September 17, 2015

Preface

Nakasasawa nang sabihin, pero wala rin naman nga akong kausap. Sanay lang din naman akong nagmumuni sa kung ano na lamang ang bigla kong nakikita. Biglaan lang din ang pag-iisip, hindi na rin makontrol kadalasan. Mag-iisip lang ako nang mag-iisip, ganyan. Tuluy-tuloy. Hanggang sa mapagod yung bullshit ko. Minsan, sa sobrang genius ko, hindi ko matalo yung sarili ko.

Pero panalo ako.

Minsan, may mga naiisip din ako na gusto kong isulat. Gusto kong iniimortalize ang maraming idea/kuwento/bullshit ko kasi alam kong makakalimutin ako. Alam ko ring mabisa yung mga sinusulat ko para sa akin. I mean, may bisa sa akin kapag binasa ko. Ako lang naman din ang mambabasa ko. Gusto kong binabasa yung mga output ko. Kayamanang akin ko silang itinuturing. Ako lang din yung fan ko. Ako lang din naman ang may pakialam sa akin, maging sa mga sinusulat ko. Hindi ko naman siguro maiiwasan yung masuri ng buong mundo na bullshit ako.

Pero hindi ako humihingi ng awa/simpatya.

At pakyu, hindi ako writer. Makakalimutin lang talaga ako, kaya ako nagsusulat. Masarap din minsan sa feeling kapag binabasa ko yung mga dating Mart. May mga nakakainis madalas. Napatatawa ko rin ang sarili ko kung minsan. Kaya kong magfangirl sa sarili ko, kahit magdamagan. Nakakamiss minsan yung mga dati kong sarili. Yung mga dati kong iniisip, pagkukuwento, panggagago. At napakaconvenient na naisulat ko sila.

Madalas akong magsulat para sa sarili ko, maging sa isang tao lamang. Yung tipong hindi talaga magegets nang buo ng kung sino. Minsan, may musa. Madalas, wala, kundi ako lang, matapos ang apat hanggang limang tasa ng kape. Ni hindi ko inisip na may pumupunta sa blog ko. Nasisira kasi ang memory ng laptop, at sayang sa oras/espasyo ang pagback-up kaya sa internet ako nag-iipon.

Hindi ko naman sinasabing hindi ko iprinomote kung minsan/ever yung bullshits ko. Nakapagpabasa na rin ako kung minsan. Gusto ko lang sana, lagyan nila ng 'di kaaya-ayang mga kumento. Hindi ako nagyayabang, pramis. Nahihiya/natatakot lang silang masaktan ako. Inuulit ko, pakyu, hindi ako writer. So maaasahan ko na agad ang maraming kamalian ko na maririnig.

Pero bakit ko nga pala ipinapabasa minsan? Okay rin kasi sa pakiramdam 'pag may napangingiti ako. Ako rin naman yun madalas. Ewan.

Aaminin ko, hinangad ko na rin minsang magkaroon ng aamuying sariling aklat na galing publishing house. Pero ni hindi ko inasam maging mahusay/dalubhasa/tunay. Ang nais ko lang, magpahanggang sa ngayon, pasayahin/bullshitin si Mart. Bonus na lang kung makasipa ng emosyon ng iba, makapagpagising ng kritikal na pag-iisip, at makahanap pang muli ng iba pang mga ako.

August 22, 2015

Bisita

Sandali lamang
Huwag ka munang kikilos
Ni kukuskos ng kahit anong tunog
Hindi mo ba naririnig
Ang payak na pagluha ng langit
Sumasabay sa nagsisimatayang dahon,
Sa pag-ihip ng ginaw,
Sa kislap at tambol ng mga ulap
Sandali lamang
Huwag ka munang mainip
Ni mag-isip ng kahit anong mali
Iihip muli ang gunita
Musmos kang magbabalik
Sa habulan, sa ilalim ng ulan,
Sa ilalim ng mga dahong nakikisayaw,
Sa ilalim ng yakap ng simoy,
Sa ilalim ng orkestra ng mga ulap
Sandali lamang ang kalayaan
Kung dumampi sa lalang
Hindi kayang sisihin, ni kagalitan pa
Kalabit lamang ng kaibigang babati't
Magpapaalam nang muli

Quick-slow, Punch!

Sa bawat hiblang binura ng makailang
Ulit mo nang sinumpang relo
Nawalay at bilang na ang kumpol
Ng patay-tinirang pabundok
Na mga upos ng sigarilyo
Nakimilyo nang pasabay with best of friends
Mong walang kamayaw sa biro,
Halo, kuwento, tyempo, libro, todo!
Nakisipsip nang patago with matching
Powers and haraya, malinanging
Hanging hanep pa rin magpadrop ng bass
Sa off-beat na a capella
Naki-jam at umubos ng mga awit
Malinamnam kumurot ang magic
Ng mga pakamusikong gamit
Lang ay gitara, faulty chords, at beat
Hindi maitatangging makakaulit
With these hirayang 
Never-ending (mind) splits
Sa bawat hiblang binura
Ng relo mong binullshit ka
Naiawat, naikaila nang kinuha
Mo ang mundong tinuring ka

August 18, 2015

100 Questions - I

Nagpost ako dati (August 25, 2012) sa Facebook, humihingi ng isandaang tanong mula sa aking mga kaibigan. Wala lang. Trip lang. Kahit na ano, maaaring ibato. Bahala na lang kung kaya kong sagutin. Game. Bahala na. Badtrip.

1. Bakit ganyan yung pangalan mo? (MT)

Mart, short for Martin. Tatay ko ang nagpangalan sa akin ng Martin. Paborito niya raw kasi si Martin Nievera noong araw. Malay ko sa kanya. Mahusay naman yun umawit. Okay lang.

2. Boobs or legs? (MT)

Boobs.

3. Saang bansa mo gustong pumunta? (MT)

Japan.

4. Sino yung nasa profile pic mo? (CG)

Jade Harley.

5. Bakit ka pikon? (JC)

Sorry. Hindi ko rin alam. Siguro kasi, ayaw ko nang dumami pa yung mga tangang katulad ko. 

6. Choco na gatas o gatas na choco? (JC)

Too easy. Gatas na choco.

7. Saan gawa ang ipis? (JC)

Sa mga nabubulok nang labi (remains), ng bangkay ng mga kampon ni Satanas, na hinalo sa isang tasang luha ng baby, at boses ni Kris Aquino.

8. Can you feel the love tonight? (JC)

Yes.

9. Anong nauna: Itlog o Manok? (JC)

Inisip ko na'to dati eh. Kung ano ba talaga nauna, kung sex o fertilization? Syempre malamang, sex. So basically, manok ang nauna.

10. Ba't ayaw magtanong ni Janel para mag-100 na? (CG)

Siguro kasi, busy siya? O boring 'tong activity. Hindi niyo rin naman mapag-aalaman kung nasagot ko na kasi hahaha, three years ago.

11. Bakit hindi naisip ni Claudette na baka wala akong maisip na tanong? (JM)

Siguro kasi, inisip niyang madali lang namang magtanong, lalo na't binigyan ko ng kalayaang magtanong ng kahit na ano.

12. Ulan o araw? (JM)

Ulan. 

13. Hindi rin ba naisip ni Janel na ayan na tanong na yun? (CG)

Uhm, naisip niya yun kasi nilagyan niya ng question number.

14. Marunong ba magbilang si Claudette? (MT)

Mukhang hindi.

15. Bakit mabagal internet connection ni Claudette? (JM)

Oooh... Oh no, she did not!

16. Puwede bang tamad na'ko baguhin kasi nagtatype ako sabay comment si Janel? (CG)

Puwede naman siguro. May mababait pa rin naman sa mundo.

17. Puwede bang ulitin ko ulit? (CG)

Foshiz maniz.

18. May mga panget ba na tao? (MT)

Meron.

19. Bakit bilog ang pizza pero square ang box niya? (JC)

Para madaling kunin sa box.

20. Are you nothing, but a second grade, trying hard, copycat? (JC)

Oo.

21. Nakakabusog o nakakalusog? (JC)

Too easy. Nakakabusog.

22. Gatas na tsokolate o tsokolate na gatas? (JM)

Gatas na tsokolate.

23. Ano meron kay Mai-rim na wala sa iba? (JM)

Yung pangalan niya.

24. Bakit hindi ako nagbabasa at nagdoble na pala yung 22? -___- (JM)

Siguro kasi ang dami mong iniisip at nagmamadali ka.

25. Anong paborito mong pagkain? (JM)

Leche flan.

26. Kailangan pa bang imemorize 'yan? (JC)

Hindi.

27. Nasaan ka irog? (JC)

Andito lang, sa boarding house, sa gitna ng maraming nagkukumpula't lumilipad na mga tarantadong ipis.

28. Okay ka ba tiyan? (JC)

Okay naman.

29. Bakit ako lang nagtyatyagang magtanong? (JC)

Tinamad na yung iba. At mahilig kang magtanong.

30. May pangarap pa ba ako? (MT)

Meron pa naman. Marami.

31. 'Di ba nga, ang makakita ng Aurora Borealis? (JC)

Salamat sa pagpapaalala.

32. Paano nalaman ng tao ang mga bagay na tama at mali? (MS)

Base sa emosyon at bisa sa tao.

33. Totoo nga bang may tama at mali? (MT)

Nux.

34. Sino ang mas tamad? Ang hindi gumagawa ng gawain o yung nag-uutos ng iba para gawin yung dapat gawin? (MS)

Yung hindi gumagawa. Kulang yung tanong. Puwede kong sabihing leader yung ikalawa, at kailangan niyang magplano, manigurado sa lahat, mag-utos.

35. Ano ang English ng nilanggam? (MS)

Infested by ants?

36. Ano ang English ng, Pang-ilan ka sa magkakapatid? (MS)

Wala siyang English equivalent. However, puweds mo naman itanong siguro kung siya yung pinakamatanda, o bunso. Ta's sasabihin niya na kung pang-ilan siya, "In your family's sibling line of succession, what number are you?"

37. Bakit puro tayo reklamo sa mga trabahong pinapagawa sa atin? (MS)

Siguro kasi, minsan, nagiging sunud-sunod yung mga kailangang gawin, tapos kaunti na lang yung pahinga natin. Madalas, nararamdaman, mas gusto pa yung mas maraming pahinga kaysa gawa (o pantay). Iba rin naman kasi yung pakiramdam na walang pinapagawa/ginagawa at all.

38. Bakit ang sarap ng tubig kahit wala itong lasa? (MS)

Nakakarefresh somehow ng bibig at lalamunan. Masarap sa pakiramdam. Hindi lang naman ginagamit ng mga Pilipino ang salitang masarap nang dahil lang sa lasa, "Masarap sa pakiramdam. Masarap umibig." Maaaring sabihing may iba't ibang salin ang sarap, depende sa paggagamitan: sa lasa, sa pakiramdam, etc.

39. Bakit ka impatient? (MS)

ADHD siguro.

40. Bakit gusto natin ng atensyon? (MS)

Kailangan ng tao yun. Nakakatamad minsan magcelebrate mag-isa. 

41. Bakit duling ka magbilang? (MT)

Baka malabo na talaga yung mata niya?

42. Ano ang mas OK, ang mag-isa o may mga kaibigan ka pero binaback stab ka naman? (MS)

Depende. Minsan, gusto kong mag-isa. Minsan, masayang may katabing traydor. Tao pa rin naman sila at lahat din tayo kakainin ng lupa.

43. Mahalaga ba masyado sa'yo ang 38? (MT)

Siguro, oo.

44. May mapagkakatiwalaan pa rin bang mga tao? (MS)

Oo.

45. Pandas, hedgehogs, o penguins. (MS)

Wala pa akong nakikitang Hello Hedgehog ni Hello Penguin. Pandas na lang.

46. Bakit pink yung filecase mo? (MS)

Para fab.

47. Bakit Hello Kitty yung notebook mo last sem? (MS)

Kasi ang cute niya nung nakita ko siya ohmygod.

48. Bakit crush mo si Emily Browning saka si Emma Stone? (MS)

Kasi maganda yung mga mata nila.

49. Proud ka bang Pilipino ka? (MS)

Ba't parang galit kang prayle?

50. Puwede ba ako magkacrush na artista? (MS)

Puweds.

51. Bakit mahilig tayo sa usapang love life? (MS)

Masarap pag-usapan. Nakakakilig. Nakakaiyak. Maraming variations ng uri ng kuwento. Masayang nakikinig sa mga kuwento, sa mga emosyon ng iba, sa kung paanong nag-iisip ang iba.

52. Bilang isang lalaki, mahirap ba talaga kaming intindihing mga babae? (MS)

Siguro kasi, may mga bagay na hinding-hindi maiintindihan ng isang lalaki. Minsan naman, yung ibang lalaki, alam naman nila kung ano yung ibig sabihin ninyo, pero nililiteral nila yung mga lumalabas sa bibig ninyo. Puweds namang makiramdam from time to time.

53. Bakit mo nahiligan ang steam punk music? (MS)

Yung ibang piyesa kasi, solidong nag-uugnayan yung instruments, pati boses. Natripan lang siguro ng panlasa ng tenga ko. Hindi ko rin maexplain.

54. Parati bang masaya ang Pasko mo? (MS)

Madalas lang. Minsan kasi, sumasakit yung tiyan ko. Hehehe.

55. May tiwala ka ba sa sarili mo? (MS)

Meron naman.

56. Proud ba sa'yo parents mo? (MS)

Yes.

57. Cute ka ba? (MS)

Yes.

58. Ano mas magandang marinig mula sa isang tao, sweet lies or painful truths? (MS)

Truths.

59. Coke o Pepsi? (MS)

Mountain Dew.

60. Bakit ba ayaw kong nakikiliti kahit na tuwang-tuwa ako kapag ginagawa siya sa akin? (MT)

Baka tawang-tawa?

61. Bakit tumitingin pa rin ako sa both sides kahit one way lang ang daan bago tumawid? (MT)

Baka may bisikleta.

62. Mataba ba si Jumbo? (MS)

Yes.

63. Apple, Android, BB, o Nokia? (MS)

Yung phone ni Cloud. Motorola Razr yata yun.

64. Bakit malaki ang mata ni Gravy? (MT)

Dahil nakita niya na ang katotohanan.

65. Bakit tumataba si Jumbo every time na nilalabhan siya? (MS)

Kasi yung molecules...

66. Bakit tahimik lang si Xavee? (MS)

Kasi binabantayan niya lang yung dalawang ugok.

67. Bakit gusto mo ang NaruHina pairing? (MS)

Boobs.

68. Ano ang pinagkakaabalahan mo sa ngayon? (MS)

Ang sagutan 'tong mga tanong na 'to.

69. Masaya ba Christmas Break mo? (MS)

Yes.

70. Do you like trains? (MS)

Yes, I do.

71. Anong height mo? (MS)

Hindi ko alam.

72. Matapos pa kaya itong listahang ito? (MT)

Oo naman.

73. Tatapusin na ba natin? (JC)

Nux. Deep.

74. Totoo ba na may alien? (JVC)

Yes.

75. Bakit si Batman ang bahala sa problema ko? (JVC)

Cuz he's Batman.

76. Hindi na ba uso ang pagiging good boy sa panliligaw? (JVC)

What's ligaw?

77. Gaano kadalas ang minsan? (JVC)

Minsan.

78. Ano ba ang problema ni Kim Jong-un? (JVC)

Siya yata yung problema.

79. May bagay ba na walang pangalan? (MS)

Yung banda ni Jose.

80. Bakit popcorn ang kinakain sa sinehan? (MS)

Madali sigurong gawin tsaka kainin.

81. Nagsasabi ka ba ng, "I love you," sa mga magulang mo? (MS)

Oo.

82. Anong masasabi mo sa mga lolo at lola? (MS)

Ang cute-cute nila! Ohmygod!

83. Bakit kailangang may jingle kapag nangangampanya? (MS)

Para mastuck yung song sa head.

84. Paano ka magtimpla ng kape? (MS)

Half teaspoon, coffee. Five teaspoons, cream. Five teaspoons, brown sugar.

85. Bakit ka mahilig sa kape? (MS)

Pangkickstart ng pag-iisip. Tsaka ang sarap niya.

86. Ano mas masaya, magswimming o mag-Enchanted? (MS)

Swimming. Nakakaurat pumila.

87. Sensitive ka ba? (MS)

Occasionally. (nux)

88. Bakit galit ka kay Kris? (MS)

Kakaiba yung daloy ng pag-iisip niya.

89. Naniniwala ka ba sa pamahiin? (MS)

Madalas.

90. Beach o pool? (MS)

Beach.

91. Bakit kulang ng number 11 and 13? (MS)

Chill. Inayos ko na.

92. Red Horse o San Mig? (MS)

RH.

93. Nahawakan mo na ba yung screen ng sinehan? (MS)

Yes.

94. Maulam ka ba o makanin? (MS)

Ulam.

95. Anong sense ng listahang 'to? (MS)

Pampagana mag-isip, minsan.

96. May naisip ka na bang topic para sa thesis mo? (MS)

Yes.

97. Common pa rin ba ang common sense sa mga tao? (MS)

Yes.

98. Napanood mo ba ang Star Wars 1-6? (MS)

Hindi pa.

99. Ano mas maganda, sunrise o sunset? (MS)

Sunrise.

100. Marunong ka ba maglaba? (MS)

Hindi.

August 17, 2015

Mi Ao

Parang ayoko sa pusa. Parang lang naman. Nahihirapan akong intindihin sila. Hindi ko rin alam. Madalas lang siguro akong mag-assume sa mga hayop. O madali lang kasi silang ikumpara sa mga tao. Hirap kasi sa akin, kapag may buhay, buhay yung mga mata, gumagalaw, iniisip ko, para rin kaya silang tao, na kayang mag-isip? May emosyon? May mga plano sa araw-araw? Puwede ko rin namang iassume na tanga sila. Na mababaw, kaunti ang mga iniisip. Na mas kaunti ang mga emosyong kayang maramdaman. Na plano lang kumain, tumae, magpadede ng anak, at humimbing sa ilalim ng mga mesa. Papaano nga bang mag-isip ang mga hayop? Ang mga computer na may mata na tulad ni BMO? Ang mga pusang feeling ko e pakiramdam nila, sila na yung pinakamatataas na nilalang, hinulayok, at bigyang papuri araw-araw sa mundo?

Hirap kasing intindihin. One time, may pusang nakapatong sa harap nang pumunta akong tindahan malapit sa boarding house na tinutuluyan ko sa UP, para bumili ng isang stick ng yosi yata at isang bote ng Cobra. Masarap nga pala yung Cobra na red, try niyo, manamis-namis. Minsan lang may magbenta no'n, siguro nga kasi, dahil sa masarap talaga. Ewan ko ba. Kapagka ganoon ba kasaya yung feeling, minsan na lang din maramdaman? Hindi naman siguro 'no? Subukan mo kayang ma-in love. Masarap yun sa feeling. Araw-araw mo na lang iisipin. Tapos, gabi-gabi rin. May kayakap ka pang unang mahigpit, madalas, minsan, nakaka- ugh. Masarap talaga. Yung lola ko rin, Mama yung tawag ko dun. Tapos, Nanay naman yung tawag ko sa magulang ko na babae. Nagtataka/Natutuwang baliw yung ilan sa mga kaibigan ko yata kung bakit magkabaliktad yung tawag ko sa kanilang dalawa. E bakit? Sino bang nagsabi kung ano ang hindi baliktad? Ang normal? Mga abnormal. Masarap magluto yung lola ko. Siya yung nagturo sa aming tatlong magkakapatid kumain ng gulay, kung natuturo nga ba talaga yun. Ang hirap yata sigurong magturo sa ibang bata. Paano pa kaya sa mga hayop? Sa pusa kaya? Habang binibilang ni Ate Sari-sari yung bayad/sukli ko, hinimas-himas ko yung leeg niya hanggang mga tenga siguro. Feel na feel ng gago yung massage trip. Napapikit sa sarap. Mukhang tanga. Mukha akong tanga. Parang sinasamba ko na yata siya nun. Ang sarap kasi sa pakiramdam kapag nagustuhan ng hayop yung ginagawa mo sa kanya. Para ka nang sinabitan ng recognition medal siguro ta's nagpapicture ka pa sa stage, habang pinapalakpakan. Paano pa kaya sa tao? Gusto rin kaya nilang nilalambing sa leeg? Ang alam ko, gusto mo rin. Pero ewan ko na lang sa ibang tao. Minsan nga, gusto mong dinidilaan/nilalambing/hinahalikan. Hindi ko rin alam pero gusto ko ring ginagawa yun sa'yo. Matagal na rin naman na kitang tinuring na hindi normal na tao, kahit alam mo ring galit na galit ako sa konsepto ng kawirduhan.

Meow-meow.

Ngayon, iniisip ko lang na muntik ko na talagang ipantay sa mga aso ang mga pusa. Muntik na lang talaga. Mas lantad kasi siguro yung feelings ng mga aso. Madali lang mahuli. Yung mga pusa, hirap intindihin. Bakit ganun? Walang kuwentang tanong. Masarap isipin, kahit hindi na mahuhuli pa, unless magbukas ng Google at Wiki. Nakakatamad na rin minsan magbasa sa English. Ambilis lumipad ng utak ko kapag English na, ewan ko ba. Kaya ko naman intindihin kapag pinagtuunan ko ng pansin. Hindi ko kayang magbasa siguro ng kahit na ano kapag maingay. Hindi kaya ng utak ko kapag may binabasa tapos bigla na lang akong may maiisip na masarap isipin talaga. Yung binabasa ko naman ang may pakana, pero minsan, nakakahiyang alaala lang tapos bigla na lang kukunot yung mga kilay ko, bebelat ako sa hangin, tas magmumukha akong tanga at isasara ko na lang yung binabasa ko.

August 16, 2015

Yus!

Maginaw. Malapit na rin akong matapos sa pag-alam ng mga lungsod mula sa listahan ng mga pamantasang may potensyal na galugarin ko para sa aking napipintong thesis. Nasa magaang bahagi pa lamang ako ng aking pagsulat ngunit kinakabahan pa rin ako. Hindi ako sigurado kung bakit pero hindi ko kayang sikmurahin ang kaya na lamang arukin ng aking pagod at talino, kung mayroon man ako ng dalawang iyon. Siguro kasi, lampas isang semestre rin akong nanahimik at nagtago sa mundo. Halos isang semestre rin akong nagkulong sa aking kuwarto, nag-isip nang malalim tungkol sa mga bagay na ginawa ko, ginagawa, at gagawin. Lampas isang semestre rin akong nagbasa lang ng kung anu-ano, tungkol sa paradox space, tungkol sa mga bayani, tungkol sa kultura ng mga Pilipino, tungkol sa kultura ng mga manunulat, tungkol sa kultura ng mga hindi tao, tungkol sa kulturang hindi naman nalalaman ng mainstream na mga kultura. Lampas isang semestre rin akong nanood lamang ng mga pelikula, unti-unti silang kinikilatis, nakikipawang direktor na lamang ako’t kunwaring kritiko sa kung ano na lamang ang aking mapanood. Lampas isang semestre rin akong pinaluha, pinaiyak, at pinahikab ng maraming anime episodes. Ngunit, manguni at ngunit, kinakabahan pa rin ako. Hanggang ngayon yata, binubulong ko pa rin sa utak ko kung handa na ba talaga ako, kung naging handa ba talaga ako, kung magiging handa pa ba ako.

Isinara ko na ang listahan matapos makipagkutyaan sa aking sarili. Piniem ko na sa chat message ng Facebook si Mikka, kahit nasa kabilang table pa siya, harap ng aking aninag sa opisinang pinag-ayaan niya sa akin para magsulat. Mabuti na lamang at nakapagtimpla pa siya ng kape nang maaga-aga kahit na nahuli ako sa pagbili dahil sa dalawang beses pa akong bumalik sa malapit na kiosk sa kolehiyo ng Musika. Leche kasi, ang akala ko’y pitumpiso lamang ang isang sachet ng caffeine. Pumunta ako roon sa unang pagkakatao’t tatlong limampisong barya lamang ang aking dala. Pagkaabot ng aking bayad ay sinabi ni Manong Kiosk na otso isang Nescafe. Lintik! Hindi ko naman masabing, “Magtiwala po kayo sa aki’t nasa second floor lamang po ng kolehiyong aking babalikan ang aking utang na piso!” sa kadahilanang hindi naman ako kilala sa teritoryong iyon at hindi naman ako mukhang mapagkakatiwalaan.

“Babalik na lamang po ako.”

Umakyat ako, kumuha ng bente pesos mula sa wallet at pinakyu sa isipan si Kuya Kiosk at baka nampowertrip lang siya sa akin kanina dahil alam niyang umuulan, maluwag yung pantalon ko’t nakakafrustrate talagang isiping piso na lang yung kulang ko at kailangan kong magpakabait sa mga desperadong pagkakataon. Pag-abot ng bayad kay Manong Kuya Kiosk ay dumukot na akong tunay ng dalawang pulang sachet at hinintay ang apat na pisong sukli. Hindi ko alam kung bakit inisip kong dalawampiso na lang yung magiging sukli ko dahil sa gusto ko lang talagang isiping mahilig magpowertrip sa akin yung mundo. Ibinulsa ko na ang barya’t umakyat na sa ikalawang pagkakataon tungo sa opisina.

“Saglit, limang minuto,” pakiusap ni Mikka na mas totoong busy sa akin sa tuwing nakaharap sa laptop. Isa. Dalawa. Tatlo. Apat. Bente minuto bago ako nakaramdam na kailangan ko na nga pala uling manigarilyo. Sumipsip muna ng kape sa tasa.

“Yosi.”
“Tara.”

Medyo mahiya-hiya pa akong kaunti dahil lang sa sagot ni Mikka yung yosi, opisina, at mainit na tubig, maging ang tasang pinagtimplahan ng kape. Sumipa na lang din yung instinct ko na ngatal na rin naman si Mikka sa nikotina. Mabuti at pumayag siya. Bumaba kami at pumuwesto sa gilid ng gusali. Tig-isang nagsindi sa harap ng pabilog na kongkretong mesa-upuan kung saa’y may nakatanim na punong tinatangkayan ng kulay rosas-tamlay na mga dahon. Pinakapal ng malamig na panahon ang init ng aming bawat ibinubugang mga usok. Matapos makipag-ululan sa ambon, bumalik na kami sa opisina.

Nakaupo akong muli sa harap ng pinakamamahal kong laptop. Hinimas panumandali ang kanyang keyboard. Inalikabukan. Pinitik ang mga nandikit at ipinahid na lamang sa pantalon ang mga clingy. Nanood na lamang ako sa aking mga subscription sa YouTube hanggang sa pumatak ang 7:45. Nagbell alarm nang malakas sa buong kolehiyo ng musika, na nadinig naman namin ni Mikka. Hudyat na ito na malapit nang magsara ang gusali. Nagligpit na kami ng aming mga gamit at lumabas na ng opisina, ng kolehiyo.

Nagsindi kami sa huling pagkakataon. Makapal ang hamog. Liwanag na lamang ng streetlight at hindi ang mismong mga poste ang kaya kong makita mula sa Acad Oval. Hithit. Buga. Nakikikapal ang usok ng aming mga hininga sa kulambo ng manipis na ulop na pumalibot sa UP, sanhi ng maulang panahon. Kakaunti nga lang pala kaming mga nilalang na may hilig sa mga ganitong ginaw at tikatik ng ulan. Sinabayan pa ngayon ng minsan ko lang ding maramdamang makapal na hamog. Hithit. Buga. Lumingon ako sa aking kaliwa at napansing balot na balot na rin ang University Theatre. Hithit. Buga. Gutom na ako. Kinuwento ko kay Mikka na uuwi akong may sasalubong sa aking lutong manok pagtapak ko sa aming tahanan sa Cavite.

“Wow, edi ikaw na ang tinatanong kung anong gusto mong ulam,” hithit. Buga. Unti-unti nang nagpaalam sa mga huling nagsusumayawang usok. Mala-fairy tale na rin ang bagsak ng liwanag ng buwan sa mga kalye, tila sumasabay sa mainit na liwanag ng mga poste. Wala akong dalang hoodie, pinahiram ko nga pala sa iyo, at kulay green pala iyon. Kailangan ko yata ng pula, para makauwi. Nagpaalam na ako kay Mikka't hinanap ang amoy ng chicken.

August 11, 2015

Good Night

Nais ko nang sumakay ulit doon sa wala nang makapipigil na paglipad sa haraya. Tila galit-galit na nagmamahalang magkakaibigan dahil hindi malaman kung kailan nga ba magkakatugma. Pero kahit na ganoon, sabay-sabay tayong lulutang sa langit, halos bulag nang mga paningin, musikang dalampasigan, orange, violet, pink, sky blue sa tenga, mahanging may kaunting kabang bumitaw.

Parang bigla na lang kasing mapapipitlag tayong lahat, mula sa napakabigat na pagkakupo, sa tuwing may mga kalabasang android, tulad din natin. May kapangyarihan tayong panibago na ayaw naman nating tanggapin ni gamitin dahil nauulol lang din naman tayo. With great power, comes great paranoia.

Pero laugh trip pa rin naman. Kahit tawanan pa tayo nang makailang ulit ng mga ilaw sa poste, dingding, kisame, kisame ng ibang bahay, alitaptap, parol na hindi pamasko, pundidong flashlight, kandila, katol, usok, mitsa, sumasayaw na mga usok, sasabay sa aking mga tenga ang imbentong melody na tanging arok lang din ng diwa at kunwaring talento ko, mapatatawang muli, hagikhikan, halakhakan, may isang ngingiti, may sasabay, kuwentuhan, kuwentuhan sa amoy at lutong ng bagong hangong fries at fried chicken, pilangkis ng laway, ngipin, at labi, mapapansing muli ang usok na tila halos isang araw mo nang tinitingnan, magsisinding muli ng panibago.

Kailangan kasi nating kanselahin ang amoy gayong pugad nga naman ng mas makapangyarihan sa atin ang ating hinihigaan. Kailangan nating maglinis habang nagdudumi. Kahit na alam na rin ng buong santinakpan na mas madumi, at tanging madumi pa nga ang ginagamit nating panlinis.

Hindi naman ganoong kamakalat kapag happiness yung trip. Tayo lang din naman ang pupulot sa ating mga sarili matapos lumipad, maglakbay. Iiwanan nating gutom ang mga kalam, lalam, unan, kumot, malambot nang muling hihimlay. Hindi rin maeksplika kung paanong nakahihilo pa rin ang nakikita ng patay nang mga mata.

Buhay ang diwa. Ayoko pang tapusin pero kinakabahan na rin ako kahit kanina pa tayo tawa nang tawa. Hindi dapat masanay sa ganitong mga balakin pero kay sarap ulitin. Kaya nga natin inulit yung powers and haraya, gabundok nang mga upos, ngunit walang haring osong pinatumba.

Isa pang Gamit ng Panitikang Pambata

Petsa: Pebrero 13, 2014
Asignatura: Panitikang Pambata ng Pilipinas
Propesor: Torres-Yu

Ikalawang Exam – Diskasin ang isyu/mga isyu sa bata/panitikang pambata na dinadala ng kuwento. Paano ito inilalarawan o isinasalaysay? Ano ang posisyon ng kuwento tungkol sa mga isyu na ito? Ano ang posisyon mo rito?


Napakagandang halimbawa ng Si Sibol at si Gunaw ni E.B. Maranan bilang isang panitikang nagpapakilala ng kuwentong bayan o karunungang bayan sa mga bata. Maigi nang maaga silang mamulat na mayroon na ang mga Pilipino dati ng mga ganitong uri ng salaysay at paniniwala bago pa man maimpluwensiyahan ng maraming dayuhan.

Isang halimbawa nito si Luningning, isang bathalumang taga-langit na may kapangyarihan sa mga pananim, ulan, puno’t halaman, maging sa ilog at bukal. Siya rin mismo ang nagpasimula ng buhay sa mundo. Kung may ibang relihiyong bata ang makababasa nito, maaga na siyang mamumulat at magtatanong nang kritikal sa kung paano ba talagang nagsimula ang buhay. Maaari rin naming maipakilala sa kanya ang pinaniniwalaan ng mga Pilipino noon, kung paano silang mag-isip, kung gaano na kayaman dati ang karunungan, ang panitikan, at ang kultura natin.

Sa panitikan pa lamang malalaman ng bata na tradisyon na pala sa atin ang pag-awit at pagtula. Masisilayan ito sa bahaging unang pagkikita nina Kapuy, isang lalaking mandirigmang taga-lupa, at Luningning, isang bathalumang diwatang taga-langit. Umawit na noon si Luningning at sinabayang-bigla naman ni Kapuy. Ang oral na tradisyon ang makapagsasabi kung paano ba talagang nag-aakyat ng ligaw ang mga Pilipino.

Isang halimbawa pa nito ang pambihirang paglalaban nina Sibol at Gunaw, na makikita sa maraming epiko bilang katangian din ng mga paglalaban ng mga tauhan. Dagdag pa rito ang paglalahad sa bandang dulo ng akda sa pinagmulan ng salitang gunaw. Bahagi rin ng karunungan at panitikang bayan ang pagsagot sa kanilang mga katanungan tungkol sa pinagmulan ng mga bagay at pagpapangalan, tulad ng ating mga alamat.

Isa pa, mayroon na tayo noong konsepto ng pagkakapantay sa pagitan ng mga kasarian. Naipakita ito nang ipinakilalang babae ang diwata ng kalikasan at nagging hari naman si Gunaw. Kahit sino, maaaring mamuno, maaaring manalo, o matalo.

Hanggang sa mga dayuhang mangangalakal na pinagbentahan ni Gunaw ng punongkahoy, at paglamon ng buhawing itim sa yumaong si Kapuy bilang pagpapakita ng parehong kasaysayan at paniniwala, masasabi kong tagumpay ang akda sa pagpapakilala ng karunungan at panitikang bayan. Hindi rin nagpahuli ang awtor sa pag-iwan ng magandang asal na nakatuon sa responsibilidad.

Nariyan ang malaking responsibilidad ng mga tao sa kalikasan, na maagang pinakita ni Sibol, maging sa pagtatapos. At kahit na nagmukha pang masama si Gunaw, may makikita pa ring kahit katiting na responsibilidad bilang hari, o namumuno. Iyon nga lang, sablay siya sa responsibilidad bilang kapatid, may utang na loob sa kalikasan, at anak, na inako namang ni Sibol. Makikita rin ng mambabasa na ang pagtalikod sa responsibilidad ay hindi nagdudulot ng maganda, tulad ng nangyari kina Kapuy at Gunaw, na kapuwa tumanggap ng mga karampatang kapalarang kaparusahan.


Yayaman ang kaalaman ng batang makababasa ng akdang ito, lalo na kung alam din ng gagabay sa kanyang pagbabasa ang mga pinagsasasabi ko rito. Lilitaw na kasi ang pagtatanong ng bakit ng bata. Mabuti nang alam ng bata ang tunay na Pilipinong pagkakakilanlan at responsibilidad sa kapuwa, kaysa yung nasasayang yung mga kayamanan natin dati, at maging ngayon.

Pambatang Pamantayan

Petsa: Disyembre 10, 2013
Asignatura: Panitikang Pambata ng Pilipinas
Propesor: Torres-Yu

Unang Exam

---

Posible pa kayang magkaroon ng unibersal na panitikang pambata? Yung panitikan para sa lahat ng bata? Kahit yung panitikang pambata na lang na maaaring maunawaan ng lahat ng bata sa Pilipinas? Maaga kasing tinalakay sa klase, sa unang bahagi, na ang mga bata ay mayroong magkakaparehong mga angking katangian. Nandiyan yung, halimbawa, pagiging malikhain ang isip, inosente at utu-uto, at marami pang iba, na nakatutuwa kung iisipin, sapagkat pinagdaanan din naman natin. Kasabay nito, inalam ding ang panitikang pambata ay mayroong ding mga angking katangian, halimbawa, may aral at aliw, nakatatawa o nakatutuwa, madalas na bida ang bata, mayroong masayang wakas, na matingkad din naman sa halos lahat ng mabibilhang bookstore. Hindi rin maisasantabi ang binanggit sa klase na ang panitikang pambata ang siyang panitikang mayroong tiyak na mambabasa. Ngunit gaano nga ba katiyak ang tinutukoy rito?

Sa sumunod na bahagi ng mga pagtatalakay, saka nagsimulang magkaroon ng kontradiksyong mga pahayag laban sa mga binanggit kanina. Lumitaw ang paksang mayroong mga sentrong panitikang pambata, at dahil gayon, mayroong mga naisantabing maaari, hindi napapansin o pinapansin, o pupuwede ring hindi na talaga naisulat para maipamahagi sa higit pang nakararami.

Malinaw sa talakayan na dahil sa pagiging kapuluan ng Pilipinas, hindi malayong magkakaroon ng iba’t ibang wika, iba’t ibang kultura, magkakaibang kongkretong mga karanasan. Hindi lamang sa wika maaaring magkaroon ng pagkakaiba-iba ang mga batang Pilipino, kundi maging mismo sa edad, sa relihiyon, sa kasarian, pati na rin sa uri. Tanggihan ko man, lalabas at lalabas pa rin ang pagkakaiba ng karanasan ng mga batang Pilipino.

Maaaring tumigil nang maaga ang pagkamalikhain ng isang bata dahil sa perang kikitain na lamang ang tanging habol niya sa isang araw sa pamamagitan lamang ng paulit-ulit-ulit na pagtatrabaho, o kalakal o limos, o kahit sa simpleng pagpipigil lamang ng mga relihiyosong magulang na maaaring magpakitid sa isip niya. Marami ring maagang nadedeinosentehan sa lipunang kanilang pinaggagalaan, na maagang nagmulat sa kanilang mayroong ding sad endings. O kahit mangalutkot lang siya sa internet, insta-Mulat na kaagad. Kung babalik tayo, e paano na lamang ang panitikan nila, ang panitikang tungkol sa at para sa kanila? Titindig pa ba sa mga binanggit na pamantayan kanina (pamantayan sa bata at panitikang pambata), o kinakailangan nang titiwalag para sa mas nakararami? Pamantayang mga katangian ba ang mga ito, o pagpupumilit na lamang ng isang “dapat” na bata, o simpleng paglalarawan lamang ito ng isang katiting na bahagdan ng populasyon ng batang Pilipino?


Katotohanan ba dapat ang nakapaloob sa kanilang panitikan? O malikhaing mundo ng reyalidad na binuo ng mga manunulat na kaya naman nilang (ng mga bata) likhain? At para ano? Para magbigay pag-asa? O pagtakas na lamang sa lipunang kay hirap takasan? Maaari nang magkaroon ng aral nang ‘di naaaliw. Nagmumukhang kontrabida o supporting actors o actresses, o extra ang mga naisasantabing bata. May mga sad at scary endings. At may mga bata ring ‘di nakapapasok ni pinapapasok sa National Bookstore.

August 10, 2015

Float

Walang development.
Walang mali.

Nakikipagtitigan na naman sa akin ang nakabigting mata mula sa kisameng puti. Dalawang sulok ng pader lang ang kayang makapigil sa higpit na dala ng air-con. Unti-unti nang nandilirim. Tunog na lang din ng makina ng mga tricycle na dumaraan sa kalsada ang abot ng aking mga tenga. Nakikibulong din ang malalim at boring na boses ng air-con. Saka ko lamang ulit naramdaman ang ginaw ng kuwarto. Minabuti kong magpalit ng posisyon ng paghiga habang humihila ng kumot sa lansaplot mo ring katawan.

Likod mo lamang ang tanging abot ng paningin. Medyo maikli pa rin ang buhok sa iyong ulo. Gusto ko sanang tumawa mula sa pagkakangiti dahil naalala kong mahaba pa nga pala ang iyong buhok nang una kitang hinalikan sa labi. Sigh. Matagal na rin pala iyon. Sa ngayon, yung mga balikat mo naman ang gusto kong amuyin, damhin ng aking mga labi, kagatin. Kaya lang, baka magising ka, mahilig ka pa naman matulog. Mula sa baywang mo'y nakapanseselos na yakap ng kumot natin ang minasdan. Ipinatong ko rito ang aking kaliwang braso at idinikit ang aking dibdib sa iyong likod. Nakakakalma pa rin ang amoy mo. Iniangat ko nang muli ang aking kaliwang braso patungo sa iyong buhok. Hindi ko rin maexplain pero gustung-gusto kong isinasampay yung buhok mo sa iyong tenga. May kung anong kilig kumbaga. Pinigil ko ang aking sarili. Nagmukha na lamang akong tanga sa muling pagngiti at pagtigil sa ere ng aking kaliwang kamay. Mahimbing pa yung tulog mo. Aagaw na lang muna ako ng ibang oras.

Hindi ko maigalaw ang kanang braso ko. Namanhid na pala sa matagal-tagal na ring nakahiga mong ulo. Muli kong sinilip ang patay na mata. Maginaw pa rin. Gusto ko nga palang magyosi. Mabuti na lamang at abot ng kaliwang kamay ko ang kaha at lighter na nakapatong sa puting mesa. Sinubukan kong magmagaling na makapagsindi ng isang stick gamit ang tanging gising na braso. Binuksan kong maigi ang kaha at wala namang nahulog. Isang stick ng Pall Mall, black. Fuck, black. Gusto sana kitang gayahin at kagatin na lang din yung candy sa may labian. Bagong gupit din kasi ang mga kuko ko ngayon at wala muna akong balak saktan ang sarili ko.

But, fuck it. Hindi nga pala ako sanay kumagat. Mas sanay akong dumila. Edi ayun na nga. Panandalian ko na lang din sinaktan ang bagong gupit kong hinturo at laki. FUCk! Okay. Okay na. Iginitna ko na sa mga labi ang bisyo. Ibinalik ko na sa mesang puti ang kahang panandalian kong ipinatong sa kama. Inilapit na ang lighter, at nagsimulang mag-isip nang medyo malalim.

Namiss pala talaga kita. Hindi na rin kasi kinaya ng boses mo sa text at chat messages ang pagpunan sa aking mahabang patlang. Inalala ko pa kung kailan ko ba ulit maririnig yung tawa mo na minsan mo lang din pakawalan. Sa ngayon e isang maigsing galaw ko lang, maaari na akong bumulong sa panaginip mo. Sawang-sawa na rin yung mga unan sa kama ko. Ayaw na nilang niyayakap ko sila nang mahigpit. Pero sa ngayon, balat sa balat muli. Minsan na ring dumaan ka sa mga panaginip ko, may mga gabi, may mga hapon. Ngayon, parang ayaw ko na ulit bumangon pa. 

Patumba nang malapit sa mga huling higop ng nikotina.

Matapos maubos, itinapon na ang upos sa lapag. Sumilip akong sandali, sa kung hanggang saan ang kakayanin ng likod ko sa pag-angat. May itim na shorts. May grey na long sleeves. May violet. Itim na payong na nagpapatuyo. Brown na pantalon. Blue shirt. May pink. May itim. At isang maroon na jacket.

Humiga na ako't kinindatan sa una't huling pagkakataon ang nakabigting mata. Ngumiti. Muling humarap sa'yo. Umakap. Nagsalita.

Nagsalita kang pabalik. 

Dumilat. 
Lumingon.
Umikot.

Muling nagtagpo ang ating mga mata.

July 29, 2015

Smoker's Lies

Gusto kita. Gustung-gusto kita. Actually, parang mahal na nga kita e. Biruin mo, bago ako lumabas ng bahay, mas ikaw pa yung aatupagin ng magagaspang ko nang mga labi, kaysa magsipilyo pa. Mas pinipili ko pang dumihan (sabi nila) ang sarili ko, para lang sa'yo. Minsan nga, may mga araw pang hindi talaga ako nakapagsipilyo at all pero hindi ako makapayag na lumubog siya hangga't 'di tayo nagkikita. Parati na lang ikaw. Kapag binubuksan ko yung wallet ko, higher priority ka pa kaysa sa pamasahe ko. Parati na lang ikaw. Kapag payatot na ulit yung wallet ko, mas iintindihin pa kita, kahit hindi na ako makakain! Nang isang buong araw! Parati na lang ikaw! Bago ako matulog? Alam mo ba? Ikaw ang parati kong huling nakasama! Nasa kama pa nga tayo minsan na hindi atin. Paggising ko naman, parati na lang ikaw yung gusto kong unahin. Kahit pa bad breath ako sa umaga, wala ka rin namang pakialam.

Adik ka na ba sa akin?

Maikling panahon pa lang naman ang nakalipas, bago talaga tayo unang nagkaalisan ng tensyon sa pagitan natin. Gusto na talaga kitang kilalanin noon, pero marami-rami na ring totoong tsismis na hindi mabuti ang mapapala ko sa'yo, na masama ka, at masasayang lamang ang pera ko, kasabay na rin ng aking napakahalagang oras. Hindi ko na rin naman na maibabalik ang kahapon. Wala na rin naman akong magaga-

Actually no.

Ibabalik ko nga pala muna ang kahapon. Wala rin akong magawa noon. Wala talaga e. Ayaw ko mang ginagamit na palusot pero nasa impluwensiyang malalim na ako ng alak noon at gusto na talaga kitang makilala. Alam kong pagagalitan ako ng girlfriend ko kapag nalaman niya pero... pero, Alkohol. Ang asshole, alam ko, pero may pinagsisisihan ba ako?

"Gusto mo?" tambad ng isa sa mga kaibigan mo.

Sinubukan kong hingin ka nang may hiya at curiosity. Binigay ka naman agad ng mga lasing mo ring kaibigan. Agad ka ring dumampi sa aking labi at... at... well, nagsimula na ang init. Noong simula'y gusto ko nang umayaw dahil hindi naman kita matantya pa sa sobrang biglaan naman kasi ng mga pangyayari.

"Hahaha! Okay ka lang? Okay lang 'yan. Ganyan lang talaga sa simula. Subukan mong sa bibig lang muna, bago mo ipasok nang tuluyan. Hindi mo kailangang magmadali..."

At iyon nga ang ginawa ko. At ginagawa ko sa'yo, magpahanggang sa ngayon. Parang naging astig na bonus tip pa nga ang hindi kita madaliin. Mabilis naman kasing nagsimula ang lahat. Nagmukha pa'kong tanga sa umpisa. Pero kahit na ganoon, tinapos pa rin natin.

Ang kaso, gusto ko na'tong tapusin, itong atin. Nahihirapan na akong gumising minsan, dahil mabigat sa pakiramdam. Alam kong mali ang ginagawa natin, at tayong dalawa ang may kasalanan, pero ako lang ang madedehado.

Sinasabi ko minsan, na minsan na lamang ako makikipagkita sa'yo (na sinisimulan ko naman nang maayos), pero umaabot pa rin tayo sa pagiging madalas. Minsan, kahit may sakit pa ako, at ikaw mismo ang dahilan, kusa pa rin akong lalapit sa'yo. Minsan, magtatakda na talaga ako ng oras para sa ating dalawa pero maging sarili ko, hindi ko na rin masunod.

Adik na ba'ko sa'yo?

Ayaw ko na rin munang isipin. Tsaka... matapos ko na lang din namang isulat 'tong hilakbot ko sa'yo'y, unti-unti ka na namang lumalapit sa aking labi.




Well, shit.

June 25, 2015

WasSap (Introduction) -

Intro –





















Sana basahin pa rin ito ng gustong bumasa nito kahit na makita niyang pagkahaba-haba. Sinikap kong maging makabuluhan ang aking pagkilala sa aking sarili dahil laking pasasalamat ko pa rin sa asignaturang ito lalung-lalo na sa aming guro at nabigyang-panahong muli si Mart na kausapin ang kanyang sarili. Sana, pagsumikapan din ng mga taong kilalanin siya, kahit na mukha siyang sira at boring. Naalala ko, one time, during EDCO 101 class, tinamad akong makinig sa reporter (no offense) kasi kinakausap niya na lang yung hand-out niya. Ihand-out niya naman. HAND. OUT. Pero ayun na nga, sinubukan ko na lang ding magsulat kaysa masuka yung utak ko sa pagkaantok. Sumulat ako tungkol sa isa kong kaklase sa 101, sa loob ng klase, habang minamasdan siya. (Nabasa niya rin iyon kamakailan lang pero keri lang.) Madalas akong ganoon. Sobrang busy sa pagkilala sa mundo, sa mga tao sa mundo, at walang panahon para sa sarili. Ang portfolio na ito ang nagsilbing muling pagbabalik ko kay Mart, dahil namiss ko rin namang lihaman ang aking sarili. Enjoy. Naks! Joke lang.








PS: Hindi sunud-sunod pero pinilit kumpletuhin.

1. Guidance

Sa mga unang araw ng aming klase sa EDCO 101, ipinangkat kami ng aming guro at iniutos sa aming pag-usapan ang ukol sa guidance counselor services na naipatupad noong kami ay nasa mababa at mataas na paaralan. Sa aming grupo’y napagkasunduan naming maskara ang aming itanghal sa kadahilanang marami sa amin noon ang takot sa guidance counselor ngunit hindi naman siya dapat kinakatakutan. Natawa ako sa aking sariling mga karanasan noon dahil, oo, totoo nga namang may dating sa lahat ng mag-aaral sa aming paaralan ang bukambibig na, “Ipapaguidance kita!” Noong mga panahong isinasagawa namin ang activity ko lang napagtantong bakit hindi ko man lamang sinimulang isipin ang kahulugan ng salitang guidance at kung bakit kabaliktaran ang aking nararamdaman sa tuwing naririnig ko ito. Sinabi ko bigla sa sarili kong guidance  nga e, igaguide ka, bakit ka nga ba natakot noon? Mayroon kasi kaming dalawang guidance counselor noong nasa mataas na paaralan ako. Yung isa sa kanila, mabilis magalit, masungit sa umpisang kilala, at yung isa naman, kabaligtaran niya. Pero noong nawalan ako ng wallet isang araw at umakmang papaiyak na habang binabagtas ang tanging bukas na opisina sa paaralan, alas sais nang gabi, nakita rin ako sa wakas ng guidance counselor na masungit. Pero hindi naman pala. Madali niyang nabasa ang ang mukha at nasabi ko kaagad ang aking problema. Yung tipong siya pa yung nagbigay sa akin ng pamasahe para lamang makauwi. Natuwa ako noon kasi bigla na lamang nabaligtad ang baligtad kong tingin sa mga guidance counselor. Ang problema, sana, sa maraming guro sa Pilipinas, hindi sanang nagagamit na panakot ang guidance dahil bukod sa nakakatawang kontradiksyon ng mga depinisyon, nawawalan ng saysay ang kanilang mga opisina’t pinag-aralan.

2. Milestones and Significant People

Nang ipinagawa sa amin ang ganitong uri ng timeline ay natagalan pa ako kung anong taon nga ba ako unang nagsimulang mag-aral at ilang taon nga ba ako unang nagsimulang makisalamuha sa guro at pisara. Binilang ko pa at ako’y umabot sa taong 1998 nang una akong ipasok sa paaralan isang tricycle lang mula sa amin. Nakapagtapos ako sa mababang paaralan nang dinaanan ang lahat ng antas habang may bitbit na medalya sa bawat yapak. Hindi naman ako mayabang noon ngunit nang iabot sa akin ang aking unang medalya sa antas Nursery, nagpursigi ang aking mga magulang, lalung-lalo na ang aking nanay na mag-aral pa ako nang SOBRANG buti. Siguro kasi, sobrang galing din ng kuya ko noon (ikalawa ako sa tatlong magkakapatid) at nais siguro nilang ipagpatuloy na rin ang bakas na iniwan niya. Hindi naman naging ganoong kahirap para sa akin at may mga panahon lamang noong gipit talaga ako sa todo pagpapakabisa ng aking nanay sa walang katapusang scientific method noong nasa ikatlong baitang na ako. Minsan din, inaabot na kami nang madaling araw dahil ayaw akong patulugin hangga’t hindi ko pa nakakabisa ang ipinapabasa sa aking Pointers to Review. Ngunit noong pagtapak ko na sa ikaapat na baitang, napagtanto ko na ang sistemang ipinamumudmod sa akin ng aking mga magulang at ang bigat ng pasaning pinapabuhat na rin sa akin ng aking kuya. Nag-aaral na ako noon mag-isa at pinagsumikapang maipasa nang may medalya pa rin kahit wala nang mga gabing pinagagalitan ako kasi may hindi na naman ako naalala. Pagdating sa mataas na paaralan, doon na nagsimulang mahilig ako sa pagsusulat. Kaya siguro naisama ko pa sa timeline na aking ginawa ang panahong ipinasok ako ng aking magulang sa summer reading classes noon. Mahalagang hakbang kasi iyon para sa akin dahil, sa natural kung malamang, kailangan kong matutong magbasa at magsulat. Iyon nga lang, saka ko lang din napagtantong nasa wikang Ingles ang aming pinag-aralan pero okay na rin naman. Noong nasa mataas na paaralan ay nasisiyahan na akong magsulat sa aming asignaturang Filipino at simula noo’y pinangarap ko na ring makapagpalimbag ng sarili kong libro. Pero pangarap na lang din siguro iyon dahil takot na takot ako sa kritisismo’t sa tingin ko lang di’y ako lang ang naaaliw sa mga pinagsasasabi ko. Kahit na ganoo’y lumihis naman ang pagtahak ko sa Filipino sa antas ng kolehiyo’t pagsusumikapang makapagturo ng nabanggit na asignatura sa mataas na paaralan.

3. Pasta & Gummy Bears

Kinailangan naming sagutin ang napakaraming problema nang nagpagawa ang aming guro ng pinakamataas na tore gamit ang hindi pa lutong pasta [sticks] at gummy bears bilang pandikit sa bawat dulo ng mga ito. Mahirap sa simula, at sobrang hirap din hanggang huli. Wala namang umaktong pinuno ngunit okay naman para sa lahat na magsalita ang, lahat. Marami kaming iba’t ibang ideya para makabuo ngunit hindi pala lahat ng naipaplano sa utak e naitutulak nang maayos. Napagtanto ko, unang-una, na mahirap pala kung walang namumuno. Oo, okay namang nirerespeto namin ang opinyon ng bawat isa pero iba pa rin pala yung tipong hindi kami nagkakanya-kanta sa mga gawain. Sa ginawa naming pagkakanya-kanya e maraming nasayang (naputol) na kagamitan at nabawasan ang resources ng aming pinakamamahal na proyektong tore. Ikalawa, kailangang sinusubok muna ang bawat teoryang naiisip at hindi maging padalus-dalos dahil sa pagmamadali sa gitna ng bawat sitwasyon. Ang nangyari kasi sa ami’y nagkanya-kanyang teorya, nagkanya-kanyang gawa, nagkanya-kanyang kasayangan. Hindi ako nakakita ng pagkakaisa kahit na akala namin noo’y nagkakaisa talaga kami. Akala lang namin iyon. Akala lang namin talagang mangyayari ang lahat ng ipinaplano namin kasi iyon ang sinabi sa amin ng imagination ng utak namin. Akala lang talaga. Sa huli, minabuti na naming hindi tapusin dahil sa hindi lang sa naubos ang kagamitang kinakailangan namin sa pagbuo ngunit wala ring mga teoryang nagpatayo’t nagpatibay sa aming pinakamamahal na tore. Natigilan na akong magmahal, bumigay, at sinubukan na lamang magpapansing-inggit sa mga nakabuo talaga ng tore.

4. Zombie Apocalypse Problem

Ninais kong isama ang pari sa aming grupo dahil kaya niya naman sigurong icounsel ang namamaril-ng-taong armado yata iyon. Napakapraktikal kasi na bagay ng isang armas sa panahon ng ganitong uri ng spesipikong apokaliptikong sakuna. E kailangan mong pumatay ng zombie, makahanap ng tutuluyan at pagkain, kailangan natin ng baril, nasa isip ko. Hindi rin nawala sa akin ang pagkakaroon ng physician na maaari nang umaktong first aid o medic sa aming grupong nilimitahan lamang ng panuto ang bilang. Kailangan ding magparami dahil katapusan na nga naman ng mundo kung kaya’t nagsama na ako ng isa pang babae. Nasubukan dito ang aking pasensya at kaunti na ring kakayahang magdesisyon kung pag-uusapan din lang ay buhay at paniguradong kamatayan. Nagmumukhang pambata ang ginamit na konsepto ng guro para sa amin dahil kung iisipin, tipong pangyarihang palabas lamang o video game ang sasapitan ng ganitong sakuna, ngunit pinili ko pa ring magpakaseryoso dahil wala namang mawawala sa akin at siyempre, patuloy na bulong sa akin ni isa pang Mart na, “E paano nga kung magkatotoo?” Mahirap magdesisyon ng ganitong mga plano lalu’t lalo pang iniisip mong ipotetikal at hindi ka naman aanhin ng konsensya. Ngunit nang aking inisip na mangyari talaga sa aking itapon ang lahat ng responsibilidad sa ganoong sitwasyon at mag-isip para sa lahat, hindi ko pa rin maiiwasan sigurong isama ang lahat, kahit magsisikan kami sa bodega. Malakas siguro yung sipa sa akin ng konsensya sa ganoong mga pagkakataon at hindi ko ipinagkakaila ang lahat ng kakayahan at maaari pang kakayahan ng maraming tao, maging ang kakayahan nilang baguhin ang kanilang mga sarili. Mahirap na rin siguro yung madali akong magtiwala sa napakaraming tao ngunit okay din namang nagbibigay ng pagkakataon. Huwag lang nila akong ubusan ng pagkain.

5. Grade 2 Problem – Someone Who’s Good in Class is Bullied

Medyo naging mahirap ang gawaing naiatas na ito para sa amin dahil unang-una, baka hindi ko na maalala kung papaano nga ba akong mag-isip noong nasa ikalawang baitang pa lamang ako. Pero hindi rin naman nawala sa isip kong iba-iba rin naman ang antas ng paglinang ang pag-iisip ang bawat mag-aaral. Kahit nagkaganoon, minabuti na lamang naming kausapin ang nambubully sa kaibigan naming napakatalino’t yayain siyang mag-aral kasama kami. Kung bubullyhin din lamang niya yung kaklase niya dahil hindi siya makapasagot sa klase, e ‘di mag-aral na lang din siya nang maayos. O kung nakita lang din siya ng aming guro na nagtaas ng kamay kahit hindi tinawag, bakit kailangan niya pang mambully? Dahil wala sa kanya ang atensyon? Dahil nasa iisa na lamang ang atensyon ng mga guro? Dahil ba sa nakaaamoy na siya ng favoritism kung kaya’t sinapawan na ng inggit at galit ang kanyang puso na nagtulak sa kanya para hindi na rumespeto sa iba’t manggulo na lang? Tinamad na akong ilagay ang aking sarili sa taong binubully at para maiba naman, sinubukan kong isuot ang sapatos ng bully kahit mahirap ipagkasya. Ang naibigay naman sa halimbawa e hindi iyong tipong powertripper lang at humahalakhak sa tuwing nambubully bagkus isa din lamang kapwa mag-aaral na gusto lang ding makakuha ng mataas na grado. Kung kaya’t, kapag hindi pa siya pumayag sa aming study group session, isusumbong na lang namin siya sa guidance counselor.

6. Blank Paper

May ipinaguhit sa aming bagay sa isang maliit na matigas na papel na sumisimbolo sa amin noong mga panahong iyon. Sa katunayan, hindi ako nakapagsimulang kaagad dahil hindi ko pa rin lubos maisip kung kilala ko na ba talaga si Mart. Sino nga ba ako? Sino nga ba si Mart? Gusto ko lang naman, magsulat talaga. Gusto ko lang, binabasa yung binili kong librong ako lang din yung nagsulat at nagpalimbag. Matigas na pabalat, mapuputing pahina, itim na maliliit na tinta ng printer. Pero, lumalabo nang lahat iyon dahil sa karuwagan at katamarang bumabalot sa Mart na mapangarapin pa rin naman. Nauubusan na ako ng oras at mukhang patapos na rin ang aking mga kaklase. Blangkong-blangko ang utak ko’t naisip ko na lamang gumuhit ng blangkong papel para matapos na ang lahat. Madumi, walang kuwenta, at hindi pa talaga nagmukhang papel. Ipinaliwanag pa iyon ng aking partner pero minabuti ko pa ring linawin kung bakit iyon nga ang napili kong simbolo, o kung anumang pambobola sa sarili kong metapora sa kawalang-kuwentahan ng aking pag-iisip noon. Pero totoo lahat ng sinabi ko’t akala ko’y luluha ako sa harap ng nakararami dahil hindi ko pa rin pala talaga napapatunayan ang sarili ko, na wala pala talaga akong nagagawa, na wala nang ibubuga yung tinta ng ballpen ko, tulad ng blangkong papel na inihain ko sa klase. Susubukan ko naman, sinusubukan ko namang magpraktis magsulat, at sinubukan ko na rin minsang magsulat ng nobela tungkol sa taong nagpakamatay pero kinulelat ng nagbabantay sa langit na maaari pa siyang bumalik sa mundo kung gusto niya pa. Para bang second chances, opportunities, or whatever, that touches the extremes of being suicidal pero may sipa pa rin ng comic relief. Pangarap ko iyon – manggulo ng diwa ng aking mga mambabasa gamit lamang ang papel at tinta. Sinta, subukan mo na akong hanapin at itulak papalayo sa bisyo ng karuwagan at katamaran. Gusto ko na ring masulatan sa wakas yung papel at baka amagin pa’t maglagas nang hindi nagagamit. Sayang.

7. On Leadership

Para sa akin, ang pagiging isang pinuno’y isang napakamakapangyarihang posisyo’t walang makapagsasabi sa’yo kung ano ang dapat mong gawin. Malakas ka nga’t matibay dapat ngunit hindi pa rin dapat binabalewala ang mga taong nagluklok sa iyo sa iyong kasalukuyang posisyon. Lagi kong tinatandaang wala naman yung pinuno riyan kundi lang din dahil sa mga taong bumoto para sa kanya. Sa katunayan, ang pinuno lang din naman talaga ang nagsisilbi, naglilingkod sa kanyang mga kinauukulan. Siya pa rin dapat yung pinakapagod, pinakamaraming inisip, ginawa, at ibinigay. Marunong makisama sa lahat at walang pinagpipilian kung nahihirapang magdesisyon. May sariling opinyon ngunit pinakikinggan pa rin ang opinyon ng iba. Ang pinuno ay hindi sumusuko dahil sa kanya lang din madalas kumukuha ng lakas ang kanyang mga pinag-uukulan. Kinakaya niya ang bawat problemang kinakailangang tahakin, kahit na maaaring imposible, ngunit nagbibigay ng karampatang pansin at susubukan pa ring magbigay solusyon. Ang pinuno ay hindi nakakatakot ngunit nirerespeto. Hindi siya namimilit at nasa punto ang kanyang mga utos. Ang pinuno ay matalino. Ang pinuno ay inspirasyon sa kanyang mga tao. Ang pinuno ay isang huwaran. Kung may pipiliin lang din naman akong role model, siguro’y yung pinakamagagaling na direktor na lamang ng pinakamagagandang pelikula. Maaaring sila lang din ang nagsulat ng kani-kanyang naratibo ngunit marami pa rin, actually lahat, ay kailangan nilang tutukan. Napakahirap na bagay iyon para sa akin, mga bagay, at isang napakalaking kaganapan iyon sa kanilang mga sarili kung mabuo man nila ang kanilang mga obra. Malilinang ko siguro ang ganitong mga kakayahan kung magsisimula ako sa aking sarili, sa aking sariling kinakailangan din ng matibay na pinuno. Kailangan ko munang pamunuan ang bawat gawain ko, para naman kapag sinubukan ko nang mamuno sa iba, hindi na ako ganoong mahihirapan. 

8. On Peers

Bilang isang miyembro ng grupo, sinubukan ko ring ilahad ang aking mga opinyon para naman, sa totoo lang, huwag magmukhang walang kuwenta sa kanila. Kinikilala ko ang mga ideyang mas magagaling kaysa sa akin at minsan pa’y namamangha pa ako. Hindi ako yung tipong nagagalit kapag hindi napili yung akin bagkus natutuwa pa para sa pangkalahatang kalalabasan ng aming mga plano. Sa pagtulong naman sa aking mga kaibigan, handa akong makinig sa kahit anong nais nilang sabihin sa akin. Hindi ako natatakot sa mga wirdong tao’t para nga pala sa akin e, wala naman talagang weird na tao. Magiging weird ka lang siguro para sa akin kung ikaw lang sa buong universe ang ganoon. Pero hindi. Hangga’t maaari’y naniniwala nga kong unique ang bawat isa ngunit bawat isa ri’y mayroong katuwang sa pag-iisip, sa pamamalakad ng kanilang buhay. Binuhay ang maraming tao sa napakaraming kultura ng mundo at napakaimposibleng lumikha na lamang nang sarili ang isang tao ng sarili niyang kultura. Mayroon at mayroon pa rin siyang makakasundo, kahit na napakaimposible pang makita niya ito. Ibig ko lang sabihin, bilang isang unique na tao’y sa buong sakop ng lupalop ng lupaing tinitirhan ng bilyun-bilyong tao sa mundo, mayroon ka pa ring kaparehang unique din. Masakit sa ulong tanggapin ngunit mahirap pa ring ihiwalay ang ibang tao sa iba. Tanggap ko lahat ng tao’t okay na ring makibagay sa kung anumang kinakain nila sa almusal o pinakikinggang musika. Pakinggan lang din nila sana si Mart.

9. How Self-Aware Are You?

Anim na puntos ang nakuha ko sa gawaing ito’t sa aking pagkakaalala’t unawa, aware naman daw ako. Okay rin naman. Tanggap ko sa aking sarili. Tanggap ko ang aking sarili. Kilala ko ang aking sarili’t kilala ko rin naman si Mart. Mahirap na rin kasi para sa akin yung mundo na lang parati yung pinapansin ko’t sinusulatan ng mga walang kabuluhang liham. Kinikilatis ko rin madalas yung sarili ko’t sa bawat silip sa ulap sa kalangitan, kinukuwestiyon kung bakit nga ba sa Pilipinas ipinanganak si Mart at hindi sa Japan. Marami akong tanong sa sarili ko dati, at marami rin sa mga tanong na ito ang tungkol sa aking sarili. Hinanap ko na noon kung bakit ko nga ba gustong magsulat o binola lang din ako ng mga guro ko noong nasa mataas na paaralan ako’t binobola ko na lang din magpahanggang sa ngayon ang aking sarili. Hindi na rin naman ako masyadong kinakabahan sa mga pinili kong landas pero kinukonsulta ko pa rin talaga si Mart bago ako magsalita, magsulat, o makipag-usap muli sa kanya. Mahirap na kasing walang malinaw na desisyon sa buhay dahil sa hindi mo malinaw na kilala ang iyong sarili. Kinilala ko muna nang maayos at mabuti si Mart at baka na rin kasi tamarin pa akong magsisi sa huli. Nakaakibat para sa akin ang lahat ng aking mga desisyon kung gusto ko nga ba ang bawat bagay na nangyayari, mangyayari, at nangyari sa kapaligiran ko. Ang kapaligiran ko rin naman ang nagbigay pagkakakilanlan sa akin, minabuti ko na ring pakisalamuhaan ang paligid para lang maging patas kami. 

10. Determining Your Stress Level

Napakaipokrito mang sabihing pinag-iisipan ko ang lahat ng aking mga gagawin, tulad ng nabanggit kanina, ngunit napakataas pala ng aking stress level ayon sa isang papel na aking sinagutan! Siguro nga, totoo, na napakataas minsan ng kumpiyansa ko sa aking sarili kung kaya’t natutulak at naiipon ang lahat ng aking mga kailangang gawin. Lumiliit ang buhangin ng panahon ngunit lalong tumatarik ang kailangan pang akyating bundok ng responsibilidad. Nasanay na ang katawan ko simula noong nasa mataas na paaralan na gawin nang isang bagsakan ang mga bagay dahil yung mga mas tamad kong kaklase ay pumapasa pa rin. Para bang tinamad na rin akong magpursigi sa mataas na grado’t hindi ko naman talaga hinangad na magpapansin talaga ng medalya. Ni hindi ko namiss suotan ng medalya na nakasanayan ko naman noong nasa mababang paaralan. Maaga ko nang natanggap sa sarili kong mataas ang kakayahan ng lahat ng tao’t nasasayang lamang ang mga ito kung tatamarin silang lahat, pero pumapasa pa rin nga yung mga mas tamad kong kaklase. Nawalan na ng sense sa aking umabot ng mas mataas kahit na iyon ang gusto ng napakaraming magulang, kahit na natutuwa pa rin silang diploma lang ang iaabot ko sa kanila. Pero bakit nga ba, ayon sa papel na aking sinagutan e, stressed daw ako? Like, oh, my gosh, why? Siguro kasi, naroon pa rin yung konsensya sa mga magulang kong nagpaaral sa akin ngunit hindi nila nakikita nang malinaw kung ano nga ba talaga ang ginagawa ni Mart sa UP. Mahirap bigyang-liwanag para sa kanila kung kaya’t sinusubukan ko pa rin namang ipasa ang aking mga asignatura. Hindi ko minsang inihanay ang aking sarili sa tipo ng tamad na wala na talagang pakialam bagkus hanggang sa hanay lamang ng may pakialam kapag panahon na talaga ng talagang-talaga. Kung tutuusin, yung mga walang pakialam pa nga yung may mababang stress level at sa ngayon… ko lang din napagtantong magandang bagay palang naiistress ako.

11. Studies

Bago ako mag-aral, nililinis ko muna ang aking buong kuwarto. Kaysa na ipalusot ko pang procrastinate time din ang paglilinis ng kuwarto bago mag-aral e gusto ko lang ding maayos tingnan at singhutin ang aking kaligiran habang ako’y nagbabasa o nagsusulat. Nagsusulat din ako minsan ng reviewer kapag marami masyadong kailangang kabisahin at minsan pa’y inaupload sa mga grupo (kung mayroon man) para makatulong (at makapagyabang!) sa aking mga kaklase. Mahalaga sa akin ang mga susing salita’t madali akong nakaaalala kapag iyon lang ang inalala ko. Kumbaga, sa isang salita, isang parirala, isang konsepto, marahil ay maaari ko na itong pasimulang ilahad nang mahaba-haba’t may panahon pa para mag-isip sa mga susunod pang tanong. Nagkakape rin ako bago at habang nag-aaral bilang pampagising. Hirap kasi akong mag-aral, at hindi ko pa rin ginu-Google kung bakit, kapag may liwanag ng araw. Iyong tipong may gana lang akong mag-aral kapag gabi. Siguro kasi, iyong tipong malinis na kapaligiran sa akin e malinis na talagang walang taong gising. Hindi rin ako kumportableng magsulat nang may maingay o may gising na tao, o may gising na taong tanong nang tanong, nakikipag-usap pa rin kahit nakikita na akong nagbabasa o sisilip pa sa akala nila’y obra ko nang kinakatha. Hindi ko rin kayang mag-aral nang may musika pero kaya ko namang magsulat minsan kapag may classical na tumutugtog na piyesang piano ang instrumento. Madali akong madistract din kapag may internet kaya hindi ko kailanman piniling mag-aral sa bahay namin sa Cavite sa tuwing umuuwi ako, kahit pa alas tres nang madaling araw at ako na lamang ang gising, payapa, at mabilis nga kasi yung internet, wala na naman akong matatapos niyan, sorry. Madalas akong magsimula 2-3 days before ng pasahan pero sinisigurado ko namang hindi ganoong kapatapon ang aking inaasam na resulta. Iyon nga lang, minsan, kapag kinasarapan ng antok at yakap ng comforter sa paggising sa ginaw ng ulan at suspension na inaabangan sa TV, magpoprocrastinate na naman si Mart hanggang sa kahit tres ay madaplisan niya man lang.

12. The Five Love Languages Test

Sa unang bahagi, yung bahagi tungkol sa significant other, ang pinakamataas kong nakuha sa aking pagsagot sa panibagong papel ay Physical Touch. Hindi ako malibog I swear pero yung pinakamaliliit na bagay, halimbawa, na hawakan ng girlfriend ko yung buhok ko e ramdam ko nang mahal niya ako. Kahit masahe lang na walang ingay, okay na para sa akin. Okay lang din sa aking magkatabi kami, sa track oval, sa ilalim ng liwanag ng bilog na buwan, habang nakatitig sa mga puno’t alitaptap, at hindi kami nag-uusap. Walang usap-usap, basta’t ramdam ko lang na katabi ko siya, nakapatong at nakayakap sa akin, kumpleto na para sa akin iyon. Dagdag pa rito, 0 points ang nakuha ko sa Receiving Gifts. Hindi naman sa hindi ko naaappreciate ang mga ibinibigay sa aking mga regalo, nagreregalo rin naman ako, pero parang, para sa akin, okay, sobrang okay lang din naman para sa akin kung wala talaga. Sa sumunod na bahagi, Words of Affirmation naman ang nakuha ko para sa aking mga magulang. Siguro kasi, madalas akong nasa paaralan at parati rin silang nasa opisina. Miminsan na lang talaga, nakalulungkot talagang isipin, kaming magkita kung kaya’t kahit walang pasalubong, basta’t may boses at pagkalingang kantsaw na akong marining, masaya na rin ako para sa relasyon namin. Dagdag pa rito ang pagiging OFW ng aking tatay kung kaya’t boses niya lang talagang literal ang puhunan sa pagkakakilanlan namin sa bawat buwang nagkakalayuang hindi naman talaga nagkakarinigan.

13. Multiple Intelligence Test

Anim ang nakuhaan ko ng 10 points mula sa papel sagutang ito: Musical, Logical, Existential, Verbal, Intrapersonal, at Visual. Una sa lahat, nakupo! Hindi ko talaga matanggap! Hindi naman ako galit at natawa pa nga ako dahil binobola lamang ang mga papel na ito. Niloko pa akong may musical at visual strength ako e gusto ko lang naman silang nakikita at pinakikinggan. Totoo naman yung mga isinagot ko sa bawat tanong pero bakit sampung puntos (pinakamataas) pa rin ang ibinigay sa akin ni papel? Siguro, kung may iba pang mga tanong e mababa na talaga yung makuha ko o kaya’y talent test na talaga ang usapan at hindi kumakausap na papel kundi kumakausap na tao ang sumubok sa akin, marahil ay bumagsak pa ako hanggang sa dalawa o magpahanggang sa isang intelligence na lang. Sa huli, masaya pa rin namang tanggaping wala akong ganoong kapakialam sa kapaligiran at kalusugan ng muscles at bones ng aking katawan, sa kanilang mga kakayahan, kahit na enjoy namang magbadminton at paminsan-minsang pamumulot ng balat ng candy sa daan. Nang makita ko rin ang mga resulta’y inisip ko na ring mag-ensayo pa para sa klasikal na paggigitara ngunit hindi ko na minarapat pang tahakin ang pagguhit. Ni matinong puno, para sa aki’y mahirap nang gawin.

14. House-Tree-Person Test

Gumuhit ako ng bahay na makakapal ang linya. Ibig sabihin daw noon ay may kumpiyansa sa sarili. Simple lamang ang ginawa kong bubong para sa aking bahay, at ang ibig sabihin naman daw noon ay wala naman akong masyadong pinapantasyang mangyayaring kakaiba sa aking buhay. May mga inilagay naman akong bintana at pinto at dahil daw roon ay open naman ako sa maraming bagay. Sa bahaging puno naman, heavy lines at manipis ang aking pagkakaguhit ngunit nang basahin ko na ang interpretasyon e sumasalungat sa kung ano ang sinasabi ng aking bahay! Maaari kaya itong senyas na may mali sa test na ito o mayroon akong bipolar tendencies? Minsan pa rin bang hindi ko pa rin kilala si Mart? Mahilig din ako sa maraming bagay at pupuwede ko rin naman sabihing nagsasawa rin naman ako, at napapagod. May mga dahon naman sa aking puno kung kaya’t, ayon pa rin kay papel test e okay na rin namang may nangyari sa mga nais tumulong sa akin, na totoo naman. Wala naman akong mabigat na hiningi sa mundo at willing din naman akong gawin pa ang mas mahirap na ginawa nila para sa akin. Taong stick lang yung ginuhit ko na may hawak na saranggola pero siyempre, sinilip ko pa rin yung pagkilala sa akin ng papel. Open arms naman yung pagkakaguhit ko na open din naman daw ako sa mga tao, na totoo naman. Sa bahaging bibig naman ay saradong (nakangiti naman) labi ang aking iginuhit at sinasabi ng papel na may denial daw ako sa mga gusto ko talagang makamit sa buhay, na sumasalungat na naman sa aking wala naman akong hininging mabigat sa mundo. Unless gustong makipag-usap ni Universe sa akin tungkol sa pagpapatalsik ng kalam sa loob, why not.

15. Career Pathway

Investigative, Social, at Conventional ang aking mga nakuha mula sa RIASEC test na pinasagutan ng aming guro. Bilang sigurong isang frustrated na manunulat, okay na rin naman para sa aking nag-iisip nang madalas, at maging kritikal sa pamamalakad ng mundo. Mahalaga iyon para sa akin, iyong makakita ng mga bagay na hindi nakikita madalas, o hindi nakikita at all ng tao. Tinatanggal ko ang aking sarili sa mundo’t sinusubukang maging multo para lamang makapag-obserba nang mas malalim at makapag-isip nang mas kritikal. Hindi ko iyon ginagawa, bilang isang tamad na manunulat lamang at magrereklamo lamang sa mga jejemon at iba pang mga batugang tulad ko. Ang tungkulin ng isang manunulat ay magbigay ng panibagong lente sa maraming mamamayang kanyang sinusulatan para kanilang tunay na malaman kung ano na ba talaga ang reyalidad. Galit na galit talaga ako sa media dahil hindi naman totoo ang lahat ng kanilang mga ipinakikita. Madalas, pambobola at walang kamatayang nainlab si Mahirap na Babae kay Hacienderong Mayaman at malalaman nilang magkapatid pala sila pero hephephep! Ampon lang pala yung isa at magkakatuluyan pa rin sila. Hindi naman masamang piliting may ligaya sa reyalidad pero ayokong ginagawang tanga yung kapwa kong mga Pilipino. Pero anong magagawa ko? Takot nga palang magpalimbag si Mart dahil takot siya sa mga pulang marka ng kanyang magiging mga editor at publisher. Minabuti niya na lamang tahakin ang landas ng pagiging isang guro at baka makahawa pa siya ng kanyang thinking patterns sa boring na mundo’t makapagbenta pa ng maraming libreng salaming sobrang nakapagpapalinaw ng mata.