12 April 2013

Bakit Hindi Ko pa rin Alam?

As usual, hindi ko na naman alam. Hindi ko pa rin talaga alam. Hindi ko na naman alam kung bakit pinindot ko na naman 'yang lintik na create a new post. Bakit pa? E kung anu-ano na naman ang ilalagay ko rito. Namimiss ko lang sigurong magsulat ng essays. Panay pagpapapansing-kaunti at maiikling naratibo yung natitripan ko ngayon. Ngayon? Sa ngayon nga, dapat, gumagawa na ako ng outlines. Mayroong mga tatlong narratives yung gusto kong ioutline kaso, tinatamad talaga ako. Hindi ko na naman alam kung bakit. Siguro kasi, hindi naman required. Pero, gusto ko talaga. Oo, gusto ko. Alam kong gustung-gusto kong nagsusulat ng narratives at essays kahit na wala naman talagang kuwenta akong magsulat. Wala nang bago sa mga sinasabi ko. Sa dami nang nangyayari ngayon, imposible nang mag-isip ng bago. O imposible lang talagang maging napakacreative ng utak ko. O imposible lang talagang sipagin ako. Yung tatlong naisip kong idea for narratives, sana hindi mabura sa isipan ko. Pero laking gaan ding walang naiiwang projects na hindi naman kasi nga required kung makalilimutan ko sila. Pero sana, hindi ko pa rin sila makalimutan kasi, ang lupit talaga ng mga naisip ko. Rerepasuhin ko pang gumawa ng maayos na outline. Pakiramdam ko, mas madaling gumawa ng outline kapag hindi required, kasi hindi ko na pipiliting magkaroon ng pangalawang part ang isang part kapag hindi na talaga kaya. Teka, kinakabahan ako, baka makalimutan ko na nga silang tatlo. At kahit na sa napakakawalang kuwentahan naman ng blog na ito kaya wala nagbabasa, itatago ko pa rin sa code words yung tatlo: 

1. Knock How Jeep
2. Cup Hole Sects & House Fee Toll
3. Aug. Ow Un-Ack!

Iniisip ko rin, minsan, minsan lang naman, minsan, hindi bagay sa 'kin yung Twitter. Nung naadik na naman ako sa maiikling pagsasalita, nakaligtaan ko nang mag-essay. Gusto ko na uling magsalita. Ayaw kong lumabas kasi wala namang masyadong materyal sa subdivision namin. Siguro kapag nakalabas kami sa Sunday, marami na uli akong makita. Gusto ko na rin ulit magsulat para sa Jumbo Gravy. Marami pang naiwang episodes na hindi pa naguguhit ng girlfriend ko. Mayroon pa ring isang episode na guest comic ng kuya ko. Malapit na rin palang matapos yung second floor na ginagawa sa harap ng bahay namin. Itaas ng bahagi ng garaheng tinatapos pa. Alam kong tahimik do'n kasi hindi naman kakabitan ng antenna yung TV. Ang alam kong gagawin lang do'n sa TV e para sa Playstation 3. Iaakyat lang din yung mga gitara pero wala naman sigurong matagal tutugtog do'n nang matagal at sobrang dalas. Hindi ko rin alam kung puwede yung katagang 'sobrang dalas'. Ang bagal pa rin ng PS 3 namin. Hindi ko rin alam kung bakit. Nagsimula iyong pagkabagal na iyon (pero hindi naman, pumipitik-pitik lang yung lag, tolerable pa rin naman) nung may ginawang glitch sa restoration pots yung bunso kong kapatid. Hayy.. Sorry, wala pa ring kuwenta hanggang ngayon mga sinasabi ko. Gusto ko na ring ituloy yung 100 questions sa Makasapi kaso, wala pa rin sa 100, kaya nakakatamad pa rin. Sorry talaga. Ikaw? May gusto ka bang pag-usapan ko sa blog na ito? Icomment mo na lang sa baba. 

09 April 2013

Skyrim: Alchemy

FE: BBW, HagClaw, SnowB, SprigSap
FS: Blist, GlowMush, SabreTooth, SprigSap
FM: Canis, Elves, Junip, SpidEgg

Fortify Enchantment: Blue Butterfly Wing, Hagraven Claw, Snowberries, Spriggan Sap

Fortify Smithing: Blisterwort, Glowing Mushroom, Sabrecat Tooth, Spriggan Sap
Fortify Marksmanship: Canis Root, Elves Ear, Juniper Berries, Spider Egg

Limbs and Souls

The Philosopher's Stone
The Heavenly Stone
The Great Elixir
The Red Tincture
The Fifth Element

HT: T

There.

Crows.


Water. 35L

Carbon. 20kg
Ammonia. 4L
Lime. 1.5kg
Phosphorus. 800g
Salt. 250g
Niter. 100g
Sulfur. 80g
Flourine. 7.5g
Iron. 5g
Silicon. 3g

03 April 2013

Malapit na Mawala si Mama?

Para sa mga bata..


Biyernes na at pauwi na ako galing sa paaralan. Wala na namang klase bukas. Doon lang ako ulit sa bahay namin.  Doon lang ako kasama si Mama.

Mula Lunes hanggang Sabado pumapasok sa trabaho si Papa. Naiiwan palagi sa bahay si Mama. Siya ang nag-aasikaso ng mga gawaing bahay. Maagang gumigising si Mama para maaga niya ring matapos ang mga gawain.

Si Mama ang nag-aayos ng aming kuwarto. Si Mama ang naglalabas ng lahat ng basura sa bahay. Si Mama ang naglilinis ng banyo at iba pang bahagi ng bahay. Si Mama ang naglalaba ng aming mga damit.

Pero ngayong narito na ako sa bahay at walang pasok kinabukasan, matutulungan ko nang muli si Mama. Sinimulan ko na agad ang aking mga takdang-aralin para maibigay ko ang lahat ng aking oras para kay Mama bukas. Inabot na ako ng gabi.

“Karlo, halika na at matulog na tayo. Maaga pa tayo bukas,” yaya ni Mama sa akin. “Kailangan na nating matulog para mayroon tayong lakas.” Magkakatabi kaming tatlo nina Mama at Papa sa kama habang sila’y nakayakap sa akin kapag natutulog.

“Karlo, anak, gising na,” panimulang bati sa akin ni Mama. “Bumangon ka na at itiklop ang kumot. Ayusin mo na rin ang mga unan.” Agad-agad ko namang sinunod si Mama.

Maayos nang muli ang kama namin!

 “Pagkatapos niyan, bumaba ka na para mag-almusal.”

“Opo, Mama,” sagot ko sa kaniya.

Lalo akong ginanahan sa amoy ng almusal namin. Mayroong pandesal, sinangag at pritong itlog. “Damihan mo ang iyong kinakain at ubusin mo ang iyong gatas para mas lalo ka pang lumakas at hindi ka agad mapagod,” nakangiting paalala sa akin ni Mama.

“Opo, Mama,” sagot ko sa kaniya.

Niligpit na namin ang lamesa pagkatapos kumain. Nagwalis na rin si Mama ng buong bahay. Lahat ng kalat, dumi at basura sa buong bahay ay inipon na namin at pinagkasya sa loob ng isang malaking itim na garbage bag.

Malinis nang muli ang bahay namin!

“Karlo, dalhin mo ito sa tapat ng bahay natin,” sabay abot ng garbage bag sa akin.

“Opo, Mama,” sagot ko sa kaniya.

Madali akong bumalik sa bahay matapos ipuwesto ang garbage bag. “Maglilinis na tayo ng banyo,” salubong ni Mama sa akin. Nagtungo na kami sa banyo at nakita ko nang nakahanda ang kagamitan. Sinimulan na namin ang paglilinis. Kami’y nagsabon nang nagsabon. Kami’y nagkuskos nang nagkuskos. Kami’y nagbanlaw nang nagbanlaw hanggang sa kami’y nagpunas nang nagpunas.

Makintab nang muli ang banyo namin!

“Karlo, kunin mo na ang baldeng puno ng maruruming damit. Dalhin mo iyon sa harap ng bahay natin nang tayo’y makapaglaba na.”

“Opo, Mama,” sagot ko sa kaniya.

Paglapag ko ng balde sa harap ng aming bahay ay nakita ko na ring papalapit si Mama. Pagdating niya’y binuksan na ang gripo. Inilagay na rin ang maruruming damit sa isang malaking planggana. Pinatakan na rin niya ng sabon. Sinimulan na namin ang paglalaba. Kami’y nagkusot nang nagkusot. Kami’y nagpiga nang nagpiga. Kami’y nagbanlaw nang nagbanlaw hanggang sa kami’y nagsampay nang nagsampay.

Mababango’t malilinis nang muli ang aming damit!

“Ayan! Tapos na tayo. Tanghalian na rin pala. Sigurado akong gutom ka na, anak!” Natutuwang sambit sa akin ni Mama kahit kaming dalawa’y pagod na pagod na.

“Gutom na gutom na po!” nasasabik na sagot ko sa kaniya.

Ganito kami parati kapag Sabado. Masaya kami ni Mama dahil mas maaga siya natatapos sa mga gawaing bahay.

Dumating ang araw ng Linggo. Walang pasok si Papa. Sabay-sabay kaming kumain ng almusal at nagsimba. Kinabukasan ay Lunes na naman at may klase na ako muli.

Natuwa ako sa unang araw ng klase sa sumunod na linggo. Nagustuhan ko kasi ang itinuro ni Teacher Marnie sa subject naming Science. “Ang dugo ay mahalaga sa tao. Ito ay tuloy-tuloy na dumadaloy sa ating buong katawan. Ito ang nagbabahagi ng mga bitamina at nutrients sa ating buong katawan mula sa mga pagkaing kinakain natin. Ang dugo, kapag lumabas sa ating katawan ay nagiging kulay brown kapag natuyo. Maigi para sa mga kulang sa dugo ang pagkain ng gulay na tulad ng ampalaya. Kung walang dugo, mamamatay ang tao,” alalang-alala ko pa bago umuwi sa bahay.
        
        Dumaan na ang iba pang mga araw ng klase nang may natutunan akong bagong bagay. Palagi kong nagugustuhan ang mga turo sa aming paaralan. Natutuwa ako dahil alam kong magagamit ko aking mga natutunan.
           
     Biyernes nang muli. Tapos na rin ang aming klase. Madali na akong umuwi para madali ko na ring matapos ang aking mga takdang-aralin. Katulad ng dati, sabay kaming natulog nina Mama at Papa pagkatapos ko ng mga gawain sa paaralan.

“Karlo, anak, gising na,” panimulang bati sa akin ni Mama. Dahan-dahan na akong bumangon at inayos ang aming kama ngunit may napansin akong kakaiba.

Mayroong kulay brown na mantsa sa puwestong hinihigaan ni Mama sa kama!

Hindi ko na natingnan pa nang matagal ang mantsa dahil sa tinawag na ako ni Mama para mag-almusal.

Katulad ng dati, naglinis na rin kami ng bahay pagkatapos kumain saka iniabot sa akin ni Mama ang garbage bag. Nang ipinatong ko na sa tapat ng bahay namin ang garbage bag, mayroong nalaglag.

Ito’y isang kulay puting bagay na may mantsang brown din!

Agad-agad akong bumalik papuntang banyo dahil iyon na ang aming sunod na gawain. Papalabas na ng pintuan ng banyo si Mama nang dumating ako roon. “Naku, hintay ka lang muna, Karlo, nakalimutan kong kunin ang ating mga gagamitin.” pagmamadali ni Mama. Pagpasok ko ng banyo, mayroon akong nakita sa aming bowl.

Mayroong halong kulay pula ang ihi ni Mama!

Agad-agad kong binuhusan ang aming bowl hanggang sa mawala na ang kulay. Nakabalik na si Mama sa aking huling buhos. Sinimulan na namin ang paglilinis ng banyo.

Katulad ng dati, pinuntahan ko na ang aming labahan nang matapos kami sa paglilinis ng banyo. Pagbuhat ko sa lalagyan, mayroon na namang nalaglag.

Mayroong kulay brown sa panty ni Mama!

Dinampot ko na ito at inihalo na sa iba pang maruruming damit. Pagdating ni Mama sa puwesto ng aming paglalabhan ay nagsimula na kaming nagkusot hanggang sa magsampay.

Katulad ng dati, kumain na kami ng tanghalian matapos ang mga gawaing bahay. Habang kumakain, nag-isip ako nang mabuti kung bakit mayroong mga kulay brown at pula sa basurahan, sa banyong pinag-ihian ni Mama, sa panty ni Mama at sa puwesto sa kama ni Mama.

Naalala ko ang turo ni Teacher Marnie sa Science.

“Mamamatay na kaya si Mama?” bulong ko sa aking sarili. Tiningnan ko si Mama habang kumakain. Nginitian niya lamang ako. Nag-isip ako nang mabuti kung paano ko matutulungan pa si Mama.

Alam ko na ang dapat kong gawin! Bibili ako ng ampalaya sa tindahan pagkatapos kong kumain ng tanghalian. Gagamitin ko ang aking inipon na pera.

Pagkatapos kong kumain, kumuha na ako ng pera mula sa aking alkansya. Pumunta na ako sa palengkeng malapit sa amin. Bumili ako ng isang napakalaking ampalaya at saka ako umuwi.

Tuwang-tuwa akong pumasok sa bahay. “Ano iyang binili mo, Karlo?” salubong sa akin ni Mama.

“Ampalaya po,” sagot ko sa kaniya.

“Para kanino naman iyan?” nagtatakang tanong sa akin ni Mama.

“Para po sa’yo, Mama. Nauubusan ka na po ng dugo, ‘di ba? Ayaw ko po kasing mawalan ka ng dugo. A-ayaw k-ko po kasi-sing mamatay ka-a. A-ayaw k-ko p-po kasing mawala ka,” patumpik-tumpik kong pagsagot. Umiiyak na pala ako.

Madali akong niyakap ni Mama. “Ano ka ba, Karlo, anak? Bakit mo naman nasabi iyan?”

“Y-yung p-puwesto mo po kasi sa k-kama, may dugo. Y-yung, b-bowl po, yung i-ihi mo p-po, may dugo. Y-yung p-panty mo po, may d-dugo. ‘Di ba po nauubos na p-po yung d-dugo mo?” lalong lumakas ang aking pag-iyak.

“Ahh. Hahaha!” tawa ni Mama. Nagsimula na akong magtaka. “Iyon lang naman pala e!” maluwag na tugon niya sa akin. Unti-unting nabawasan ang aking pagluha. Bakit kaya nakangiti pa rin si Mama?

“Mayroon kasi ako ngayong regla, anak,” paliwanag sa akin ni Mama.

“Regla?”

“Oo, regla. Hindi ba’t napag-aralan niyo na ang cells sa school?”

“Opo. Ito po yung mga bumubuo sa katawan ng mga buhay na bagay katulad ng tao, hayop at halaman,” sagot ko sa kaniya.

“Iba’t iba ang cells sa katawan, Karlo. Mayroong cells na kailangan para sa pagbuo ng baby. Ang pagkakaroon ng regla yung panahong handa na sana ang katawan naming mga babae para magdala ng baby sa loob ng aming tiyan kaya lamang ay walang nasalubong na sperm cells, na galing sa lalaki, ang egg cells na galing naman sa babae. Namamatay ang egg cells na ito at nagiging dugo saka inilalabas ng aming katawan. Normal ito sa aming mga babae.

Hindi pa ako mamamatay, anak. Natural ito sa katawan ng isang babaeng katulad ng Mama mo. Huwag ka nang umiyak, Karlo,” nakangiting sambit sa akin ni Mama. Muli niya akong niyakap.


Gumaan nang muli ang aking loob. Masaya ako at hindi naman pala mamamatay si Mama.

19 February 2013

Afro Zest



Codes. Syntax. Microphones. Headphones. Noise kills. Bug fixes. Fix. Fig. Full. Fury. F. Fuck. Fucker. Fuckers. Fucking  fuck. Fuckity fuckfuckfuck. Frustration. Fail. Failed. Fails. Failure. Failures. Failures. Flail. Frames. Framed. Fool. Fools. Fools! Fuck. Fire. Flames. Frosts. Frozen Flames. Frosted Fire. Faint? Frail. Frails. Free? Free. Foam. Fake! Fakes! Fake. Fume. Fan. Fame. Fantasy. Feint. Fight. Fought. Freeze. Fissure. Friend. Friends. Friends! Friends... Friends? Find. Finds. Floo. Found! Foes. Fades. Feels. Flee. Fleed. Forge! Haha! Fags. Far. Far away. Far far away. Fl u i ddd. Fluent. Futa. Fut-. Fut-. Futang ina. Ugh. Feel. Finite. Forever? Fly. Flies. Sticky. Stick. Ice. Eyes. Feeds. Fed. Fed up. Flamboyant! Fabulous! Faaaaassst...? Frail. Frails. Fuzz? The fuuunds. NOOO. Fuck. Food. Barrels! Working with the barrels all along. Fair, yes? Fair? COLD! Fridge. Farms. FARMERS! FUCKING FARMERS. Fertile? Hindi nga? Fat. Totoo? Fountain. Fountains. Faces. Fields. Figures. Fallacies. Fear. Fences. Faramore! Far amour. Far armor. Family?  Foul. Foggy. Fizz. Flicker. Forget. 

Scenario 3

Guro: E putang 'na, hindi naman sa 'tin galing yun e! 'Di ba? Nanggaling kaya 'yon sa mga E-

(Biglang bumukas ang pinto ng silid.)

Guro: O, ngayon ka lang nalate ah! Sa'n ka galing bata ka? Hindi mo na tuloy maiintindihan yung pinag-uusapan namin. O siya, umupo ka na. Chinese New Year pa man din! Baka malasin ka! Haha!

Mag-aaral: Chinese din po kasi girlfriend ko.

Guro: Ahh, kaya naman pala. Sana mamaya na lang kayo nagcelebrate! Kita mong may klase pa tayo o!

Mag-aaral: Quickie lang naman po e.

Scenario 2

Guro: E putang 'na, hindi naman sa 'tin galing yun e! 'Di ba? Nanggaling kaya 'yon sa mga E-

(Biglang bumukas ang pinto ng silid.)

Guro: O, ngayon ka lang nalate ah! Sa'n ka galing bata ka? Hindi mo na tuloy maiintindihan yung pinag-uusapan namin. O siya, umupo ka na. Valentine's Day pa man din, malelate ka pa, sa klase ko pa.

Mag-aaral: Nagpatirik pa po kasi ako.

Guro: Ng ano? Kandila? May ginunita ka pang death anniversary?

Mag-aaral: Hindi po. Ng mata po.

Scenario 1

Guro: E putang 'na, hindi naman sa 'tin galing yun e! 'Di ba?! Nanggaling kaya 'yon sa mga E-

(Biglang bumukas ang pinto ng silid.)

Guro: O, ngayon ka lang nalate ah! Sa'n ka galing bata ka? Hindi mo na tuloy maiintindihan yung pinag-uusapan namin. O siya, umupo ka na.

Mag-aaral: Tumae pa po kasi ako.

Guro: Naknampucha! Ang tagal mo namang tumae?

Mag-aaral: Wala na po kasing tissue. Naghalungkat pa po ako ng bag at nag-isip kung anong gagawing pamahid sa puwet ko.

Guro: O siya.

Mag-aaral: ...

Guro: Naknam, naiintriga ako kung malinis ba yang puwet mo o kung ano! May nagamit ka naman ba?

Mag-aaral: ... Opo. Yung readings niyo po.

Boss Lady Supladita Underscore 50



Kitang-kita naman ang kalinawan ng pagkakaroon ng hindi umano’y mukhang pagtututulan o pagsasalungatan ng Manaoag Legends at ng Urduja Legends patungkol pa lamang sa relihiyong kanilang pinagmulan. Kung ang Manaoag, bilang isang siyudad sa probinsiya ng Pangasinan ay hitik sa mga kuwento-kuwento tungkol sa rebelasyon o pagpapakita ng Blessed Virgin Mary, isang tanyag na icon at sinasamba ng mga kaanib ng Simbahang Katoliko, si Urduja naman, na mababakas din ang yaring pinagmulan sa Pangasinan, ay isang princess at heroine na may orihinal na pinagmulang Sanskrit. Sinasabing ang Sanskrit ay ang wikang ginagamit panliturhiya ng Hinduism at wikang pang-iskolar naman ng Buddhism at Jainism. Sa panahon ngayon, kahit ang mga Muslim na rin ay nakikipagtalastasan gamit ang wikang Sanskrit. Hindi malalayong ang Urduja, bilang na ring unang-unang nadiskubre ito ni Ibn Battuta na isang Muslim na manlalakbay, ay isang mahiwagang kathang maikakabit sa Islam.

Taliwas sa mga ipinapakitang kagandahang-loob at pagpapakumbabang itinuturo ng mga kuwento tungkol sa Birheng Maria sa Manaoag, si Prinsesa Urduja ay sinasabing isang prinsesang mandirigma. Dito pa lamang, napakalayo na ng tinataglay na mga katangian ng dalawang nabanggit na babae. Kung si Birheng Maria ng Manaoag ay napakadalisay at mukhang ‘di makabasag pinggan sa kabaitan at kalumanayan, si Prinsesa Urduja, kung yayakaping lubos ang katangian niya bilang isang mandirigma ay kakikitaan ng dahas, pagkakaroon ng alam sa buhay, ibig sabihin ay kayang dalhin ang sarili nang hindi umaangkas sa lakas at kapangyarihan ng iba, lalo na ng isang lalaki, kayang makidigma at pumatay, at handang-handa sa kung sinumang lalaban sa kanya. Kung pareho mang kakikitaan ng katangian ng pag-aalay ng buhay, o kahandaang magbuwis ng sariling buhay para sa iba, masusuri kayang pagkakaiba ang sa dalawa, kung sa pareho lang din naman nilang ibinubuwis at iniaalay ang kani-kanilang mga buhay para sa diyos at kapwa nila? Kung magkaiba lang din naman ang kanilang mga paraan sa paghahayag ng pagtatanggol sa paniniwala, maaari na rin sigurong pansinin ang ganitong mga pagkakaiba. Sinasabi rin kasing si Prinsesa Urduja ay isang mandirigmang personal na kumuha ng kanyang sariling bahagi sa pakikipaglaban at naghahamon pa nga ng mga duwelo mula sa mga kalabang mandirigma. May mga nagsasabi pa ngang ang tanging pakakasalan lamang ni Urduja ay ang lalaking makatatalo sa kanya sa pakikipaglaban. Maraming mga manliligaw na mandirigma ang natakot nang lumapit pa sa kanya dahil sa pangambang maipahiya.

Ang ganitong imaheng ipinapakita ng prinsesa, na lubhang salungat sa ipinapakitang imahe ng isang babae na naimpluwensiyahan ng Simbahang Katoliko, ay nagsasabi lamang na hindi nagkaroon noon pa ng diskriminasyon sa pagitan ng mga kasarian, bago pa man dumating ang mga Espanyol na mananakop. Sayang din lang kung nabura ang maganda na sanang ipinakikilalang kaugalian at moral na pagtanggap sa kapwa-tao, kahit na iba-iba pa man ang bawat kasarian ng mga sinaunang Pilipino, dahil na rin sa pagyakap ng nakararami sa ipinakilalang relihiyon ng mga prayle.

Gayunpaman, mayroon pa rin namang pagkakapareho ang Birheng Maria at si Prinsesa Urduja. Kapwa naman sila mayroong representasyon sa mga lugar na nadaanan o pinangyarihan ng kanilang mga kuwento. Sa probinsiya ng Pangasinan, ang gusaling capitol sa Lingayen ay pinangalanang Urduja Palace. Mayroon ding estatwa ni Prinsesa Urduja na nakatayo sa Hundred Islands National Park doon din mismo sa Pangasinan.

Si Xiao

Kinailangan kasi naming mag-interview ng isang batang nais naming kuwentuhan kung saka-sakali. Ito yung profile na nabuo ko. Hindi ko dineretsa ng mga tanong katulad ng katangahang ginawa ni Ricky Lo kay Anne Hathaway - 'pakabobo mo, hungkag. Huwag ka nang mag-iinterview nang gano'n ah? Matuto ka munang makipag-usap. Magpraktis ka muna sa bata para matuto ka. Tulad ng ginawa ko kay Xiaoyu, parang kinakausap ko lang siya, tapos pabato-bato ng napakadadaling mga tanong. Mga tanong na may sagot. Mga tanong na hindi awkward. Mga tanong na masarap sagutin kahit hindi na tayo bata pa. Tinype ko lang lahat ng sinabi niya.

Xiaoyu's Profile:



Daddy: Christopher Miguel Guno
Mommy: Reilyn Mae Castro
Child: Xiaoyu Lee Castro

Birthday: May 30, 2008
Edad: 4
Pagkain: chicken at tsaka taba
Gulay: sayote
School: prep
Toys: Barbie, butterfly na barbie, lutu-lutuan
Cartoons: Oggy and the Cockroaches, Fairly Odd Parents, Mr. Bean
Bumasa: hindi pa
Hobbies: drawing, TV
Color: violet, purple, pink, lahat

Anong ginagawa mo sa school: Nagsaslide sa school ko na malaki. Sa malaking slide. Gumagawa rin ako ng sand castles. Naghahanap ako ng ibang damit.

Anong ginagawa mo sa bahay: Naglalaro kasama si Kyle. Naglalaro kami ng barbie and butterflies. Naghide-and-see (hide-and-seek).

Anong gusto mo paglaki: Gusto ko maging doctor at tsaka maging pulis. Gusto kong magwalis paglaki.

Lugar: Gusto kong pumupunta sa SM tsaka sa pagsakay sa motor ni Daddy. Gusto ko palaging pumapasok.

Gusto ko palagi paikot-ikot magtrolley. At tsaka palagi ako nagbabike. Gusto ko palaging naglalaro kami ni Kyle. Takot ako kay Chuckie. Takot ako sa multo. Hindi ako takot sa ipis. Takot ako sa daga. Ayaw kong kinukulit ako. Ang gusto ayaw ko na umuupo ako. Mahilig ako sumigaw, kumanta at magballet-balletan. Gusto kong kinakanta ang That What Makes You Beautiful, Call Me Maybe, at One Thing. Ang paborito kong animal ay cat and dog. Mahilig ako magtakbo kahit pinapagalitan ako at maysakit ako. Ang paborito kong damit ay dress. Ang paborito kong dress ay color pink and purple and blue and grey.

Xiaoyu Lee ang pangalan ko kasi favorite ng daddy ko si Xiaoyu sa larong Tekken.

Mga Bahagi ng Pananalita ng Wikang Tagalog



Sinimulan ang The Parts of Speech in Tagalog: A Reexamination sa kung paano nga bang nagkaroon ng mga panimulaing pag-uusap tungkol sa paghahati sa mga salita o ang pagkakaroon ng iba’t ibang grupong makapagkaklasipika sa mga salita ng isang wika batay sa kanilang pare-parehong katangian. Ang usapin daw na ito ay maaaring  sumibol sa pag-uusap tungkol sa Language Universals o yung mga bahagi ng lahat ng wika sa mundo na puwedeng ikonsiderang pagkakapare-pareho nila. Halimbawa na lamang na ang lahat ng wika sa mundo ay hinding-hindi mawawalan ng mga pangngalan at pandiwa. Nang simulan na ng mga unang nag-aaral sa wika ang ganitong mga salita, nagsimula na rin ang paghahati-hati sa kanila.

Ang unang-unang paghahating ginawa sa wika ay unang beses daw ginawa ng mga sinaunang Griyego sa kanilang wika. Klinasipika nina Aristotle at Plato ang sinaunang wikang Griyego sa dalawang grupo: bilang mga pangngalan at bilang mga pandiwa. Hanggang sa tagal na ng panahon, dumami na rin ang mga lingguwistang nag-aral at nagsuri sa mga posibleng pagkakatulad ng mga wika hinggil sa mga bahagi nga ng kanilang pananalita. May mga nagsasabing kailangang nasa loob mismo ng isang pangungusap ang isang salitang tinutukoy pa ang kanyang kinabibilangang pangkat. May mga nagsasabi ring hindi rin naman pupuwedeng parating may mga katabing salita pa ang isang salita para lamang masabi agad kung anong uri ng salita ito. Kailangan din naman daw na magkaroon ng mga depinisyong makapaglalarawan sa mga salitang ito at posibleng makapagbigay-kahulugan batay nga sa kanilang gamit nasa loob man o wala sa isang pangungusap.

Isinunod na rin ang kaso ng pag-aaral ng Tagalog ng mga prayleng Espanyol sa Pilipinas bilang pangunahing hakbang sa pagsakop ng pag-iisip ng mga sinaunang Pilipino. Dahil nga sa inaaral nila ang wika ng mga katutubo noon, kinailangan nilang bumuo ng mga diksyunaryo para hindi na mahirapan pa ang mga susunod nang prayle o maipadala na ang mga nasabing diksyunaryo sa bansang Espanya para maaral na agad ng mga ipadadalang prayle ang wika ng kanilang masasakupan. Natural lamang, bilang mga diksyunaryo, na hindi lamang ibigay ang kahulugan ng isang lahok kundi maibigay na rin kung anong bahagi ito ng pananalita. Mula kina San Jose, Totanes at Coria, magkakaiba man ang bilang ng dami ng bahagi ng pananalita sa kani-kanilang mga listahan, nagkaroon pa rin ng pagkakatulad sa mga ito - Ang mga salita raw sa wikang Tagalog ay naglalaman ng dalawang pangunahing klasipikasyon: ang mga ugat at ang mga panlapi. Oo, sinimulan ng ilang mga prayle na isama ang mga panlapi bilang malaking bahagi ng pananalita pero sa haba ng panahon ng pag-aaral din ay tinanggal na sila at mas lalo pang isinapangkat ang mga salita sa Tagalog. Gayunpaman, naroon pa rin ang matinding pagtingin sa paglalapi bilang isang napakalaking bagay sa Tagalog. Maaaring makatulong ang madaling pagtukoy sa bahagi ng pananalit dahil sa mga panlaping nakakabit sa isang ugat. May mga nagsasabi pa ngang lahat daw ng mga salita, kung gagamitin sa wikang Tagalog, ay maaaring maging pandiwa.

Maraming lingguwista ang nagpresenta ng kani-kanilang mga listahan ng mga bahagi ng pananalita ng wikang Tagalog. Mayroon din, katulad ni Cecilio Lopez, na nagklasipika sa mga panlapi. Hanggang sa ibinuod ng chapter na mula sa pag-aaral ng mga prayle hanggang sa mga ipinresenta ng mga lingguwista noong 1971 ay nagkakaroon pa rin ng nagbabanggaang mga ideya ngunit makikita pa rin daw ang malaking gamit ng mga lapi sa Tagalog. Mayroon pa ngang nagsabi na ang mga salitang ugat ng mga tinukoy na bilang pandiwa, pang-abay at pang-uri ay maikokonsidera pa ring mga pangngalan.

Ayon naman kina Schachter at Otanes sa kanilang Tagalog Reference Grammar, sinimulan nila ang kanilang pag-aaral sa mga bahagi ng pananalita ng Tagalog sa paghati ng isang simpleng pangungusap. Nauuna raw madalas ang panaguri, mapanominal man, adjectival o verbal ito, saka susundan ng simuno. Ipinakilala na rin nila ang pagiging marked at ‘di marked ng isang nominal na bahagi ng pananalita. Sa bahaging adjectival naman, una rin siguro nilang ginamit ang pagiging abstract ng isang ugat na pang-uri hinggil sa mga panlaping maaaring ikabit dito. Maganda rin naman daw ang ganitong pagtingin sa paghahati ng mga salita sa Tagalog ngunit matindi naman daw ang pagkakakabit ng mga ito sa kung paanong ginagamit ang isang salita sa loob ng isang pangungusap. Katulad ng nabanggit kanina sa itaas, kailangan pa ring magkaroon ng depinisyon ang bawat bahagi ng pananalita. Idinagdag na rin dito na ang mga laping nakakabit sa isang ugat ang siyang madaling makatutukoy sa kanyang bahagi ng pananalita hanggang sa tinapos na nga ang chapter sa pagsasabi na ang wikang Filipino (Tagalog) ay may kayamanan sa paggamit ng kanyang mga panlapi.

Natakot ako habang nasa kalagitnaan pa lamang ng pagbabasa ng ibinigay sa aming chapter dahil sa iba’t ibang opinyon ng maraming lingguwista hinggil sa pagpapangkat-pangkat ng mga salita ng Tagalog. Hindi na nga sila nagkatulad-tulad sa ilang mga aspeto, nagmumukha pa silang mga tama lahat! Kung baguhan ang isang mananaliksik, katulad ko, sa ganito kalalalim na mga pag-aaral sa wika, kinakailangan pa niyang pumili ng kanyang papanigang may-alam. Nagmumukhang nagsasagutan lang din ang bawat pagpepresenta ng kanilang mga listahan ng mga pagpapangkat sa mga salita. Tila, sa kanilang sariling mapalihim na paraan, sinasabi nilang sila ang sundin at huwag ito dahil sa iyon ay mali. Bakit nga ba inilagay ng awtor ang mga ito kahit na nagbabangga-banggaan ang kanilang mga ideya? Maaaring isang dahilan nito ay ang pagkakaroon ng mga punto ng bawat lingguwista. Halimbawa na lamang ay ang pagpapakilala ng mga bagong konsepto katulad ng Functors at Contentives na nang naglao’y naging Function Words at Content Words na. Mula rito ay sumibol na naman ang pagdedebate kung ang panghalip nga ba ay ibibilang sa Contents o Functions. Nariyan din ang Lexemes at Morphemes, ang pagiging marked ng isang pangngalan, at pagiging abstract ng isang pang-uri. Bawat ipinepresenta ng isang mananaliksik ay nakapag-aambag ng mga panibagong konsepto na maaaring makatulong sa pag-aaral ng mga susunod pa. Hindi lamang ang mga ito na simpleng pagtanggi lamang at pag-angat ng sariling pangalan sa larangan bilang pagsira sa mga nauna. Hindi ito mga pagpilit ngunit mga mungkahing may mga katulong na patunay.

Kung para sa akin din man lang, sana’y nagkakasundo sila sa mga ito ngunit hindi ko naman masasabing magkakakilala silang lahat at may sari-sarili naman silang mga pananaw at pagtingin sa mga salita. Kung magiging ganito din man lang, sa pagiging kanya-kanya, bakit pa isinusulong ang ganitong pag-aaral kung hindi makapagpreskriba nang maayos at nang hindi nagkakaroon ng malalaking pagkakaiba ang  kanilang mga listahan? Magandang bagay na rin sana na kung suportado nang maayos ang isang mungkahi at napapatungan na nito ang isa pa, hindi ba maaaring huwag nang isulong ang isa pa? Pero tulad nga ng nabanggit kanina, nasa ibat ibang taon naman nabuhay ang mga lingguwistang ito. Ngunit may mga naibabalik pa ring konsepto kahit na may nasimulan nang bago. O maaari ring hindi pa nababasa ng isa ang ginawa ng isa nang simulan niyang isulat ang kanya.

Maganda ngang matukoy nang maayos ang mga bahagi ng pananalita ng mga salita ng isang wika dahil kasama ito sa pag-iistandardisa niya. Ang pagpeprescribe nang maayos at detalyado ng mga katotohanan sa isang salita ay makatutulong sa mas mabilis na pag-intindi para sa mas mayamang paggamit sa wikang Tagalog. Ibig sabihin, para sa akin ay ang ganitong mga pag-aaral ay makatutulong sa pag-unlad ng madaling komunikasyon dahil sa iisa at madaling maunawaan ang iniisip ng mga taong gumagamit ng mismong wika dahil sa gamay nila ang paggamit ng mga salita sa isang pangungusap at paglalaro na rin sa mga ito dahil sa kasanayan sa paggamit ng mga panlapi. Kung mas mapaglalaruan ang mga salita, hindi lamang bibilis ang daloy ng pag-uusap ng mga tao kundi mas yayabong ang imahinasyon ng mga tao pagdating sa kanilang pag-iisip sa mga bagay-bagay. Para sa akin, saka lamang nagiging mas makulay mag-isip at magsalita ang isang tao kung gamay na gamay na niya ang kanyang wika, at malaki ang maiaambag nito sa madaliang pagtukoy sa kung anu-ano nga bang mga salita ang kanyang mga ginagamit. Naeehersisyo ang pagkamalikhain sa mga salita nang hindi lumalayo sa sintaktika at semantikang paggamit sa mga ito.

Sa huli, mananatili pa rin ang mga bagay na pinaniniwalaan ng mararami, hindi lamang ng mayorya ng populasyon kundi ng mga nakapag-aral nang marami. Ang mga nasa akademya lang din naman ang mga maaaring may pakialam sa ganitong mga usapin, o sa mga nag-aaral lamang ng wika, kultura at lipunan ng Pilipinas. Gayunpaman, para sa aki’y sana’y maipakilala na nang maayos sa elementarya ang ganitong mga konsepto sa lingguwistika nang sa gayon ay kahit wala na silang pakialam sa ganitong mga usapin sa pagtanda nila, nananatili pa rin kanilang mga kubling-malay ang wastong paggamit sa mga salita.

14 February 2013

Happy Balentayms Day!

Araw na naman ng kakornihan. Pero okay lang, para pasok pa rin 'tong korni kong post. Ano nga bang sasabihin ko pa, e lahat naman na yata ng kakornihan e alam na ng lahat ng mga jejelogs. Bakit ba kasi ang lalaki ng mga sapatos at sumbrero nila? May ilan din namang hindi sa panlabas na kaanyuan nagpapapansin, katulad ko. Mga pamimilosopong pagpapapansin. Kilala mo sila? Kilala mo yang mga yan. Nagkalat sila dati sa GMs sa texts, ngayon, sa internet. May isa lang talagang nakairita sa akin. Sabi niya kasi, bakit pa raw may Valentine's Day, e maaari naman daw magpahayag ng dinaramdam sa taong ninanais sa kahit na anong mga araw. Sabi ko sa isip ko, e tang ina mo ba? Mahirap nang sumira ng binuong kultura (kahit na hindi naman sa 'tin originally nanggaling ang konseptong ito). Halatang ampalaya ang peg ng mangmang na ito. Alam mo kung bakit? Alam mo yan. Alam kong alam niya rin ito. Bakit? Kapag Pasko lang ba puwedeng magregalo? Kapag Undas lang ba puwedeng pumunta sa patay? Nakasisira kayo ng ulo. Puwede ba, huwag kayong hungkag masyado? Mahirap nang bumasag ng nakagisnang kalinangan. Hindi rin madaling bumuwag ng nakasanayan. Huwag KJ para lang mapansin. Minsan, yung pamimilosopo natin, itago na lang sa sarili muna kung 'di naman talaga gano'n katibay. Nababasag kayo e. Maraming espesyal na araw na puwede namang sa iba. Maraming nakaugaliang gawaing maaari rin naman sa ibang araw. Mahalaga na ring mayroong mga pagpapaalala, katulad ng Valensayns Dei, na may iba't ibang bagay pa ring pupuwedeng makapagpagunita sa isang tao. At isa na ro'n ang paghahanap ng taong walang tigil niyang ililibre hangga't sila pa.

09 February 2013

Sa Pagpaplano

Alam naman na siguro nating lahat na napakahalaga ng pagpaplano. Maraming na ngang nag-ooveruse ng kasabihang kapag nasawi kang magplano, nagplano ka nang masawi. Ang hirap din naman kasing hindi dire-diretso sa isang bagay na dapat ay tuluy-tuloy na ginagawa. Yung ibang tao, may planners. Yung ibang tao, pinipilit na lang tandaan, baka sakaling maalala. Yung iba, feeling nila sobrang galing nila kaya dinaaraan na lang lahat sa tsambahan. May mga nag-aaral bago mag-exam. May mga nagpaplanong magcram. May mga pinag-iisipan ang mga sasabihin sa ligawan. May mga stalkers. May mga nagbabasa ng walkthroughs. May mga nagrerestart. Pero lahat pa rin talaga ng plano hindi nasusunod. Nakababad trip na ganito pero nakatatakot ding kaligtaan.

06 February 2013

Kapag Fuck This Shit Na Talaga

Lasing ka lang. Hindi ka na nag-iisip. Halos wala ka nang maaalala. Wala ka nang hiya. Walang-wala ka na.

05 February 2013

Kapag Fuck This Shit Na

Ito ang mga pagkakataong wala ka nang pakialam sa kahihinatnan ng mga desisyon mo o alam mong walang kabuluhan na ang mga pinaggagagawa mo o may hinuha ka nang hindi kaaya-aya ang kahahantungan ng iyong mga balak. Ito yung pakiramdam na mayroon kang napakalubhang sakit pero sige ka pa rin sa katatrabaho. Ito na yung panahong iniwan ka ng kasintahan mo kasi mayroon siyang iba pero kailangan mo pa ring ipush ang thesis, reports and projects mo. Ito na yung pagpapatuloy pa rin sa ipinagpalibang mga gawain kahit na naubos na ang lahat ng ari-arian mo, ng dignidad mo, ng kasarian mo, ng dangal mo. Ito yung bumubulong sa iyo na wala ka nang kuwenta. Ito na yung pinipilit mo pa ring makisalamuha sa mga taong kagalit mo sapagkat wala ka nang iba pang pagpipilian. Ito yung mga panahong marami kang gustong pagbintangan dahil in denial ka pa ring kasalanan mo naman talaga. Madalas, si Batman ang sasaklolo. Yung iba naman, tadhana at dasal. Hindi ito ito na talaga. Ito'y ito na lang talaga.

02 February 2013

Ampon Ako

Hindi ko maintindihan ang mga tao. Noong nalaman kong ampon ako, parang okay pa rin naman sa akin. So what? E lumaki ako. May nagpalaki sa akin. Hindi ba masuwerte ako? Napakatanga naman ng mga taong naghahanap ng "totoo" nila'ng magulang. Bakit? Ano ba talagang ibig sabihin ng magulang? Iyon lang ba yung pisikal na bumuo sa 'yo dahil sa libog at pag-ibig? Sa libog o pag-ibig? Hindi ba tunay na magulang ang nagpalaki sa 'yo? Nagturo, nagtiis, naghirap, nagsakripisyo, naglaan ng oras para sa iyo? Napakakakapal naman ng mukha ng mga batang hinahanap pa ang "tunay" nila'ng magulang. Feeling niyo maganda parati pinapakita sa TV? Kung totoo lang sa totoo, wala akong karapatang balewalain lahat ng ginawa sa akin ng mga magulang ko. Wala akong ibang magulang. Wala nang paghahanap sa iba pang totoo.

01 February 2013

Isang Thought Ngayong Buwan ng Pebrero

Sabi nung isa ko'ng prof, may dalawang uri ng taong hinding-hindi kayang magsinungaling. Yung isa, yung lasing. Yung isa naman, yung in love. Paano pa yung lasing na in love? Pero minsan kasi, 'pag lasing ka, parang napakavulnerable mo sa maraming aksidente. Nakakatakot din. Kapag good vibes ka ba sa crush mo, susubukan mo pa bang yayain siya na uminom?

Pauwi Na Kasi Yung OFW Kong Tatay

Susunduin na namin ngayon yung tatay ko sa airport. 10:30 pa raw approx darating ang airplane ni Tatay kaya lang, syempre, mabuti nang maaga kaysa late. Maigi nang sobra sa oras kaysa kulang. Narito kami ngayon sa kotse. Iniisip ko pa rin kung bakit ko sinimulan 'tong post na 'to. May gusto kasi akong sabihin kaso ang hirap nang magsegway sa walang kuwentang intro. Natagalan nga ako sa pamagat tapos kapag nagsusulat na ako nang tuluy-tuloy e nakatatamad nang magproofread at ayusin ang daloy. Hindi nga pala namin kasama ngayon si Lei. Parang pinapili ko kasi siya kanina kung sasama siya sa pagsundo sa airport o tutuloy siya sa pagtambay sa inaapplyan namin'g org. Tinanong ko siya, makailang ulit. Ramdam ko naman yung gusto niya ring sumama, at ramdam ko rin yung katamaran niya sa pagtambay. Pero bakit pinili niya pa ring tumambay? Minabuti ko na lamang na huwag magalit kasi parang ang panget naman din lang kung napilitan lamang siyang sumama sa amin kahit na napilitan lang din siyang tumambay sa tambayan ng org. Labo minsan ng mga tao no? Minsan nga, nilalagay ko yung sapatos ko sa refrigerator pagkahubad ko nito pagkagaling sa biyahe. Tatatlo lang tuloy kami ngayon nina Michaelle at Kuya. Kahit na ganito, kung ako man ang ipupuwesto sa mga sapatos ni Lei sa ngayon, pipiliin ko na lamang sumama sa pagsundo sa daddy niya.

Kapag Nagsi-CR sa Labas

Pagbukas mo ng pintuan ng cubicle sa CR ng pinagkakaabalahan mo'ng mall, nakita mo na may tae. Tae. As in yung color yellow, mahahaba, putul-putol. Parang hiniwa pa talaga nang pantay-pantay ng butas ng puwet niya. Ang hirap naman daw kasi tumae ng isang sobrang habang tubol. Para magkasya na rin sila, at para na rin siguro napanonood mo silang nagsuswirl sa inodoro. Umatras ka na lamang at lumipat sa ibang cubicle. Pero bakit? Bakit ka nga ba nandidiri sa tae ng iba? Tapos sa tae mo e inaamoy mo pa pagkalaglag nito sa tubig. Tapos tinitingnan mo rin itong magswirl bago iflush. E pareho lang naman silang tae. Hindi naman sila nakakabit sa katawan, inilabas nga e. Parehong nakahiwalay, magkaiba lamang ng pinanggalingang large intestines. Pero bakit gano'n ka pa rin makitungo sa tae ng iba?

30 January 2013

Kapag Iba ng Crush ng Crush Mo

Paano na lang kung hindi ka crush ng crush mo? Hindi ko pa nababasa ang aklat ni Ramon Bautista. Ayokong basahin iyon, title pa lang. Halatang pang-mga-weak lamang iyon. Pambobo. Pang-walang-lakas-ng-loob. Pang-atras-bayag. Wala. Hindi puwedeng isabak sa giyera. Mabagal kumain, mag-isip, makibagay, kailangan pa ang iba. Hindi talaga puwede. O baka napaparanoid ka lang? Exaggerated ka rin kasi minsan mag-isip. Mahirap 'di ba? Tang ina. Minsan, masaya maging single. Napapayagan sa sarili ang maraming bagay. Ang mga hinahanap naman ng mga single, minsan, pinagsisisihan na rin ng mga taken. Baliktaran lang din. Parang batang gustong tumanda at matandang gustong bumata. Nagkakalimutan. Kanya-kanyang pagsisisi. Parating may hinahanap-hanap.

Advices?

Tiyak, dumaan ka na sa pagkabagot sa buhay. Nasabi ko 'to dahil unang-una, nasa page ka na ito. Pangalawa, well... wala na palang pangalawa. Pero alam kong nabagot ka na rin sa buhay. Alam kong napagod ka na rin minsan at nagtanong sa mga ulap kung ano nga ba talagang silbi mo. Yung iba, nagsasound trip. Yung iba, naglalaslas. Yung iba, tumatalon sa building, kasi may photoshoot, jumpshot, hindi yung iniisip mo. Maraming panrelieve ng stress, puwedeng yosi, beer, laro, jakol, salsal. Ako, nagsusulat. Yung iba, nanonood. Pero minsan, kapag hindi mo na talaga kaya, alam kong kumakapit, este... lumalapit ka sa iba. Nagtatanong ka sa maraming tao kasi hindi pa sa 'yo okay yung iisang advice. Gusto mo, marami. Tinitimbang mo na lang kung alin ang mas maraming beses na mauulit na advice at iyon na lamang ang susundin mo, which is mali. Nasa 'yo pa rin ang huling desisyon, laging tandaan. Wala sa mga kanta, sa blade, sa camera ang tunay na mga sagot. Wala sa nicotine, alkohol, o experience points. Wala rin sa akin, at sa iba. Gabay lamang ang lahat ng mga ito para humantong ka sa sagot, sa totoong sagot, dahil sa huli, ikaw lang ang makapagsasabi kung sino ka ba talaga, kung bakit ka nga ba nandito sa mundo, kung bakit umabot ka sa page na ito, kung totoo nga ba ang lahat ng sinasabi ko.

Red pants... not so good ~

Ilang Teorya Kung Bakit Kulot Ako

Minsan, naitanong ko na sa sarili, "Bakit nga ba ako kulot?" Hanggang sa sundan pa ito ng kung paano ako naging kulot kasi straight naman ang buhok ko noong elementary hanggang first year high school. Bakit kaya? Syempre, ang unang isasagot ko yung e kasi kulot din yung nanay ko. Namana ko sa kanya. Pero bakit nung 3rd year high school lang ako naging kulot? Wala na rin akong balak pang igoogle. Pero bakit nga kasi gano'n? Pinilit ko pa ring sagutin. Baka naman kasi mahilig ako mag-gel ng buhok nung elementary. Oo, yung pampatigas, ng buhok. Handful. Tapos tumigil ako maglagay pagtuntong ko sa high school. Baka 'yon? Baka lang naman. Baka naman kasi mahilig ako noon magsumbrero, kahit nasa loob ng bahay o classroom noong elementary? Pinilit kasi ako ng nanay ko na ipakalbo. Puwede naman kasi noon sa elem. Tapos syempre, maraming bully, kahit na ako ang pinakamatalino sa amin, napagtitripan ang panlabas, napipilitan akong magsumbrero, kahit habang nagkaklase yung teacher. Wala naman silang magagawa, ako lang naman yung tatawagin nila kapag wala nang makasasagot sa tanong nila. Tapos pagagalitan pa nila ako 'pag nakasumbrero ako? Ayun, hanggang sa namamawis yung ulo ko at hindi ko pa rin tinatanggal yung sumbrero. Hanggang sa kahit humaba na ulit yung buhok ko, nasanay na rin akong magsumbrero, na tumigil din noong high school. Tang ina, nag-gel dati tapos sumbrero. Barbero. 'Kala mo naman may epekto. O baka naman tamad akong magsalamin noon. Oo, nag-gegel ako nang walang sala-salamin. Ang weird nga e. Saka lang ako nagsasalamin kapag nagbubutones na ako ng polo, para malaman ko agad kung pantay. Pagkatapos no'n, gora na. Wala nang sala-salamin pa. Tamad talaga akong magsuklay, maski pa bago umalis ng bahay, pagkaligo, pagkaahon sa swimming pool, pagkagaling sa bugbugan, sa commute, sa laro, sa tulog. Wala akong pakialam dati sa buhok ko, hanggang sa humaba na ito nang humaba, este, lumago nang lumago. Saka ko lang napansin, na kulot pala ako, payabong, payabang. Mayabang ako. Kasi naranasan kong maging straight ang buhok at kulot. Pero magkasunod. At walang bayad. 

OFW ba ang Magulang Mo?



Ang maikling kuwentong Siya ba ang Inay ko? ni Segundo D. Matias, Jr. ay tumatalakay sa mga magulang na nagtatrabaho bilang OFW’s. Dagdag pa rito, ang nanay ng bidang si Carla ay hindi lamang iisa ang trabahong binabalikan kundi sa kanyang bawat pag-alis ay nagkakaroon siya ng trabahong iba sa pinanggalingan niya na trabaho, napupunta siya sa bansang iba sa pinanggalingan niya na bansa. Ang pagiging OFW man ng isang magulang ang nagmukhang pangunahing usaping maaaring mapansin ng batang mambabasa, may ilan pa ring isyu sa lipunan na nakapaloob sa akda ang nais ko sanang punahin maya-maya. Nais ko na munang unahin kung sa aling edad ng isang bata maaaring ipabasa ito at maunawaan na ang nasabing maikling kuwento.

Sa tingin ko, pasok sa mga edad apat hanggang lima, batay na rin sa mga development na inihain sa amin noong huli naming pagkikita, ang mga maaarin magbasa ng kuwento. Para muna sa Cognitive Development ng isang bata na maaaring itulong ng kuwento, binanggit sa ikalawang bahagi na nadaragdagan ang kakayahan ng bata na ihanay ang isang bagay sa kanyang kinabibilangang pangkat batay sa nakikita ng bata na mga katangian nito. Kung si Carla ang titingnan, ang kanyang pagtatanong sa sarili ng kung nanay niya ba talaga ang sinusundo nila sa airport ay makikitaan ng kanyang pagbabase sa hitsura nito. Hindi naman sa mga bagay na walang buhay lamang makikita ang ganitong development kundi makikitang bumabagay rin ito sa pagtingin ni Carla sa nanay niya na paiba-iba ang balat at istilo ng buhok. Dagdag pa rito ang muling pagtatanong sa kanyang sarili kung bakit ang mga nanay ng kanyang mga kalaro ay gumagawa ng mga bagay na hindi ginagawa ng kanyang nanay. Lalo pang napatindi ang tanong sa kanyang isipan dahil hindi lamang sa panlabas na kaanyuan nakabase ang pagiging ina, para sa kanya, kundi sa mga gampanin na rin nito sa kanilang pamilya, sa kanya. Binanggit din sa ikatlong bahagi ng Cognitive Development ang pagpapakilala ng konsepto ng oras sa bata at nagsisimula raw ito sa konsepto ng “ngayon” at “bago ngayon” na mapapansin din sa pabagu-bago ng hitsura ng nanay ni Carla.

Sa Language Development naman, mula sa ikatlong bahagi, tinalakay ang paggamit ng isang bata sa mga tanong na bakit at paano, na kitang-kita naman kay Carla. Itinatanong niya kung bakit paiba-iba ng hitsura ang kanyang nanay at kung bakit hindi niya (nanay) ginagawa ang mga ginagawa ng mga nanay ng mga kalaro niya, at kung paano nangyayari ang mga ito hanggang sa bumabalik siya sa kanyang pangunahing tanong na kung siya (nanay) ba talaga ang nanay niya.

Sa bahaging Social Development naman, sa pangatlong bilang nito nakasaad ang paminsan-minsang paglalaro ng isang bata nang mag-isa ngunit nagsisimula nang kumilos nang walang kasama. Kung babalikan ang kuwento, sa pakikipag-usap sa kanyang mga kalaro niya nalamang hindi kagaya ng kanayng nanay ang ibang mga nanay. Dito na siya nagsimulang kumilos at tanungin nang paulit-ulit ang sarili kung totoo niya nga bang nanay ang umuuwi sa kanila. Kapag niyayaya siya ng kanyang nanay na sumabay sa kanyang ginagawa, iniiwasan niya lamang ito. Hindi niya ito nakuha dahil sa inutos sa kanya ng kanyang mga kaibigan, ni hindi itinanong muna sa kanyang tatay ang kanyang problema. Nagkusa na muna siyang kumilos sa kanyang sarili, mula sa naunawaan niya mula sa pagsusundo sa airport hanggang sa pakikipaglaro, bilang tugon sa tanong niya. Sinagot na niya sa kanyang sarili: Maaaring hindi niya nanay ang nagyayaya sa kanya. Mabuti na lang, nasagot ito nang maliwanag nang papaalis nang muli ang kanyang ina. Nang yumuko si Carla at umiling nang humingi ng huling yakap ang kanyang nanay, nagsimula na itong magsabi na siya ang kanyang nanay at umaalis siya patungong abroad dahil sa kailangan ng pamilya nila ng dagdag na pera, hanggang sa unti-unti nang nasagot ng kanyang ina kung bakit paiba-iba siya ng hitsura at kung bakit hindi siya kagaya ng ibang nanay. Sa pang-apat na bilang ng nasabing development, sinabi na nadaragdagan ang pagwawari ng mga tungkol sa iba’t ibang papel ng mga tao na kanilang ginagampanan – sa pagkakataong ito ay ang mga naging trabaho na ng nanay ni Carla na maging domestic helper, trabahador sa pabrika, saleslady, at isa pang trabaho sa loob ng isang ospital. Naipakilala na kay Carla na hindi lamang nakadikit sa gawaing bahay ang mga nanay ng pamilya. May mga nanay, katulad ng sa kanya, na lumalabas ng ibang bansa hindi para gawin ang ginagawa ng mga nanay ng mga kalaro niya kundi gampanan ang iba pang maaaring papel nila sa lipunan, para sa kanyang pamilya.

At sa huling bahagi, ang Personality Development, nabanggit sa ikalawang bahagi na pinauunlad ng mga bata ang kanilang kakayahang bitbitin at tugunan ang kanilang mga sariling emosyon gamit ang kanilang sariling produktibong paraan. Nabanggit na nga kanina pa kung paanong tinugunan ni Carla ang kanyang nararamdamang alinlangan sa kanyang ina sa pamamagitan ng hindi pagpansin dito. Kakabit na rin ito ng ikaapat na bahaging tumatalakay sa likas na pagbibigay ng motibo sa kanyang sarili, base na rin sa kanyang mga nakikita at naririnig. Sinabi rin sa ikalimang bahagi na kinakailangan ng isang bata ng mga kapaligirang matiwasay at ligtas, na kung titingnang ulit ang kuwento, naibigay naman sa huli ng kanyang ina dahil sa pagsagot nito sa kanyang bumabagabag na tanong, hindi man niya ito direktang sinabi sa kanyang ina.

Kung babasahin ang kuwento ng isang batang nasa edad na apat hanggang lima, maaari na niya itong maunawaan, lalung-lalo na kung parating umaalis ang isa sa kanyang mga magulang, o puwede ring pareho. Mula sa unang uri ng development, hindi na lamang naididikit sa mga bagay na walang buhay ang pagkaklasipika ng isang bata kundi pati na rin sa tao. Makatutulong ito sa pagtingin niya sa mga bagay-bagay na kahit iba-iba ay may pagkakapareho rin. Natatakot lamang ako dahil sa doon sa bahaging tinatanong ng mga kalaro ni Carla na kung bakit hindi gumagawa ng mga gawaing bahay, ‘di tulad ng ibang nanay, ang kanyang nanay. O dapat ba akong matuwa dahil ipinakilala na sa bata na hindi lamang nakadikit sa kasarian ng isang tao, sa ganitong kaso ang pagiging ina, ang kanyang mga maaaring gawin? Naisama na rin dito na nagsisimula nang makilala ng isang bata ang pagtingin sa oras dahil sa mga konsepto ng “ngayon” at “bago ngayon”. Natatanggap na rin ng mambabasa ang paggamit ng mga tanong na bakit at paano, na may ganito palang mga tanong o kaya’y alam niya na ang mga ito bago pa man niya buklatin ang akda at nadaragdagan ang mga paksang maaari nilang tanungin. Halimbawang hindi na lamang sa mga bagay sa labas, kundi sa loob mismo ng kanilang mga pamilya: kung paano nagkakaroon ng pera ang kanilang mga magulang at kung bakit iyon ang mga napiling propesyon ng kanyang mga magulang. Makakaugnay rin ang batang nagbabasa sa pagkakaroon ng mga kalaro at pagsagot sa sariling mga tanong na maaaring humantong sa maling pagtugon sa mga ito ngunit maliliwanagan din sa huli ng kanilang mga magulang. Oo, matututunan ng bata na subukan munang sagutin ang mga tanong sa kanila munang sariling mga paraan pero maaari nilang lapitan agad ang kanilang mga magulang dahil sa huli, sila (mga magulang) pa rin ang makasasagot ng mga ito. Mula naman sa iba’t ibang trabaho ng nanay ni Carla maaaring sumibol pa ang bagong tanong para sa mambabasa na kung ano nga ba ang gusto niyang gawin paglaki. Matututunan din ng bata mula sa kuwento na ang magulang ang makapagbibigay sa kanila ng ligtas na kaligiran, makasasagot sa kanilang mga tanong at nagtataguyod sa kanilang pamilya.

Ang maikling kuwentong binasa ay nagtataglay ng isyung puwede nang maunawaan ng isang bata, ng mga tanong din na maaaring tinatanong ng bata sa kanyang sarili tulad ng, “Bakit sumasakay ng airplane si Daddy para umalis?” Naipakilala rin ang isyung patungkol sa pagkakabit ng gampanin sa kasarian na nababasag sa huli dahil nga sa trabaho ng nanay ni Carla. Nagkaroon din ng mga pagkakataong may pag-uulit, katulad ng mga pag-uulit ng simula ng pangungusap gamit ang “Noong galing...”, “Nang...”, at “Sa..., isa akong...” Makikita rin ang pagkakaroon ng hawig na parte ng katawan ng isang bata mula sa kanyang mga magulang. Maaaring tanungin ng mambabasa ang kanilang mga magulang kung sino nga ba ang kamukha nito o kaya naman ay kung bakit parati na lamang nilang naririnig ang mga katagang, “Kamukha mo ang nanay mo.” o kaya, “Kamukha mo ang tatay mo.” Natulungan ang bahaging ito ng mga ilustrasyon dahil sa hindi nakangiti sa umpisa ang batang si Carla, para hindi lumabas ang dimple na namana niya sa kanyang nanay. Ang mga ilustrasyon ay nakatulong din, hindi lamang sa pagbabagu-bago ng hitsura ng nanay ni Carla, kundi naipakilala na ang mga bandila ng iba’t ibang bansa, na maaaring humantong sa paghahanap ng bata para sa bandila ng Pilipinas.

Tulad nga ng nabanggit kanina, ang maikling kuwento ay makasasagot sa mga tanong ng isang batang may mga magulang na OFW ngunit maaari na rin itong ipabasa sa kahit sinupamang bata dahil sa iba pang mga nabanggit na aral at para na rin sa mga ugali at kilos na maaari pang umunlad sa isang bata sa kanyang pagbabasa. Kailangan siguro niya ng may gabay para matapos na basahin ang akda dahil nasa may bandang dulo pa malilinawang hindi nararapat na padalus-dalos sa mga desisyon kung hindi pa naririnig ang dahilan ng mga magulang na nag-uudyok sa mga bata na magtanong.

27 January 2013

Kapag Nasa Ikot Jeep

Nagjijeep lang naman ako kapag tinatamad ako maglakad. O kaya trip ko'ng magpataba. O kaya kapag umaga, tapos bagong gising at hindi pa naliligo dahil late na sa klase. Pa'no na lang kung mga tanga pa yung nakasabay ko? Nakakainis yung mga taong nagpapara sa hindi naman babaan. Nagkalat naman yung mga waiting shed sa buong campus at mga obvious na babaan pero bakit may mga leche pa ring nagpapara sa kung saan-saang gitna ng dinaraanan ng maraming sasakyan? Minsan, kahit obvious nang narinig sila ng driver, sisigawan pa nila yung driver ng isa pang PARA para lang tumigil yung jeep sa hindi naman dapat na binababaan. Akala mo kung sinong may mas alam sa daloy ng trapiko e araw-araw nang dinaraanan ng mga driver ang mga iyon. Itatabi naman kung ipatatabi, bakit kailangan pang manigaw na para bang walang alam yung driver sa daan? Maliban na lang kung matindi yung bass ng jeep o may pagkabingi yung tao, o may mas malalim pa siyang problemang inaalala kaysa ibaba kang walang galang at atat makababa. Magtimpi naman minsan. Yung iba naman, uupo sa may bandang likod tapos ang hina-hina ng boses kapag nagpara. Tang ina naman, friends. Lakasan niyo kapag magpapara kayo. Hindi lang kayo yung napapagod, halos lahat naman na siguro ng nasa loob ng sasakyan e sawang-sawa na, pagod na pagod na, marami pang iniisip. Tapos may gana pang magdabog at bumulung-bulong kapag sa-wakas na itinigil na ang jeep? Mayroon pa. Paano naman yung nakita na nila yung bayad sa harapan nila tapos ayaw pa nilang abutin? Mga paarteng pasosyal na ayaw humawak ng pera ng iba. Akala naman nila yung pera nila e sila yung unang nakahawak. E yung mga umuupo nang patagilid, tapos minsan, ang hahaba pa ng buhok? Ang sakit kaya mamilantik ang dulo ng hibla ng mga 'yan. Puwede namang umayos ng upo. Lahat naman ng nasa loob e nadudumihan at nahihirapan, nasisikipan. Nakakainis din yung mga nagpapamadali kapag late na sila, dahil sa matagal na paghihintay ng jeep ng pasahero. Okay lang sana kung pauwi kayo e, medyo may rason pa kayo para magreklamo. Pero huwag na huwag niyong sisisihin ang driver ng jeep kung malelate na kayo papunta o papasok ng pupuntahan. Baka naman kasalanan niyong nalate kayo ng gising? Ta's magrerebut kayo na late na nga kayo nagising, mabagal pa yung jeep? Paano kung ilugar niyo muna yung sarili ninyo sa kalagayan ng isang jeepney driver? Yung pamilya marahil na kanyang tutustusan, yung mga utang na hindi nababayaran, o yung kakainin man lang niya sa buong maghapon, o kung kakain man siya. Naisip niyo na ba 'yon? Maaaring hindi ang pasaherong nasa loob lamang ang pagtutuunang pansin ng driver. Baka iniisip niya rin yung mga nasa labas, yung mga maaaring makadagdag sa kanyang kita, yung maaaring mga makatulong sa kanya. Hindi yung mga tulad niyong nakasisira lamang ng araw, simula pa lamang, sa kababangon lang ding katabing pasaherong kulot.

Valentine's Day 13

Malapit na naman mag-Valentine's Day. Kasi malapit na naman mag-February. Ano na naman bang balak mo? Dating gawi na naman? O meron ka na ngayong kadate? Suwerte mo naman. E pano yung mga wala? Ikaw, ngayon, wala ka ba ngayon? Pa'no 'yan? Kakalungkot ba? Ano kayang puwede mong gawin? Gusto mo, maiba naman? Gusto mo bang mantrip na lang? Dapat may sipon ka muna, o kahit sakit na lang, na nakahahawa. Pumasok ka sa canteen, yung canteen na may water dispenser. O kung sa mall, dun sa food court. Malamang sa malamang maraming ganun dun. Yung gagamitin mong baso, nakataob dapat kapag sinauli mo. O 'di ba? Nasayang lang yung oras mo sa pagbabasa ng post na 'to. Pero hindi na rin masamang subukan yung naisip ko. Minsan, gusto ko siyang subukan. Para lang may mahawa sa sakit ko. Sa sakit ng maraming tao. Kahit na alam ko namang halos magkakapareho lang kami ng mga sakit. Masakit. Masakit siguro ang walang kasama sa Valentine's Day. Pero mas masakit yung 'di makalalabas ng bahay dahil sa sakit na ikinakalat mo. Pero mas masakit siguro yung pupuntahan yung nahawaan mo ng kanyang valentine. Paano pa kung sa 'yo nangyari 'to? Magpapahuli ka pa ba? Magpahuli ka na lang. Yung tipong tatamarin ka na naman gumawa ng bago, ng kakaiba. Nasa bahay mo na naman ikaw, nagbabasa ng mga walang kuwentang nakasulat sa internet, magsusulat ng mga walang kabuluhan at 'di malupit.

26 January 2013

Bakit?

Sabi nung isa kong prof, ang huling tanong daw, mula sa limang basic na tanong (ano, sino, saan, kailan, bakit), na matututunan ng isang bata ay ang Bakit. Bakit nga ba? Hindi ko na alam. Baka teacher o psychologist e masasagot na ang tanong na iyan. Tinamad na rin akong mag-Google ng sagot para lang mailagay rito kung sakali kasi hindi naman iyon ang nais ko na ipunto sa inyo. May nakasabay kasi ako na pamilya sa jeep noong isang linggo: may magulang, may dalawang maliit na anak, ang isa ay babae at ang isa naman ay lalaki. Ngayon, itong batang lalaki ay tanong lamang nang tanong ng Bakit Questions. Hindi ko na sila maalala kasi... kasi... may hangover pa ako ngayon. Ngayon ko na rin ginawa ito para lang maipalusot kung may tatanga-tanga akong sinasabi, which is all the time, by the way, at maipartida para kung sakaling may astig akong naisulat. Baka lang naman. Pero balik na tayo kay batang maliit. Sinasagot naman yung mga tanong niya ng kanyang mga magulang.

Pagdating ko sa bahay,  tinanong ko agad ang aking nanay kung noong bata ba ay palatanong ako. Sabi ng nanay ko, hindi raw. Depektibo ba ako? Matagal na. Siguro kasi, nung bata pa ako, pinagbabasa kami nang pinagbabasa ng tatay namin kapag wala kaming pasok at wala kaming klase. Kung anu-anong mga libro lang, maaaring fiction, non-fiction. Marami kaming libro sa bahay. Kaya siguro pagsusulat lang yung kaya kong gawin at may kaya akong patunayan. Kapag mas marami ka na kasing nabasa, mas nagiging tolerant ka sa mga bagay-bagay. Hindi mo na kakailanganin pang awayin yung mga inaaway mo dati. Maiintindihan mo na ang maraming bagay na hindi mo maunawaan dati. Mas marami ka nang masasabi tungkol sa buhay, mas makapag-iisip ka na nang malalim, mas makapagtatanong ka pa ng mas maraming Bakit Questions nang hindi lumalapit sa nakatatanda. Kayang-kaya mo na silang sagutin nang mag-isa lamang.

25 January 2013

Mabaho Na Nga E

Bakit kapag may narinig tayong nagsabi ng "Ang baho!", sumisinghot pa rin tayo? Ito ba ay dahil sa gusto nating umaamoy ng mabaho? Tapos tatakpan din naman yung ilong agad. Bakit ba natin ginagawa iyon? Kasi lahat na lang ng taong magsasabi no'n, hindi natin pinagkakatiwalaan, maging sino pa man sila? Bakit gano'n? Simpleng bagay, mahirap paniwalaan? Yung mga sisimpleng bagay pa yung hindi natin kayang paniwalaan? Bakit kaya? Baka naman gusto lang nating nadaragdagan yung alam nating amoy? Bakit hindi? Parang puwede rin naman 'di ba? Ikaw? Bakit ba sumisinghot ka  pa rin kapag may nagsabi na ng "Ang baho!"? Tayo ako nang tayo tapos tatanungin pa rin kita kung ginagawa mo iyon? Bakit kaya? Tanga ba ako? Papalitan ko pa ba yung una kong ginamit na panghalip? Huwag na. Huwag na lang. Tutal, aamuyin at aamuyin mo pa rin naman kahit na narinig mo na.