagpangkat-pangkatin. Naikakahon din sa marami pang mga wika ang isang wika ng isang panahon. Sa madaling sabi, ang pagkakahon ay maaari pa palang ipasok sa mas pailalim na spesipikong wika ng isang panahon, mula sa mas karaniwan o pinaghugutang wika ng kinapapaloobang panahon.
                
Sa akademya, mas mabilis na nauunawaan ng mga estudyante ang wikang mas gusto nilang binabasa, lalung-lalo na kung nasa wika nila itinuturo ang paksa o nasa wika ng kanilang panahon ang kanilang mga pinag-aaralan at sinusuri. Bilang isang manunulat, kung magsusulat ako ng literature ng history para sa mga taong labas sa akademya, isusulat ko ito sa wikang madali nilang mauunawaan. Hindi lang naman para sa mga taga-akademya ang literature at ang history. Noong panahon ng mga Amerikano, sikat ang mga sosyalistikong panulat sa mga taong labas sa akademya, partikular na sa mga manggagawang Pilipino. Ang mga panulat na ito ang nagmulat sa kanila tungkol sa mga nangyayari sa kanilang paligid. Ang isang papel ng manunulat ay magpakita ng kanilang mga karanasan para na rin sa mga taong nakararanas ng kanilang mga nararanasan ngunit bulag sa kanilang talagang nararanasan. Ang pagsusulat sa wikang nakapaloob sa panahong kinapapalooban ay pagsusulat sa panahon ng mga taong pumapaloob dito. Para saan pa ang malalim na pagsusulat kung gusto kong gisingin ang mga natutulog na hindi pa marunong sumisid?
           
     May literature noong panahon ng kolonyalismo na nakatago ang mga ibig sabihin para hindi mahuli agad. Katulad ng nabanggit pa kanina, ang mga ito ay censored, censored sa mga dayuhan ngunit hindi censored sa kamalayang Pilipino. May paraang mas mabilis nating makikilala ang ating mga sarili nang hindi tayo nakikilala ng mga taga-labas. Ang pagtatago ng mga pahiwatig ay magtatago nang walang hanggan mula sa mga dayuhan dahil sa iba ang takbo ng kanilang isip sa takbo ng isip ng mas madaling makaiintindi ng mga simbolismo at imaheng nakapaloob sa isang literature. Itinatago nila ang kanilang mga identidad para hindi sila mapahamak dahil ayaw ng mga nakatataas na binabatikos sila dahil sa kapag namulat na ang kanilang mga pinagsasamantalahan, maaaring maalis sila sa puwesto nang walang kalaban-laban, kaya maaga na nilang inaalisan ng kapangyarihan ang sinumang mahuli nila.
           
     Pero may mga literature din na direktang bumabatikos at madaling mahuhuli ng isang kalaban. Minsan, mas maganda na rin kung ang atake e madaling makapagpapaunawa sa isang kalaban. Matatapang ang mga ganitong panulat sapagkat ang bomba ay inilalaglag mismo sa upuan ng mga nakaupo, hindi lamang sa mga nakatayo. Sinusubukan nilang kumbinsihin ang mga nakataas na walang pakialam na magkaroon naman sila ng pakialam sa kanilang mga pinagtitripan. Kung may kakayahan silang hubugin ang mga naghihirap, iniaangat nila ang kanilang mga kakayahan bilang mga manunulat para hubugin naman ang mas matataas.
           
     May mga literature din ng Pilipinas na nakasulat sa mga banyagang wika. Dahil sa kalat na ang pambansang wikang Filipino sa buong Pilipinas dahil sa pagkakalat ng media at pagtuturo sa edukasyon nito bilang isang asignatura, kailangang maisalin sa Filipino o sa iba pang mga wika ng Pilipinas ang mga wala sa wikang Filipino. Naisulat man ito sa ibang wika, kung Pilipino pa rin ang sumulat nito ay hindi naman siguro ito mailalayo sa kulturang Pilipino, sa wika ng isang Pilipino. Baka naman mas madali pa itong mauunawaan at mas marami pang maipapasok, masasabi at maidaragdag tungkol sa isinaling panulat mula sa banyaga tungo sa isang wikang mas mabilis na mauunawaan ng isang Pilipino, kung ang isinulat nga ay para sa Pilipino.
            
    Makikita sa Revolutionary Routes ang naging tulong ng literature at wika sa pagsasalaysay ng mga nangyari sa history. Magkatuwang pa rin ang dalawa, ang literature at ang history, sa pagpapublish ng mga kuwentong nais ipabatid. Hindi maaaring paghiwalayin ang literature at history. Ang literature ay ginagamit upang maipakilala ang history at ang history ay ipinapakilala ang literature. Ang pagkukuwento ay hindi lamang nakatutulong sa pagdadagdag sa karanasan ng mga tao kundi pati na rin sa karanasan ng ating panitikan.
              
  May nakapaloob pa ring kultura at ideology sa wikang ginagamit ng isang manunulat sa kanyang paggawa ng literature. Kung nagsasalin, hindi rin naman agad-agad na nakikita o naipararamdam ang nais na iparamdam ng manunulat sa kanyang target na mambabasa. Sa kaso ng Revolutionary Routes, ang proseso ng pagsasalin ay mula Espanyol hanggang Ingles at mula first-person hanggang third person. Kung magkakaroon ng mas malalim pang pagbabasa ang isang mananaliksik, hahanapin niya ang orihinal na akda para ikumpara sa naipublish at mas mapicture out ang mga pangyayari, lalung-lalo na’t siya’y magbabasa sa first person point of view. Mas magiging kumpleto ang karanasang kanyang iniimagine, mas buo dahil sa mas detalyado at purong mga ideya sa orihinal na wikang ginamit.
           
     Ang papel ng literature upang maipasa ang kasaysayan, para sa mga mambabasang hindi nakadanas ng nangyari sa nakaraan. Ang panitikan ang nagbabalik sa kanyang mambabasa sa mga nangyari noon, sa mga panahong hindi niya kinabibilangan. Ang panitikan ay naisusulat para maipakilala nga ang history. Sa unang wikang ginamit para maisalaysay ang mga nangyari sa kanilang buhay, ang unang draft ng Revolutionary Routes, maipakikilala ang uri ng literature sa panahong tumatakbo sa isipan ng kanyang unang manunulat. Nabibigyang-diin ng history ang literature na kanyang nasasakop.
               
Sa Revolutionary Routes, may binanggit din tungkol sa Secret History. Bakit nga ba may mga itinatagong history? Pili pa rin ba kaya ang mga itinuturo sa elementarya? May kinakampihan ba ang mga historyador ng bansa? Kapag naisulat ay dapat nababasa dahil kaya nga naisusulat ang isang literature ay dahil may gusto itong patunguhan, may gustong mambabasa. Hindi dapat itinatago ang kasaysayan at panitikan dahil isinulat ang mga ito para mabasa, malaman at maunawaan at hindi para lamang maipon, maidisplay o mabulok sa baul. Hindi dapat kinokontrol ang history. Hindi na ba mahalagang literature ang mga hindi sikat? Kaya lamang ba sumisikat ang literature ay mahalaga sila? O pinipili lamang ang mga pinahahalagahan? Hindi na dapat pahalagahan ang lahat ng panulat? O implikasyon lamang ng Secret Histories na ito na kulang pa ang ating history? Kapag hindi pa ba naisusulat ay hindi na bahagi ng ating panitikan?
             
   Sa parte na Tomas, the Lawyer ng Revolutionary Routes, makikita ang pagsilence sa kapwa Pilipino para sa reputasyon ng isang sikat na Pilipino. Hindi lamang pala ang mga kolonisador ang nagpatahimik sa mga nais sabihin nating mga Pilipino ngunit mga kapwa din nilang Pinoy ang umagaw sa kanilang karapatang mag-ingay na maaaring magpaalis sa isang tao at maaaring makapagpabago ng buong history, ng nakaraan, ng kasalukuyan, at ng hinaharap. Kontrolado ang history ng Pilipinas, hindi lang ng mga dayuhan, kundi ng mga Pilipino mismo. Hindi lahat ng naisusulat sa libro e nangyari nang natural, sa madaling sabi e scripted. Naisulat na agad ang history bago pa man ito naisulat.
              
  Pansin naman sa kuwento ng Crisostomo, the Guerilla ng Revolutionary Routes ang pagtulong ng mga Hapon sa mga Pilipino laban sa mga mapagsamantalang Hapon. Madalas, kapag sinabing mananakop, kalaban at masama agad na maituturing. Bawas na bawas na talaga ang ating kasaysayan. Nagkukulang ang ating kasaysayan at panitikan, hindi lamang dahil sa kulang pa ang mga nahuhukay ng mga historyador ngunit pinipili pa rin mula sa mga kaunting nahuhukay ang mga nais lang ipabasa. Kakarampot na nga, binabawasan pa. Makikita ang dalawang pagtalikod – ng Hapon sa Hapon, at ng Pilipino sa Pilipino. Ang isa’y para sa kapakanan ng isa. Ang kabaitan ng isang tao ay wala sa kanyang pinanggalingang bansa, hindi sa kinikilalang natural o kumon mula sa kanyang bansa, kundi sa pagyakap sa tradisyon ng kanilang bansa, sa tamang kultura at tradisyon ng kanilang bansang kinalakhan, sa gusto ng kanilang bayan at hindi sa gusto ng kanilang mga tao. Naghihiwalay ang pagiging makabayan at pagiging makasarili sa mga pagkakataong ito dahil nakikita ang tunay na natututunan ng isang tao sa kanyang bayan o kung natututo ang isang tao sa kanyang bayan. Nabubura ang pagtingin sa bandila at kapangyarihan at bumababa sa mas madaling konsepto ng pagiging tao, malayo sa isang lahi, malayo sa sarili, malayo sa usaping makasarili at pasok sa usaping makabayan. Ang punto ng pagtataksil ay hindi laban sa kapwang kapareho ng pinanggagalingan kundi laban sa mga itinuturo ng pinanggagalingan.
              
  Mula sa Cracks in the Parchment Curtain, pinalalabo ng dokumento ng mga Espanyol ang maaari sanang malinaw na larawan ng nang dinatnan nila sa unang pagkakataon ang mga katutubong Pilipino nang mapadpad sila sa mga isla ng Pilipinas. Sila nga ay nakarating dito sa Pilipinas ngunit hindi sa punto de bista ng isang Pilipino ang kanilang mga panulat tungkol sa Pilipinas. Hindi naman talaga para sa Pilipinas ang kanilang pagsusulat kaya hindi naman nila pinahahalagahan ang pagsusulat tungkol sa Pilipinas. Hindi naman talaga sila nagsusulat para sa mga Pilipino ng Pilipinas ngunit nagsusulat sila tungkol sa kanilang mga ekspedisyon at tungkol sa kanila, hindi tungkol sa atin. Ngunit mula sa kanilang mga panulat na ito ay maaaring pagkuhanan ng kasaysayan natin kahit hind sila para sa atin. Basta ba’t may nakapaloob na Pilipinas e maaari nating magamit upang maipakilala ang sinaunang mga nangyayari sa bansa. Hindi man ito panitikan ng Pilipinas, ang panitikan sa Pilipinas ay maaaring basahan tungkol sa Pilipinas upang makilala din natin ang mga sinaunang Pilipino.
            
    Binanggit sa Cracks in the Parchment Curtain ang pagsilence sa mga hindi naman ganoong kaimportante sa kasaysayan ng mga dayuhan. Tinanggal nila ito dahil hindi naman mahalaga tungkol sa pagpapakilala ng kanilang pagiging mahusay pero mahalaga para maipakilala tayo. E sa para sa mga tao nila, para sa kabuuang istorya ng kanilang ekspedisyon ang kasaysayang kanilang isinusulat kaya hindi nila isinama ang kasaysayang makatutulong sa mga hindi nila kalahi. Ang pagsulat ng kasaysayan ay may pinipili lamang na mambabasa, mambabasa ng panitikan, panitikan ng sariling lahi. Hindi naisusulat nang kumpleto ang kasaysayan dahil sa iba’t ibang pagpapahalagang pinagtutuunan ng pansin na kanyang manunulat.
             
   Ang pagsulat ng panitikan ay hindi lamang ginagawa para may maisalba sa kasaysayan kundi binabawasan ito base sa importansya nito sa manunulat. Kung hindi naman magagamit ng kanilang lahi e hindi na nila kailangan pang pagbutihin ang pagsulat tungkol dito. Hindi kinokonsidera ang kasaysayan ng ibang lahi kung magsusulat ng tungkol sa lahing kinabibilangan. Isa rin itong halimbawa ng mga dahilan kung bakit kulang o bawas ang panitikan at kasaysayan ng Pilipinas. Alam na agad ng manunulat ang kanyang magiging mambabasa.
              
  Ang manunulat ay mahalaga sa kasaysayan at panitikan ng kanyang bansa. Siya ang nagdaragdag, nagpapaunlad at pangunahing tumutulong sa pag-usbong ng panitikan at nagpapakulay sa kasaysayan. Kung walang manunulat, walang panitikan, magkukulang ang kasaysayan. Kung walang manunulat, walang makaaalam ng kasaysayan. Ang manunulat ang may kapangyarihang magpasimula ng mainstream at mayroon din silang kapangyarihang sirain ang mainstream. May kapangyarihan silang ipakilala na ang mga may kapangyarihan ay wala naman palang kapangyarihan. May kapangyarihan ang isang manunulat na bigyang ng kapangyarihan ang mga walang kapangyarihan o ipaalam sa isang indibidwal na mayroon pala siyang kapangyarihan. May kapangyarihan ang manunulat na tuluyang makilala ng isang nilalang ang kanyang pagkatao at kaya rin ng isang manunulat na tapakan ang pakatao ng isang indibidwal at masira nito ang unang kinikilala niyang akala niya ay kanyang tunay na pagkatao. May kapangyarihan ang isang manunulat na ipakilala sa kanyang mga mambabasa ang kapaligirang kanilang ginagalawan, magsiwalat ng mga sikreto at magbunyag ng mga hindi pa nakikita sa mga hindi pa nakababasa sa kanila o sa mga hindi mapanuring matang di natutulad sa mga mata ng isang manunulat. May kapangyarihan din silang itago ang mga nalaman nila ngunit kahit kailangan nilang isiwalat ang katotohanang kanilang mga nakita, maaari rin silang pigilan ng mga nagkukunwaring mas makapagyarihan pa kaysa sa kanila.
             
   Mula sa dalawang Sarilaysay, hindi naman agad na nagiging mahusay na manunulat ang isang manunulat. Karaniwan sa mga manunulat noong bata pa e, nakahihiligan na nilang magsulat. Ang pagsisimula nang ganito mula pa lamang sa murang isipan ng isang tao ay maaaring makatulong upang maaga nang mahasa ang angking galing at pagnanais na magsulat para sa panitikan at kasaysayan ng Pilipinas. Pero hindi pa sila agad naghahangad ng makilala ng kapwa nila ang kanilang mga sarili. Nagsisimula sila sa pagkilala ng kanilang sarili. Nababanggit sa dalawang aklat na nagsusulat pa lamang sila noong mga bata sila dahil sa iyon ang gusto nila. Gusto lang talaga nilang magsulat. Ginagamit nila ang kanilang panulat para mailabas ang hindi nila masabi, upang mailabas ang kanilang mga nararamdaman. Hanggang sa magsimula na silang magbasa nang magbasa, dumadami at mas namumulat ang kanilang mga murang isipan, mas lumalalim ang kanilang mga panulat hanggang sa hindi na lamang sila nagsusulat para sa kanilang mga sarili kundi nagsusulat na sila para sa iba, para sa kanilang mga mambabasa.
           
     Kapag nakilala na nila ang kanilang sarili at handa na silang pasukin ang mundo ng isang manunulat, ang mundo ng pagpapakilala ng sarili ng iba, ang mundo ng pagmumulat sa iba, may mga daan pa rin silang dapat lampasan upang lubos na maipagpatuloy ang napiling destinasyon. Maliban sa patuloy pang pagbabasa ng napakarami at pagsusulat nang patuloy, maraming manunulat din ang sumasali sa mga contest, sumasali sa mga writing organization at sumasali sa mga workshop kasama ang kapwa nila manunulat o yung mga manunulat na sa tingin nila agad e mas magagaling sa kanila. Doon nila mas nakikilala ang kaibahan nila sa kapwa nilang manunulat at nakatutulong din ang mga kapwa nila sa pag-unlad pa lalo ng kanilang mga panulat. Mahalagang mapaunlad nang maayos ng isang manunulat ang kanyang pagsulat dahil sa kailangang maging consistent o iisa ang kanyang istilo sa pagsulat. Kailangan niyang makilala o mabuo ang kanyang sariling istilo sa pagsulat. Kung makabubuo siya agad ng isang istilong para sa kanya, ang kanyang mga susunod pang maisusulat para sa panitikan at kasaysayan ay madali na siyang makikilala para sa mas madaling malaman ng mga mambabasa ang mga nagmulat sa kanila. Magiging bahagi ng mas maayos na kasaysayan ng panitikan ang isang manunulat dahil sa kanyang tanyag na istilo at magiging nilalaman ng kanyang mga panulat.
                
Kailangan din nilang malampasan ang problema nila sa magulang dahil sa pipiliin nilang career sa buhay. Ayon sa mga kinapanayam, may magulang din kasing ayaw sa pagiging manunulat ng kanilang mga anak dahil sa kakaunti ang perang papasok sa bulsa. Mas pinahahalagahan ng mga magulang ang gusto nila para sa kanilang mga anak at hindi ang gusto ng kanilang anak para sa kanyang sarili. Pinag-aaral lamang nila ang kanilang anak para makapagtrabaho at kumita, umunlad bilang isang robot, at hindi ipinapasok ang kanilang anak sa unibersidad para makilala nito ang kanyang gusto at umunlad bilang isang tao.
              
  Sa may unang bahagi ng Etsa-Puwera, nakita ang pagtingin ng tao sa hayop at ng maaaring pagtingin ng mga hayop sa tao. Malaki ang pinagkaiba ng mga hayop sa tao dahil nairerekord natin ang ating kasaysayan at naiipon natin ang ating mga panitikang maaaring makapagpabuo o makasira sa ating mga sarili, sa ating mga pagkatao. Tao na rin mismo ang nagsusulat tungkol sa mga hayop, sa kanilang mga kuwento at gawi.
             
   Maaga na ring nabanggit sa Etsa-Puwera ang pagkukuwento ng Sion sa nagkukuwento ng nasabing akda – ang oral na tradisyon. Nasusulat sa mga antolohiyang ang pre-colonial na panahon ay may panitikan ngunit madalas ay naipapasa sa paraang pasalita o paawit. Sa panahon natin ngayon, may mga nagkukuwento pa ring matatanda. Nasa pagnanais na ng nakarinig kung isusulat niya ang kanyang mga narinig para sa mas marami pang makababasa o kung wala siyang kumpyansa sa kanyang pinagsasabihan na hindi naman nila ikakalat ang kanilang mga narinig mula sa kanya.
              
  Sa pagtapak ng unang Espanyol sa lugar ng pangunahing tauhang pinakilala ng nagsasalaysay sa nobela, nagulat sila sa kakaibang kulay ng dayuhan. Ang pagtingin nating mga Pilipino sa taong may ibang kulay ay maganda, madalas. Pumapaloob na rin dito ang pagtingala sa mga ginagawa ng dayuhan. Ang pagpasok ng dayuhang sistema sa sistema ng ating panitikan ay nagpabago at humubog sa anyo ng panulat ng Pilipinas. Ang kanilang anyo ng panulat ang nasunod na bigla dahil sa tiningala nga ang mga dayuhan. Ginaya na natin sila. Ang pagbabago ng anyo ng ating pagsulat, ang pagkabawas at masyadong pag-unlad ng ating naunang sariling anyo ng pagsulat at pagsasabi ng ating mga kuwento, ng ating kasaysayan. Mas lalong naipayabong ang dayuhang paraan ng panitikan kaysa sa naging taal sa kasaysayan ng mga katutubong Pilipino. Kung hindi sana tayo napasok ng mga dayuhan at naipakilala nila ang kanilang kultura, panulat at paniniwala, nakabuo sana tayo ng mas orihinal na konsepto, mas Pilipinong panulat at mas maipagyayabang na sariling ating istilo ng panulat.
               
Sila ang nagdikta sa atin kung ano raw ang tama. Matagal na ipinagbawal sa atin ang mga nakasanayan ngunit may mga hindi rin naman sumunod o hindi naabutan ng kulturang dayuhan. Ang panitikan ng Pilipinas ay pinaghalu-halong dayuhang panitikan, taal na Pilipinong panitikan at hybrid ng dayuhan at Pilipinong panitikan – panulat ng mga sumunod sa diktadurya hinggil sa kung ano raw talaga ang tama, panulat ng mga nagpanatili ng orihinal na panulat ng mga katutubong Pilipino, at mga panulat na may bahid pareho ng kontekstong Pilipino na may kaunting porma’t anyo ng mga dayuhan.
              
  Maganda ang imaheng ipinakita sa bahaging Ang Pamumukadkad ni Rosa ng Etsa-Puwera. Nakapaloob sa bahaging ito ang pagde-virginize kay Rosa ng isang paring dayuhan. De-virginized na pero bata pa rin. Nakaramdam lamang ng pagnanasa, ng sarap ngunit hindi nakasisiguro kung tama. Ang pagtanggap lamang nang pagtanggap ay natural sa isang batang walang malay, walang alam. Hindi siya nakasisiguro dahil wala naman sa ugali niya ang paniniguro. Madalas, kung anong nakikitang ginagawa ng matatanda, malupit agad, magaling, masayang gayahin, at sa kontekstong Pilipino, kung anuman ang gawin ng dayuhang may kakaibang kutis ng balat. Ang pagkantot ng dayuhan sa batang panitikan, kultura at kasaysayan ng Pilipinas ay napakasama dahil pilit nilang binura kung anuman ang ating nasimulan. Madalas nila tayong pasunurin, lokohin, sa pag-aakalang magulang natin sila, kasi pakiramdam nila, bata pa tayo.
             
   Sinundot ng pari ang inosenteng nagdadalaga ngunit hindi rin niya siya buong napasunod. Tinatawanan lamang siya nito kahit na kanyang pinangangaralan. Ganito ang naging sagot ng mga nakakita ng kamalian ng dayuhan, ng mga dakilang manunulat. Tatawanan nila sila at gagawin ang nais, ang tama para sa kanila. Pero katulad ni Oysang na kalahating usa at kalahating tao, kakaunti lamang ang mga ganitong tao. Mga taong namulat at mabilis na nakapick up ng balak ng mga dayuhan sa Pilipinas. Ang mga nagsulat tungkol sa pagwasak sa sistema. Nagsimulang kaunti ang mga tulad ni Oysang kaya matagal tayong nabihag, nadiktahan. Ang ginawa ni Oysang ay pinasarap niya ang kanyang sarili ngunit hindi siya nagpabihag sa iba pang pakay ng pari. Malinaw sa kanya na kung ano ang gusto niya ang masusunod, hindi ang kagustuhan ng dayuhan. Ganito rin ang ginawa ng mga manunulat na ginamit ang porma’t anyong ipinakilala sa atin ng mga dayuhan. Ginamit nila ang mga ito sa pagsulat ng ating panitikan na maaari namang nagpaunlad din sa panitikan ng Pilipinas. Kinukuha lamang nila ang magagamit nila nang mabuti mula sa mga dayuhan ngunit hindi sila nagpagamit sa kasamaan ng mga dayuhan.
               
Lahat ng kultura ay tama. Walang kaisipan ng moralidad, yaman at etiketa sa usapin ng pagtingin sa pagitan ng dalawang magkaibang kultura. Maling pagkumparahin mula sa dalawang magkaibang kultura kung alin ang mas tama, alin ang mas makatao, kung alin ang mas maganda. Ang mali sa mga mananakop, akala nila e kung hindi sa kanila e mali. Ito namang ibang Pilipino, gumaya at hinangad na maging dayuhan sa sariling kultura. Yung mga magagaling na panulat, iniangkop nang maayos ang katangiang ipinakilala sa ating panitikan saka gumawa ng hybrid ngunit maituturing pa ring pansarili at tatak Pilipino.
            
    Naging bahagi pala ng kasaysayan ng Pilipinas ang mga Intsik, ngayon ko lang nalaman. Habang nagbabasa ng Etsa-Puwera, nagkaroon ng mas malinaw na larawan ang naging buhay ng mga Intsik dito sa Pilipinas. Sa mga kasaysayang nakasulat at ipinababasa sa akin madalas sa paaralan, madaling makikita at paulit-ulit ang kuwento tungkol sa mga kalaban. Ang kauna-unahang kasaysayan ng Pilipinas tungkol sa mga dayuhan e tungkol na lang parati sa mga kalaban. Bakit hindi magsulat ng kasaysayang tungkol sa magaganda namang naidulot ng dayuhan? Itinatanghal ang mga Pilipinong tumulong sa Pilipinas at hindi ang mga dayuhang nagpaunlad sa Pilipinas o yung mga taong maaaring magpayaman pa sa kasaysayan ng bansa?
            
    Sa bahaging Ang Paghahanap sa Wala naman ay bahagyang inilarawan ang batang Sion. Sinabi roon na parang wala siyang matandaang magandang kuwento tungkol sa sarili. Dagdag pa ng nagsasalaysay na sa tingin niya ay ipinanganak na siyang matanda na agad. Malinaw rin naman itong pangitaing ito noong panahon pa talaga ng pananakop sa Pilipinas. Ito yung mga panahong bata pa lamang yung mga Pilipino e bawas na ang kasiyahan nila bilang bata, na magiging masaya na lamang kapag naging maayos ang katayuan sa buhay, na mahirap maging masaya kapag mahirap. Wala nang pakialam sa nakaraan, ang inaalala na lamang ay ang hinaharap. Papasok na sa kokote ng mga bata na kailangang mag-aral at magkaroon na lamang ng trabaho para magkapera. Tulad nga ng sinabi ng isa kong prof, nagtatrabaho na lamang para kumita, hindi para maenjoy ang pagiging tao sa mundong kanyang ginagalawan. Apektado ng kolonyalismo ang mga naisin ng mga Pilipino sa buhay. Mula sa pagiging payak lamang ngunit masaya at nakabubuo ng pagkatao e naging kumplikado, mahirap at nakawawalang gana na at nakapagpapabagong-tingin sa sarili bilang isang anak ng bayan.
               
Lutang naman ito sa panitikan ng Pilipinas, oo. Kaya nga may mga akdang sosyalista, halimbawa, na bumabatikos noon sa pagtingin na lamang sa sarili ng isang Pilipino bilang makina ng mga dayuhan. Ang mga panulat ay ginamit upang imulat ang mga manggagawa na hindi na lamang sila hanggang doon sa kinauupuan nila kundi marami pang posibilidad sa buhay at nararapat lamang na maenjoy nila ang mga specializations na napili nilang pagkadalubsahaan at hindi lamang para sa mga dayuhan, para sa pera, na ang kani-kanilang mga talento ay para sa kani-kanilang mga sarili, sa bayan at hindi para sa iba.
              
  Sa kabanata naman na Ang Maliit na Tao na May Pinakamalaking Ari sa Bayan, natigilan ang bumigwas kay Bong nang malaman nitong kay Sion at Ruben ang kanyang kaharap. Sinundan pa ito ng pagpunta ni Golyat upang magdiskargo sa nagawa ng kanyang tauhan kay Bong. Ibig sabihin, kilala ang lahi ni Sion. Ibig sabihin, sikat sa kanila ang lahi ni Sion. Ang pagsulat ng kasaysayan ay ipinapasa at isinusulat din para maiangat nga ang pangalan tulad ng sa nabanggit pang kabanata bago ito. Naisusulat para maipagmalaki, para may maipagmalaki. Naisusulat ang kasaysayan hindi lamang para maipakilala ang sarili kundi para maitangi nang malinaw ang sarili, para maipagmalaki ang sarili.
              
  Sa bahagi ulit na nabanggit kanina (Ang Paghahanap sa Wala), ay nadiskubre naman ni Sion ang isang gusi, isang earthenware jar, pinaglumaan ng panahon, maraming nakabaong sikreto. Nang buksan niya ito, lumakas ang kanyang loob at handang-handa na siyang humarap sa mga ibabato ng hinaharap at kasalukuyan. Ganito rin ang magiging tulong ng panitikan at kasaysayan kapag sinipag na halukayin. Kailangang mahanap ang pinagmulan ng sarili para mahanap ang pupuntahan ng sarili.
               
Sa kabanata ring ito isinalaysay ang piniling pagtahimik ni Johnny para maisalba ang sarili at ang kanyang mga magulang, ang pagpili ng mga taong nararapat lamang na makarinig ng kanyang kasaysayan. Maaaring sabihing nagkakaroon ng mga isinisikretong kasaysayan para may mailigtas sa kapahamakan. Puwede ring basahin ito nang may pinipili lamang na pagsasabihan ng kasaysayan, na hindi para sa lahat ng tao ang isang kasaysayan. Saka lamang ang mga ito isinasambulat sa kamadlaan kapag malayo na sa panganib ang mga taong posibleng mapahamak. Ang panitikan ay may pinipili at hindi para sa lahat. Ang kasaysayan ay hindi madalas naisusulat agad kaya minsan ay kulang-kulang o nakalilimutan na. May mga panitikan at kasaysayan ding maaaring hindi na talaga inilabas dahil sa pansariling takot at kaligtasan. May mga panitikang hindi naisusulat ngunit nakapako at nakalihim sa isipan ng nagmamay-ari nito.
               
Sa kabanatang Ang Mundo Namin Sang-ayon kay Misis Meyor ay nagpagawa ng family tree na hindi isasama ang makapagpapasama sa reputasyon ng kanilang angkan. Ang pagpapatahimik ay iniuutos ng mga nagpapagawa ng kasaysayan. Ang nakasulat na kasaysayan ay edited, maraming nakatago, tinanggal, ipinagbawal. Yung mga hindi naisusulat, maaaring manatili sa pinagpasahan at nakaaalam pero maaaring ipasa nang paoral.

             
   Kulang ang ating kasaysayan. Hindi lahat ng nasa panitikan ay totoo. Maraming nakatago. Maraming nakasulat ang nakatago. Maraming nakatago sa isip ang nararapat na maisulat. Maraming panitikang kailangang ibalik sa orihinal at tamang pagkakasulat. Ang iba ay nagsusulat para maisalba ang kanilang mga sarili. Ang iba naman ay nagsusulat para maisalba ang isang tao, hindi para maisalba ang kasaysayan ng Pilipinas. Pinipilit na baguhin at isulat ang hindi dapat na nababago at naisusulat nang agad-agad na kasaysayan. Maraming panitikan ang muntik nang maisulat na maaari sanang makatulong sa kasaysayan at panulat ng Pilipinas. Maaari pang maghukay nang mas malalim sa baul ng kasaysayan at panitikan ng Pilipinas. Kailangan pang maghukay, sumuri nang mas mabuti at buksan nang mas malawak pa ang kaisipan para sa mga panulat ng Pilipinas, para sa mas buong pagkilala sa sarili at sa mag maganda at kumpletong pagtatanghal ng panitikan at kasaysayan ng Pilipinas.



Ang mga Sikreto ng Literary History:
Mga Sikreto ng Kasaysayan,
Kasaysayan ng mga Sikreto




Sanggunian

Reyes, J. C. Etsa-Puwera. University of the Philippines Press. 2000.
Scott, W. H. Great Scott!. New Day Publishers, 11 Lands Street, VASRA, 1128 Quezon City. 2006.
Stuart-Santiago, A. Revolutionary Routes. StuartSantiago Publishing & Pulang Lupa Foundation. 2011.
Torres-Yu, R. Aguirre, A. C. Sarilaysay: Danas at Dalumat ng Lalaking Manunulat sa Filipino. The University of the Philippines Press. E. de los Santos St., UP Campus, Diliman, Quezon City 1101. 2004.
Torres-Yu, R. Sarilaysay: Tinig ng 20 Babae sa Sariling Danas Bilang Manunulat. Anvil Pub., Pasig City. 2000.

03 December 2013

FlipTop - BLKD vs. Flict-G

Round 1

BLKD

Puro scandal reference, isa na namang lulubog na bapor. Bobo ka na, bastos pa. Dapat pangalan mo, Mangmang Kanor. Tapos, yun na naman choke ko kay Loonie ang binabanggit. Paulit-ulit ang sound mo. Mas pinag-usapan, at mas sikat pa yung pagchochoke ko kaysa sa best rounds mo.

Eto si Raymond Rivera pero sa rap game, Flict-G 'to. F na F ang pagka-G kung makaastang deadly 'to. Sakto! Kargada ko, long neck pero hindi Empy 'to. Hinding-hindi ka tatantanan hangga't hindi nag-eempty 'to kaya 'di mo 'ko maiisahan kahit dala mo ang best three mo. Malulunod ka sa alaska, parang pinulikat na Eskimo. 

Teka lang, teka lang, teka lang, teka lang. Nabobola kayo nito kasi madalas, sa bars, ang petty niyo. Nalunod na agad? E pa'no kung sa basketball pinulikat yung Eskimo? Wala na namang nakakuha? Siyempre. Pero para lang 'yong encyclopedia sa mukha, Facebook. Granada sa trabaho, blowjob. E mas lazy writing pa 'yon sa verse nung kumalas na bone thug. Kaya 'wag magpabola. Sa bilis ng battle, madaling akalaing intense ang pagcoconnect ng mga salita kahit na lacking in sense. Kumpleto ka man sa sangkap, kung mali naman ang recipe, sunog ka pa rin sa aktibistang 'to, parang effigy.

Kaya, Flict-G, hindi ka G, hindi ka gifted. Alam niyo yung mga batang kakatuto lang magmura? Biglang dadalas pang magmura sa matatandang palamura? Gano'n lang rin 'tong si Mondray kaya sabik magdemonstrate na napaghahalataang kakatuto niya lang ng pagwowordplay. Puwes, ngayong wordsmith ang kaharap mo, hindi na 'yan pupuwede, men. Para ka lang ngongong sumusubok turuang magrhyme si Eminem. Magmumukha lang 'tong formal debate tungkol sa crime at sedition. Miriam Defensor versus Ryzza Mae Dizon.

"Look up! Look up!" Alam kong you look up to me, sa 'kin ka natutong magmalaman kaso tumigil ka nang humakbang, nasa step one ka pa lang. Magpaulan ng references, 'yan ang kiliti niya. Halatang 2013 niya lang natuklasan ang Wikipedia. Pupunta siya do'n ta's maglilista ng mga kulay blueng termino, hyperlink. Mas tunog matalino, mas preferred ito. Ta's iisipan ng wordplay na kung hindi basic, pilit. Tapos word associations na basic sinet. Ako'y utak-Gillete. Sa sharpness, ika'y kulang kaya 'yang big words mo ay pangsmall talk ko lang.

'Di ko kailangan ng college vocab para matalinong mag-angas. Kahit grade school bars gamitin ko, thesis ang lalabas. Sample? Bawat bara ko ay kawayan sa alamat na matanda. Bawat bara ko, may laman, malakas at maganda. Kalkuladong double meaning, bawat pares, sukat. Sa 'yo, pare-parehong linya, pare-parehong anggulo, parisukat. Flow mo, anyong tubig, content, matabang. Parang water cycle lang, paikut-ikot ang laman. Kaya ako ang complete thought ng death sentence mo ngayon. Bawat anggulo ko, perpektong pasabog parang Mt. Mayon.

Kaya, Raymond Rivera, ang maka-3-0 ka, malabo sa labang 'to. Magkakathree Ws ka lang kung si Harlem ang bibigkas ng pangalan mo. Board game! B-Side, mag-ingay!

Round 2

BLKD

Sige, yung paghawak sa mikropono, yun na ang talentong sa 'yo. 'Di ko kailangang humawak, may tigahawak ako.

Kasi, Flict-G, hindi ka G, hindi ka genius. Puro ka lang complex terms, parang code ng intel. 80% naman ng terms na 'yon, 'di mo alam, at ni hindi mo kayang ispell. Panggap na matalino, pseudo-intellectual. At kung 'di yun totoo, spell mo nga ang pseudo-intellectual? 

E sa spelling pa nga lang ng Republican, hirap na hirap na 'to. Ang sarap tanggalin nung A, K sa Repablikan para iratrat lang sa 'yo. Ba't ba kasi Repablikan ang napiling name niyo? May alam man lang ba kayo sa Republicanism, o sa The Republic ni Plato? And please, Ray, don't play smart. Ang alam mo lang sa Plato, pinggan, dati kang dishwasher ni Denmark. Ako? Ako ang pilosopong naghahari sa republikang 'to. Pneumonia, Ronald Reagan, ako'ng papatay sa Republicang 'to na hindi pa nakuntento. Nilagyan pa ng Syndicate ang pangalan ng set nila. Ang Republican Syndicate lang sa 'kin, yung may pakana ng Crack Epidemic sa Amerika. At ano? Alam mo 'yon? Hindi? Halata tuloy na yung street smarts at book smarts, pilit ang 'yong pagsasalubong. 'Ika nga ni Loonie, "Mas bobo pa sa bobo ang bobong nagmarunong."

Kaya, Flict-G, hindi ka rin G, hindi ka gangster kasi kung tutuusin, 'yang pagiging street at siga mo, alanganin. Sa isang kantang ika'y tigas, biglang nagiging tigasaing. Sample: "Bawat bara ay kargadang sandatang pang-agaw-buhay pero kung iiwan mo 'ko, babe, mundo'y wala nang kulay." Hindi ko naman sinasabing dapat one-dimensional ang imahe kaso polar opposites yung pagkatao, ang pagsasanib, hindi suwabe. Mapagmahal din ako pero walang pahayag na pathetic. Magiging sweet lang ako 'pag ang kabattle, diabetic.

Pero alam ko kung ba't ginagawa mo 'yon. Benta moves para lang sundan ng madla kaya gisado ka sa mantika mo, ako naman ang gagawa. 'Pag sinabi kong flip, isigaw, top. FlipTop, FlipTop. 'Pag sinabi kong ba, isigaw lakid. Balakid, balakid. Pagtaas ng kamao, isigaw, G. Talo si Flict-G, talo si Flict-G. Medyo delay pa, pero sige, ngayon, pagtulungan nating lahat 'tong si Flict-G. Worse than death ang sakit na iinflict, G. Aking inner G ang iller G 'pagkat talino at talento ko, may synergy kaya't sa words, ako'ng mas may command, G. Hayop kada play, mala-Jumanji kaya paggaya sa 'kin ang iyong strategy para bumenta lang sa crowd parang si Andy G. Walang matalinong bilib sa 'yo, mythology. Pinag-aralan mo lang ako, theology. B-Side, mag-ingay!

Round 3

BLKD

Check, check, check. Puro simpleng wordplay lang pero dahil simple, sensational. Yung bara niya daw, educative? Baka educational? Tapos, puro tatak pa ng sabon, basic na naman. Mabuti pa si Spade, yung sabon, may laman.

Kaya, Flict-G, hindi ka G, hindi ka genuine, at hindi yung sekswalidad ang tinutuligsa ko kundi yung ipokritong kamangmangan. Ba't ba kayong mga homophobic pa ang puro barang kabaklaan? Nung laban niya kay Asero, idinetalye niya ang gagawin niya daw ditong full body cleaning. Sabi niya, "Hihilurin ko yung kilikili mo with feelings!" Tapos nagscheme siya ng mga tatak ng hotdog sabay nagsabing, "Buong-buo kitang lalamunin, PureFoods ka sa 'kin." Kakapilit mong magwordplay, kung anu-ano nang nalaro mo. Hindi na kita tinanong kung kaya pa kasi kay Asero ka na napasubo.

Ito ay Einstein versus Frankenstein, Newton versus Neutron. Tesla versus TESDA. Kung may inilamang ka man sa 'kin, Ray, bilis 'yon pero aanhin ko ang bilis kung pekeng talino ang direksyon? Yung chakra nga, sa Naruto lang nalaman ng tadong 'to. Pero sige, sa labang 'to, ikaw na ang chakra ni Naruto. Ako naman ang puwersa ni Goku, spirit power ni Eugene, determinasyon ni Sakuragi, talino ni Conan, at diskarte ni Lupin. 

Oo, kumaquadruple time ka, hanggang double time lang hininga ko pero hirap ka na sa double meaning, kumaquadruple meaning ako. Kaya kong magpakastreet, magsalita nang paslang kasi pen game ko, perfect, sa 'yo, pass lang. Daming galaw, wala namang punto, puro pass lang. Ako, puro tirang swak, shooter na pumapaslang. Kaya pangalan pa lang, halata nang sa three, naghari 'to. Wala ka nang dapat pang ikagulat, Ray, Allen 'to. At 'yon ang mas magandang laro do'n. Mukha mo, mokong.

Kaya 'yang pedestal niya sa pagsusulat, madali lang tibagin. Technical words at technical writing, alaming pag-ibahin. Ako'y technical kahit words na gamit ay simple and plain. Tatapakan ko lang mga linya mo, pedestrian lane. Kasi street ka, yakapin mo'ng tunay mong nalalaman. 'Yang pagpapanggap mong naglalagay ng lansa sa lansangan. Ayos lang magpaimpluwensiya, basta sa panggagaya, kumalas. Baka 'pag nagselfie ka ngayon, mutated BLKD ang lumabas.

Ano pinagkaiba namin? Complex concepts, pinapasimple ko, simplex. Nag-eenumerate lang 'to ng mga termino, index. Nagpapanggap matalino 'to, kunwari, angat sa madla. Nagpapakamatalino 'ko para iangat ang madla. Kaya mabilis man 'yang pagputok mo, pagsabog ko ang lalong felt. Sinturo ni Hudas ka lang, ako, Orion's Belt. Five Star laban sa Super Giant, kabog ka. Mapapel ka lang, ako, maapoy, asul pa. Gamugamo ka lang na nangahas na sa liwanag, mapunta. Ako'ng gasera ni Simoun, sunog ka na, sabog pa. Katawan, natusta, agad-agad napuksa. Laman-loob, lamog na, nagkalasug-lasog pa. Alalayan niyo si Aklas, nangangatog na, baka matumba.

Kaya, Flict-G, hindi ka G, hindi ka grand finalist Pwe!

22 November 2013

My Game ni Mike Kosa (Lyrics)

ni Mike Kosa

Halika na't pasukin natin ang mundo ng laro
Mike Kosa, mas matindi pa sa mga Egoy at Kano
Kapag bumanat sa mic, katumbas ko'y ilang tumpok
Sa aking dila na hindi na nagbabago ng tumbok

Hinasa ng panahon, kasabay ng beatbox kong estilo
At inilapat ang mga letrang sintigas like Escudero
At ilang kuwentong barbero ang aking natanggap
Ang masapawan ang pangalan ko, kay hirap matanggap

Ako 'yung bata na gustong-gustong gawing bataan
Ng beteranong naturingang utak ay walang laman
Magcocompose ng English rap na ang puntirya'y magpabounce
Nagpapanggap na Inglesero, mga bobong magpronounce

Full effect! Pero ang rhyming ay nadiscorrect
Hindi matake ang pag-arte, sabi ni direk
Wala kang karangalan para sa akin magyabang
Isa ka lang na tagahanga na gusto sa 'kin mag-abang

Ikaw ay bata para sa 'kin, 'wag kang magmagaling
Wala ka pa sa kalahati ng aking narating
Ngayon ka pa lang sumisibol at biglang sumulpot
At kumpara sa 'ki'y na kay dami ko nang nasundot

Nang dahil lang sa pagrarap, kay dami nang nainggit
Pinapagana ko ay utak at hindi ang damit
Kasi ang iba ay nagrarap para lang sa chikas
E, pa'no kung hindi na uso, bigla ka na lang lilikas?

Hindi usapan kung beterano o maging baguhan
O kung ang mic ay nasa kaliwa o nasa kanan
Ang importante para sa 'kin ay maging malaya
Hindi 'yung tipong champion ka nang dahil lang sa daya

Hindi ka dapat mag-angas o umasta na sikat
Alam ko, alam mo rin, na alam din ng lahat
Ika'y nagbibingi-bingihan at nagpapakadisente
Na sa tuwing ito ay topic, nagpapanggap kang inosente

Ang aking flow, napakasimple pero 'di nauutal
Ang mga rhymes, buong-buo, pero malayong magbutal
Ipinamalas na ang husay sa mga klase ng duwelo
Kung ikaw ang makakalaban, 'di ko kailangan pang bumuwelo

'Di naging basehan sa dami ng iyong alalay
Ang pagiging magaling, wala sa estado ng buhay
Laki man sa Tondo, walang sapat na pera
Aking kanta'y dekalidad, at yaman ko ang letra

Hindi ako nagbibitaw ng mga patapon
Isang talento na hindi pinansin nang ilang taon
Ako 'yung preso na pinapangarap mong bumaba
At gusto mo 'kong isama sa iyong pagkadapa

Ikaw ang nagsimula, ikaw ang unang nagpahangin
Binaba ko na ang lona mula sa pinilakang tabing
Hindi ka bagay mag-artista, tanggalin ang maskara
Batalyong aking nakalaban, tinumba kong mag-isa

Sa mga gustong maghari na ang trono ay bunyong
Kung gusto mong makaisa, humalik sa aking tumbong
With my group, Dos Talentos in 187 Mobstaz
Sapul ang humahatol sa mahusay na makata

Mike Kosa

Ngayon, pakinggan ang mga sinasabi--

O, Gab, ba't nawala 'yung beat?

'Kala ko, tapos na?


'Di, pare, sample pa lang 'yun, e


A, gano'n ba? O, sige, ulitin natin.


'Yan. Ulitin natin. Sample pa lang, e.

20 November 2013

Camb

Sooo... I had this not so amazing idea which popped while running. I still think though that it's so unoriginal because, you know, fuck every single idea in the present. Madalas, wala na rin akong pakialam. Wala rin naman tao rito. Tayo rito. Tayu-tayo lang ang naandito. Sana... *smug

Tumatakbo ako, hindi ganoon kabilis. Katamtaman lang siguro. Siguro na rin, para sa akin, katamtaman na iyon. Siguro lang naman. Pero sigurado para sa akin. Sigurado para sa akin. Takbo. Gabi. Nakabukas na lahat ng lamp posts sa magkabilang gilid ng kalsada. Kulay orange. Pero may hint ng yellow. Yellow orange? Yellow orange nga yata. Basta ganon. Dire-diretso. Unti-unti kong nadaraanan ang mga yellow orange sa aking magkabilang gilid. Dahan-dahang nalalampasan, napupunta na lahat sa aking likuran. Hanggang sa umabot sa isang lamp post na bigla na lamang napundi.

Siyempre minsan, illogical reasoning na muna ang aking pinagagana. Kasi kapag may dumadaang pogi, nawawalan talaga ng ilaw iyon. Paglampas ko, himalang-majikz na bumukas muli ang liwanag. Putang'na haytek censorsz! Anyway, liwanag, dilim. Liwanag at dilim. Have you ever wondered or heard kung bakit maraming nagsasabing tao (alangan namang halaman ang magsabi, Mart) na nasa liwanag ang katotohanan, na nasa dilim, wala kang makikitang malinaw? 

Wrong.

Bakit kapag maraming tao, kadalasan, maraming plastik. Tingnan natin ang camera, halimbawa. Kailangan ng camera ng tamang amount ng liwanag para gumana, hindi ba? Pero maraming hindi totoo sa camera. Tingnang mabuti. Maraming napuputol sa frames ng camera. Maaaring mamili kung ano lamang ang gustong ipakita. Maaari ring pumili ang model kung ano ang gusto niyang ipakita.

Marami rin akong kilalang taong hindi ko naman pala kilala. Maaari lang din naman iniisip ko lang ang mga ito. Pero still, hear me out. Bakit kapag maraming ibang tao ang nakatingin sa atin, iba ang ating ikinikilos. Conscious, maybe? Pero plastik pa rin. Ngayon, maaaring magrebut na maaari namang huwag ipakita agad ang sarili sa taong mga hindi naman kilala. Are first impressions still important? SO dapat, sarili ang iyong ipinapakita? E bakit kapag matagal mo nang kaibigan, saka lang pinakikitaan? Kailan lang ba madalas nasa labas ang tao? Kapag umaga? Tapos pag-uwing gabi, nasa bahay?

Kapag madilim na, saka lang ba tayo mas tunay? Nasa bahay, nasa dilim, mas madaling magpakita ng sarili kasi walang nanonood. Nasa dilim, isang sulok, anonymous ka lang hangga't gusto mo kasi nga, hindi ka naman kilala, kahit na nagpapakilala ka na. See?

Maraming nakikipagsex sa dilim. Nagtsotsongke sa dilim. Umiinom kapag madilim. Bakit masama na lang ba kapag dilim? Bakit puro masama lang yung naisip mo, Mart? Hindi ko rin alam. Bakit kapag nagpakasama ka, totoo? Madaling manghusga ng tao.

Halimbawa, kapag mahina ang hinamon mo, iisipin ng tao, wala kang pakinabang. Kapag sikat at malakas naman ang hinamon mo, naghahanap ka lang daw ng pangalan at kasikatan. Kapag hindi ka naman naghamon, duwag. Kapag naghamon ka naman nang naghamon, sugapa. People look for things to fuck up other people, by any means necessary. Iyon ang totoo sa mga tao. We love bitching, fucking up others' lives, tsismis and illegals, ang vices. Naligaw na yung comma ko. Madilim kasi. Bakit kapag masama, mas bawal, pero totoo. Pinipili pa ng mga substance na ito ang pagpapakatotoo ng consumer. Maaari naman ding magrebut na magpigil ng sarili. E sa liwanag nga lang ginagawa iyon!

19 November 2013

Such Ass

Puro balita
Puro alitan
Walang balikan
Puro halikan
Ilan ang inggitan
Maraming singitan
Singkong siksikan
Hindi mabayaran
Bakit ganon na lang?
Magpapaampon na lang?
Kung sa kampon lang naman
Magtatampo lang naman

Puro balita
Puro salita
Ano nang balita?
Puro nakita
Walang makita
Hindi makita
Ayaw ipakita
HUWAG niyong ipakikita!
Baka makita
Nasa'n ang kita?
Puro kita
Puro kita
Puro kita

Puro balita
Walang salita
Mayroon naman
sa bangketa
Mayroon din
sa sampaguita
Mayroon din
sa maralita

Puro balita
Puro alitan
Kapag kinalabit
Magkakalabitan

15 November 2013

Lei

Bumaba na tayo mula sa sinakyang jeep patungong MRT. Kaunting lakad. Habang tumatawid, tinanong mong muli ako kung kumusta yung inihanda mong bento para sa akin kahapon. Masarap. Ayoko sanang kainin dahil gutom na gutom na ako no'n at sarap na sarap ako sa patatas at sausage. Sunod ko namang kinain yung dahon at kamatis. Ta's kinutsara ko na sa huli yung natitirang kanin. Gusto ko sanang makabili ng Japanese rice.

Malapit na tayo sa kakainan natin. Mula sa huling pagtawid, nakaabot din tayo sa tapat ng restaurant. Gutom na gutom na rin tayo. Mabuti. Umakyat na tayo sa maikling hagdanan at tiningnan ang nakapaskil na poster ng rates ng kanilang unlimited buffet. Ako naman, hinanap ko yung discount rate na matagal mo nang sinasabi. Five hundred and eighty five. Pumasok na tayo dahil ipinagbukas na tayo ng guard na nagbabantay. Guard na nagbabantay. lol

"Table for two?" banggit ng babae sa harapan natin.

"Yeah."

Sinundan na natin si Ate. Kaunting lakad. Liko. Habang naglalakad, tingin sa kanan - maraming pagkain. Lakad pa rin, tingin sa kaliwa - sobrang dami pa rin. Nakapasok na tayo sa loob ng isang silid na mas maraming upuan, lamesang may lutuan sa ibabaw at chopsticks. Sa wakas, pinaupo na rin tayo sa ating puwestong napili ni Ate.

"Salamat."

Iniwan na tayo ni Ate. Dumating naman ang isang waiter na nakapula, si Kuya, siyempre. Tinanong niya kung anong nais natin na sabaw. Pinili ko yung para sa manok at ikaw naman, yung sinigang. Tinanong ko naman si Kuya kung mayroon silang diskwenta para sa mga mag-aaral. Wala naman daw. Pero okay lang. Nakapasok na kami. Ayoko pang magkaroon ng feeling na pumasok sa loob ng mamahaling restaurant sabay lalabas ako kasi hindi ko pala afford. Nakakahiya, malamang sa malamang. 

Umalis na si Kuya para kunin yata yung dalawa naming sabaw. Madali siyang nakabalik at ibinuhos sa malalim na lutuang mayroong hating harang sa gitna. Mabilis na kumulo ang dalawang nabanggit na sabaw dahil sa init ng kalan sa ilalim. Maya-maya'y nag-abot na rin si Kuya ng maliit na mangkok na maraming chops ng butter - para sa ating mga lulutuin sa kabilang apoy.

Tumayo na ako para magsimula nang kumuha ng ating unang kakainin. Pagbalik ko sa silid kung saan maraming pagkaing aking nadaanan mismo kanina, dumiretso ako sa kanin at pansit. Kumuha ako ng tigdalawang sandok ng kanin at pansit, at dalawang siopao. Bumalik ako sa ating lamesa dala-dala ang mga nabanggit na pagkain. Ikaw naman ang tumayo upang kumuha ng mga ilalagay sa sinigang. Lumabas ka na ng ating silid. Pagbalik mo, nakain ko na ang aking bahagi mula sa aking mga kinuha. Dala-dala mo naman ang mga hilaw na hipon, at mga gulay na maaaring ilagay sa sinigang. Tumayo na ako upang kumuha ng ating mga ipiprito. Pagbalik ko, mayroon na akong dala-dalang apat na magkakaibang karneng tigadalawa. Pagkaupo ko'y inilagay ko na ang butter para matunaw sa mainit na kalan. Nang matunaw na, saka ko inilagay isa-isa ang mga karne.

Medyo naghintay lang naman tayo. Kumuha ka na rin ng mga ilalagay sa sabaw para sa karne ng manok. Matapos nating kainin ang unang batch ng mga karne at makahigop ng mga sabaw, ikinuha ko na tayo ng panulak, muli, mula sa malaking silid na puno ng pagkain. Bumalik ako sa ating lamesa nang dala-dala ang pineapple juice. Bumalik akong walang dala para sa 'yo dahil saka ko lamang naalala na iinom ka rin pala nung nagsasalin na ako ng pinya sa aking baso. Muli akong bumalik sa kuhaan ng juice at nagbalik sa ating lamesa nang may dalang mangga naman.

Nabanggit mo sa akin sa kalagitnaan ng aking paghigop at pagkain na mayroong beer sa ating restaurant. Lumabas ako para kumuha ng isang basong puno ng ice at pinuno ng beer. Pagbalik ko'y uminom ako ng hanggang kalahating-baso saka bumalik sa malaking silid para kumuha ng ikalawang batch ng lulutuin. 

Nang maubos na natin ang lahat, at ang aking ikalawang baso ng beer, nauna na akong lumabas para kumuha naman ng panghimagas ko. Kumuha ako ng vanilla flavored ice cream at saka ube. Ikaw nama'y kumuha rin ng ice cream, nata, pinipig at iba pang nilalagay sa halu-halo.

Ubos na ang lahat. Simula't sapul na pag-upo nati'y patuloy na may nagpapaalalang mayroong fine ang magtitira ng pagkain. Itinanong ko sa 'yo kung yung crab at sabaw sa ating mga mangkok at maikokonsiderang leftovers. Sabi mo, hindi naman. Saka ko kinuha ang bill. Kinuhanan mo ako ng larawan gamit ang iyong phone habang naghihintay.

As usual, mabilis na nakabalik si Kuya at iniabot na ang ating bill. Medyo nagulat ako sa kasimplehan ng kanilang bill. Simpleng computation lamang na *** x 2 = TOTAL. Mayroong nakastamp na NO SERVICE CHARGE na kulay violet at malaki. Iniabot mo na sa akin ang iyong share. Ipinatong ko na rin ang akin. Iniabot ko na kay Kuya.

"Fine. Ito bente o. Hahahaha," kausap ko sa bill, matapos mabawi kay Kuya muli nang iabot na ang aming sukli. Iniwan na namin ang mga papel sa lamesa. Lumabas na tayo ng restaurant at bumaba saka dumiretso sa sakayan ng taxi. Umawit ka ng isang pampaskong awiting hindi mo pala memorize. Sobrang cute. Hinding-hindi ako magsasawa sa pagpapacute mo sa akin. Sobrang cute mo talaga. Kinanta ko na ang tamang liriko. Hindi mo naman na sinundan. Sobrang cute talaga.

Wala pa ring taxi. Pumunta na tayo sa sakayan ng jeep papasok ng UP Campus para maghintay muli ng taxi. Dumaan ang ilang minuto.

"Wala rin dito."

"Baka dun talaga," sabay turo.

Nagdesisyon tayong sumakay na lamang ng jeep. Naglakad na tayo sa 'di kalayuang pila ng jeep. Mabilis lang naman pala. Nauna ako sa 'yo sa pila. Niyakap mo ako. Gusto kong niyayakap nang gano'n. Masarap sa feeling. Ang liit mo kasi. Maliliit na braso at kamay. Maliit na ulo. Malambot at mabangong buhok. Sobra at lalo akong nainlove. Ni hindi dumaan ang araw na nagsawa ako sa 'yo. Hinding-hindi ako magsasawa sa 'yo. Lumipat ka na sa harap ko at binuhat naman ang aking dalawang braso sabay yakap sa 'yo. Ang cute talaga. Niyakap kita nang mahigpit. Inamoy ko ang iyong ulo. Tapos hinalikan ko na. 

Umabot na tayo sa bungad ng jeep. Sumakay na tayo't umuwi. Pagod sa pagkain. Pagod sa pag-iisip. Walang kapagurang pagmamahal.

Smite, I WILL FUCKING SMITE

Yung isa naming prof, pinagawa kami ng aming sari-sariling Ten Commandments, kung sakaling lumaki kaming diyos/diyosa. Sobrang hirap niyang gawin, I swear, kung mayroon ka nang kinalakhang lipunang marami nang matitibay na batayan ng mali at tama, ng "mali" at "tama". Pero kahit na ganoon, naicram ko naman kahit na binigyan lang kami ng pitong minuto sa loob ng klase bago kami bigyan ng oportunidad lahat na magbahagi.

I WILL FUCKING SMITE TO DEATH THOSE WHO WON'T FUCKING OBLIGE.

1. Hindi niyo na ako kailangang sambahin o dasalan, basta magpakabait kayo.
2. Huwag gawin yung ayaw gawin sa iyo.
3. Bawal ang illiterate.
4. Bawal ang hindi marunong sa gawaing bahay.
5. Bawal pumatay ng aso.
6. Bawal ang vegetarian.
7. Bawal ang Instagram.
8. Bawal ang jologs.
9. Bawal ang Jejemon.
10. Bawal ang wrong grammar.

11 November 2013

Bytes

Aaminin ko, magaling ka talaga kumanta. High school pa tayo nung una tayong magkakilala. Dalawa lang tayong magbestfriend, kahit na medyo weird sa mata ng marami kasi nga lalaki ako tapos, babae ka. Matagal ko nang pinangarap noon na magkaroon ng banda. Yung ate ko kasi, nakahiligang makinig sa mga banda noong maliliit pa kami. Isang CD, ipapasok niya lang sa players, tapos maririnig na yon sa buong kuwarto namin. Ibang CD, ibang araw. Puwede ring ibang oras. Puwedeng makarami kami ng CD sa loob ng isang araw. Lublob ako sa ganoong musika, musika ng mga banda. Kahit anong banda pa yan. Hindi ako ganoong kapartikular sa mga uri. Basta ang alam ko, kaya ko silang pakinggan lahat. Kaya sa sense na masaya ako kapag napakikinggan ko yung kahit na anong ganoong musika. 

Nag-aabang din siya ng mga bagong labas na CD. Sabik yun parati kapag naibalita sa music magazine na may irirelease yung isang banda na CD. Agad bibili yun. Hindi pa naman kasi uso yung torrent dati. Abang-abang lang. Saktong magsasawa, bagong CD. Sawa sa bagong CD. Kapag wala pang bagong CD, magpapamiss yung lumang CD. Hanggang sa salit-salit na rin. Hanggang sa kahit magshuffle na rin paminsan-minsan dahil sa walang kasawaang pagsasawa sa humaling.

Hanggang sa dumating na yung unang gitara ni Ate. Iyon yung mga gabing nagsasalit-salit yung tugtog ng mga CD niya at ng kanyang gitara. Pinapanood ko lang siya. Sakto lang kasi sa kamay niya yung laki ng gitara. Saka niya ako tinuruan matapos ang dalawang taon. Bumili na siya ng bagong gitara. Minana ko naman yung kanya.

Balik tayo sa 'yo. Ikaw naman yung kikilalanin nila. Ay, hindi nga pala kita kilala. Ang alam ko lang, pareho lang tayo ng hilig - .

Nagkakasoundtripan non. Walang teacher. Wala pa yata o wala na talaga. Sabi ng mga kaklase natin, ang ganda talaga ng boses mo. Sabi ko rin naman sa isip ko yon. Puwede rin kasing pambanda. Ayoko ng masyadong bokal tapos sobrang heavenly na baka masapawan lang yung paggigitara ko o yung iba pang instrumento. Unless sobrang galing nating lahat. I mean, nating lahat, na apat hanggang limang miyembro ng pinapangarap kong banda. Pero hanggang pagtingala na lang muna sa mga ulap matapos ang bawat kantang jinajam nating dalawa. Kapag tayong dalawa na lang ang magkasama.

Lumapit ka sa akin, isang araw, may hawak na pinilas na papel mula sa likod ng notebook mo. Alam kong lyrics yon ng kanta, hindi mo pa man binabanggit sa akin. Ang ipinagtataka ko lang, bakit mo pa pinilas. Medyo tanga ka rin e no. Pero wala na rin akong pakialam medyo ukol don. Tiningnan ko. Mga salita lang, malamang. Puro salita, nakaayos pataludtod. Saka ka bumirit, wala man lang pahintulot. Pero okay lang ulit, kasi nga, sabi namin, maganda nga naman yung boses mo.

"Okay ba?"

"Naman."

Inulit mo. Itinaas mo nang isang beses ang iyong mga kilay habang nakatingin sa akin. Ah okay. Inilabas ko na mula sa case yung gitara. Kapa sandali yung bass. Sabay hula. Sabay tsamba. Hanggang sa unti-unti ko nang nabuo yung verse. Nagring na yung bell para magpapila para sa pagpasok ng flag ceremony.

Tinapos ko na nang lunch yung kanta mo. Kanta mo? Kanta natin, may hati akong 1/3 o 1/4 man lang para sa chords. Pero wala naman sigurong epekto yon. Pero sa akin ka unang lumapit at nagkumilay. Aakuhin ko na ang pag-aangkin. Ako na nauna e. Kahit  na sa pilit-pag-alala lamang nung tono na narinig ko makaapat na ulit na beses mong kantahin kanina lamang sa harap ko bago pumila.

Dumami na yung mga kanta mo, natin. Dumami na rin yung mga araw papalapit sa graduation.

"So anong plano mo?" habang katabi mo ako't kinakausap sa baba habang pinapanood nating nagtatalumpati yung magaling sa Math nating vale.

"Ewan. College siguro? Ta's trabaho. Ewan."

"We should start a band."

Bumilis yung tibok ng puso ko. OMFG. Ito ba yon? Ganito ba yon? Kung sa bagay, nandon na yung heat.

"Sige, subukan natin," nang hindi pa rin humaharap sa 'yo. Nakangiti naman ako sa sabik.

Lumipas ang bakasyon. College. Somehow, nakahatak tayo ng bahista at drummer. Somehow, nagawa natin yon kasi pareho tayo ng university at college. Somehow, magkasama pa rin tayo. Nakakabuo ng kanta. Practice sa isang nirerentang lugar na may band instruments. Bonding time. More songs. More practice. Masaya. Jamming LvUP! Jam lang nang jam. Ikaw yung parati may gustong beat at lead. Mga ideyang dig din naman namin.
E may lumapit.

"Ano, kunin natin?" sabi ni Drummer.

"Tara, putang ina!" sabi mo.

Edi go. Pagkatapos ng pangalawang gig, may lumapit na sa 'yo. Mabilis na pintig ng puso nang may kaba at sabik at tuwa at pawis at ngiti at lahat-lahat na. Wala naman kasi tayong alam sa ganyan kahit na alam nating gusto natin yan. Ikaw lang yung nilapitan. Ininterview ka saglit. Ikaw lang yung hinila at ininterview. Hindi ko alam kung anong pinag-usapan niyo. Hindi ko na rin alam kung ano yung mga sinabi mo.

Kinabukasan, nakatanggap ako ng text message that we needed to disband. Well, why the fuck? Sobrang bilis lang ng mga pangyayari. Ano 'yon? Hindi porket madaling palitan ang gitarista, bahista at tambol e ganon na lang? Oo, ikaw yung nagcompose ng lahat mga kanta natin. Ikaw sa kanta. Yun lang siguro yung binibili ng tao. We should start a band my ass. Ang nakakairita lang sa ngayon, yung we at yung band. Bullshit. Ano ka, hermit crab? Baka siguro kasi, nasilaw ka. Or not. Puwede ring malaki yung kumpiyansa mo sa sarili mo at feeling ko naman may edge ka talaga sa pagbuo ng banda natin, ng una mong banda, sa pagbuo talaga ng banda. Pero still, WTF pa rin. Matagal kong makakalimutan yung ganito. Mabilis lang yung mga pangyayari, kaya mabilis ko na ring isinalaysay. Nahawa tila ako sa katangahan mo.

10 November 2013

Bentsingko

Bane Ching Co?

Ang init. Madaling-araw, kainit-init. Mainit. Mainit talaga. Well, medyo madaling-araw. May nakailang daan nang mga paniki sa mga bintanang hindi siguro isinasara ng guard. Medyo madaling-araw. Madaling-araw akong umalis ng bahay. Parati. Minsan, may mga naaabutan pa akong shooting star dahil sa isinara na rin iyong lamp posts kapag lumalabas ako ng bahay. Jeep. Bus. Lakad. Gate.

Babatiin ko araw-araw iyong guard na naglalaro lang ng Pokémon sa Gameboy ng anak niya. Tapos, deretso na sa Main Building. Tapos, ayon na nga, tititig na lang muli sa punong nakatayong matayog sa Quad A na binabalik-balikan ng mga paniki.

Titig pa. Tititig pang sandali. Nag-iisip. May assignment ba kami? Mukhang wala naman. Alam mo iyong feeling na may bumabagabag sa 'yong may nakalimutan kang gawin, tapos, hindi mo maalala? Nakakairita, 'di ba? Wala akong ganoong mga feeling sa ngayon. Mabuti. Titig muli. Lilipad na naman ang isang paniki. Madilim pa rin. Medyo madilim na lang. Violet nang muli ang kalangitan. Iyong mga ulap, I mean. May mga humuhuni na ring mga ibon. Tumalikod na ako sa bintana.

Sinipa ko na ang aking bag patagilid. Umupo na ako sa dilaw na sahig. Maraming crack, magaspang, walang langgam. Wala naman talaga ganoong karaming langgam noong mga panahon natin. Noong mga panahon natin, wala ring dapat bubong iyong Quad A. Wala pang mga kainan kung hindi iyong nasa baba na malapit sa Maceda. Wala ring langgam doon. Kahit nandoon tayo.

Isinandal ko na ang aking likod sa pader ng Science Department. Wala ring mga guro. Wala pang mga guro. Nadagdagan ang mga humuhuni sa labas. Palakas na nang palakas ang busina ng mga nagdaratingang jeep at bus. Sunod-sunod na rin ang usad ng mga tren sa LRT. Pakanan. Pakaliwa. Light blue violet na ang kalangitan. Muli akong tumingin sa kanan. Parang exercise. Miss ko na ring mag-ehersisyo, sa PE. Sumayaw. Sasayaw nang sasayaw sa tapat ng Maceda habang iyong iba, e, nagbibihis pa.

Hawak. Kamay. Baywang. Balikat. Mata-sa-mata. Ngiti-sa-ngiti. Paa sa paa. Paulit-ulit na iikot. Paulit-ulit. Uulit pang magkakamali. Uulit pang tatapak. Paulit-ulit na lamang akong nagkakamali. Parati na lamang akong nakatatapak. Tinawag na ang lahat. Walang pumila. Dumeretso na sa auditorium sa 3rd floor na isang aircon na nga lang ang gumagana, hindi pa pinagagana.

Umupo na ang buong section sa sahig. Isa-isa nang tinawag ang magpapares. Umakyat na. Pumuwesto. Pinindot na ni Carlos ang play. Kinabahan sandali. Bira. Ikot. Angat. Tingin sa harap. Sabay pa. Ikot. Sabay sa tugtog. Malapit na. Bakit walang nagkamali?

Bumaba na ako sa 1st floor patungong Quad A para sa flag ceremony kasabay ng ilang mga kaklaseng isa-isang nagsidatingang unti-unting lumikha ng ingay na hindi nakaiirita. Panibagong araw na naman. May araw na nga pala. Hindi na nakakagulat at masakit sa tainga ang mga dumadaang sasakyan. Mas marami nang muling gising na mga tao. Nasaan ka na?

07 November 2013

Sa Ating Alaala

My girlfriend wanted me to do her writeup for her yearbook.


"Yes, UP ako," paulit-ulit na banggit sa sarili. Wala naman sigurong nag-isip na paminsan-minsan, kabaligtaran din ay masasabi ko. Hindi ko pa inisip noon, noong freshie pa ako. Hindi pa ganoong kakritikal mag-isip. Hindi pa ganoong nakakikita ng mga bagay na hindi pa nakikita. Hindi ganoong nakapag-iisip ng mga hindi pa naiisip. Kinilala lamang ako noon bilang taong mahilig sa musika, tahimik pero masiyahin. Kasama ang aking mga kaklase nang matagal sa paglikha ng mga ideya, pagpapagana ng hiraya at siyempre, sa pagguhit ng iba't ibang mga lugar nang mayroong malalalim na pinagbabatayan, natuto akong tumanggap ng negatibo ngunit makabuluhang kritisismo. Napagtanto ko ring hindi lamang purong talino ang kailangan para maging matagumpay. Hindi pa pala ako magaling talaga at lubhang marami pang maaaring mapaunlad sa sarili ko. Kung akala ng iba, alam kong magaling ako kaya ako nasa UP, maaaring magkamali sila. Sa kaunting banda, maaaring makitang tama iyon ngunit nakikita ko ang UP bilang nagtulak sa aking tingnang muli sa salamin ang aking sariling nagkakamali, nakalilimot, at kulang na kulang pa ngunit patuloy namang nalilinang ang angkin. Sa kabila ng lahat, nais kong maiwan ako bilang alaalang kahit na nahihirapa'y nakangiti pa rin sa lahat ng oras.

06 November 2013

Tang

Ayo. Kopang. Bumangon. -.- Ugh. Wala na yung katabi ko. Maaga nga pala yung pasok ng kapatid ko. Alas sais yata e, sinusundo na siya. As usual, magulo yung kama. Siyempre lukot na lukot yung kumot. Yung ilang mga unan, nagsihubaran na. Sa kabilang maliit na kama, yung isa kong kapatid, may nakatakip lamang na kumot na nakatupi pa rin mula sa kanyang mata pataas, tulog pa rin. Tulog pa rin. Sinubukan kong bumangon. Oo, sinubukan. Ayoko pa nga siguro talaga. Pumikit ako ulit. Isip. Mananaginip. Sana.

Ayo. Kopa. -.- Ugh. Fine. Bumangon na ako nang nakaupo sa kama. Inilapit na ang lamesang kinapapatungan ng aking laptop. Type password. *******. Enter. Twitter. Facebook. Ano bang una kong gagawin? Wala akong ganang kumain. Wala na yatang gatas. Ayoko na rin palang maggatas. Bababa ba ako? Teka, YouTube muna. Iupdate na lahat ng subs. Matapos kunin ang huling download link para sa FDM, naghanap na ako ng masusuot na T-shirt at brief saka dumeretso sa banyo. Patong damit. Hubad. Relo. Shower. Shampoo. Sabon. Banlaw. Tuyo. Suot. Labas. 8 minutes na lang, matatapos na yung huling download. Edi okay. Twitter. Facebook. ... 4 minutes. Tang ina, ang tagal. Memes. Blah. 1 minute. Lumabas na ako para kunin yung sneakers ko. Medyas. Sapatos. Sintas. 11 seconds. . . Done. Sarado lid. Baba.

Bakit hindi ako nagpaalam?

Siguro kasi, tulog pa yung isa kong kapatid. Yung katulong namin, hindi ko naman nakakausap. Yung mga magulang ko, nasa malayo. Yung mga aso ko... Sana man lang nagpaalam ako kahit sa kanila man lang. Kahit sa kama ko man lang na for the nth time kong hindi inaayos ang sapin at tinutupi ang kumot kasabay ng pagsasalansan ng mga unan. Nakakatamad kasi, magugulo rin naman kapag matutulog na. Pero kung minsan, kapag naiirita rin ako sa gulo ng kama, inaayos ko rin naman. Hindi nga lang ngayon. Siguro rin kasi, wala si Nanay. Siya yung pinakamahilig magpalinis at magpaayos ng mga bagay at tambayan sa loob ng bahay. Siya rin kasi yung pinakamahilig maglinis at magfeng shui at magpapasok ng kakaibang mga energy sa loob ng bahay. Kaya siya rin yung pinupuntahan naming tatlong magkakapatid kapag may nawawala. Tapos mahahanap niya lang in an instant. That universal mother thing. Pero this time talaga, no. Nakakatamad magtupi ng kumot. Tsaka naligo na ako. Mabango. Ayokong mapahiran pa ng pinagtulugan. Not that I sleep dirty and sleep dirty. Mabaho lang talaga at parang sobrang dumi ng mga bagay kapag bagong ligo ka. Ayoko talaga, minsan. Kapag wala ring magagalit, kahit alam kong mali, basta't walang manghuhusga't puputak o kung ano, huwag na lang gawin. Tamarin na lang. At least, kaya kong gawin yung bagay kapag nakaharap o pinapanood na. At least.

Isinara ko na ang maingay na gate. Umaakyat na ng bundok para sa jeep.

Medyo matagal akong naghintay, mga 25 minutes. Okay na rin. Bumaba na ako sa sakayan ng bus matapos ang 30-minute na biyahe. Ngayon na ba? Mamaya na. Masyadong mausok dito. Sumakay na ako sa air-conditioned bus. 25 minutes din. Bumaba na ako sa bus stop. Medyo malayo pa yung station. Dati, kaunting lakad na lang. Ngayon, maraming lakad na mula sa pink na stop. Pero okay lang. Nagsimula na aong maglakad. Sa aking kanan, bakal na haran. Pinagkabit-kabit na tubong makakapal na bakal. Hindi ko na inisip kung may pattern ba o wala. Wala rin namang pakialam ang mga tao tungkol sa mga bagay na yon. Lakad pa. Sa aking kaliwa, bulag at lumpo, at iisang tao lang. Mayroong isang napakalumang wheelchair pero mukhang gumagana pa naman. May nakapatong sa likod na bahagi ng wheelchair ang isang rainbow-colored na payong, nakabukas. Matagalo ko nang sinasabi sa sarili kong gusto ko ng ganitong payong. Moving on, may maliit na karatulang nakasabit na parang ID sa matandang nakaupo sa wheelchair:


BOLAG
LOMPO
Konting tulong lang po.
Marami salamat po.

Or... something like that. Siyempre yung normal na tao, OMFG nakaaawa si Manong. Huhu. Jujubells. But I can't do anything. I'm too busy to give... or something like that. Hindi makapagbigay. Minsan din kasi, nakakatamad kumuha ng kahit barya lang, kahit nasa bulsa mo na. Minsan lang naman.

Baka meron din sigurong fucking stagrammers. They would either (1) take a goddamn picture then hashtag something bittersad about it or (2) will put coins on the goddamn lata of the bolag and then take a picture with overhashes on it.

Baka meron ding grammar nazi, which would be quite wrong dahil sa pisikal na sa dila ito ng ating mga karatig sa Visayas, or the other Northern Parts. Tatatlo lamang ang kanilang vowel sounds. Sanay ang kanilang dila sa ganon. Ikaw ba, kung sanay ka sa hindi pagtupi ng kumot sa kama, matutupi mo ba 'yon kanina? Exactly. And don't even try to rebut na, "E kung yung mga nag-aaral nga banyagang wika, kailangan, kuhang-kuha nila, sila pa kaya?" Well, stupid argument, again, because (1) baka naman 'di nakapag-aral pero natutong magsulat at bumasa yung nagpatong ng kartolina or whatever or (2) maraming cognates ang maraming salita sa maraming wika ng Pilipinas.

Baka meron ding nagsuspetya sa kung paano nga bang umabot sa lugar na ito ang isang bolag. Paano? Baka mayroong nagtulak? Anong baka? Mayroong nagtulak. Tumingin ako sa kanan. Tumanaw ako nang malayo. Pagtawid-mabilis ng aking paningin, mayroong dalawang kotseng nakaparada. Paanong nakakaparada roon? Wala na siguro akong pakialam, siguro, sa ngayon, muna. Parehong tinted. Itinaas ko na ang aking pag-aninag sa palapag ng mga riles - sa mga taong nakatanaw rin nang malayo habang naghihintay ng tren ng MRT. Mayroong mga nakatingin sa baba. Wala na rin akong pakialam sa kanila. Mayroon ding nakaparadang trak sa may 'di kalayuan. Wala na rin akong pakialam. Dumerederetso na ako ng lakad. Sorry, medyo wala akong pakialam, sa ngayon, muna.

MRT station na. Dito na lang. Puwesto. Hugot. Puwesto. Sindi. Hitbugz. Mga 5 minutes. Okay na okay. Nanlalamig na naman yung lalamunan ko. Pero okay lang. Okay naman talaga e. Medyo nagising yung mga ugat ko sa katawan. Medyo nagising na ako. Umakyat na ako at nagpacheck ng bag sa guard na hindi naman nagchecheck pero kapag hindi mo naman binuksan yung bag mo e magagalit. Pasok card. Hintay tren. Darating. Bukas pinto. Pasok. Andar. Baba sa Quezon Ave.

Sino yung nagsulat at nagpatong? Nag-almusal lang ba siya? Maaawa ka sa kalagayan ng tao o sa panggagamit na rin sa kanya? Pakinabang. Pakinabangan.