Mayroon yata kaming subject dati na pumapasok lang kami at puwede naming gawin ang kahit na ano. Walang halong biro. Hindi ko na kayang alalahanin kung paanong nag-umpisa ang ganitong siste namin kasama ang gurong nakaatas para sa amin sa tuwing oras na ng subject namin sa kaniya.
Ang dating kasi sa 'kin, parang mas pinili niyang hindi kami pansinin at pagalitan, dahil siguro, iniisip niyang mapagtatanto rin namin ang aming dambuhalang mali at tatahimik at pipirme rin kami pagdating ng panahon. Iyon nga lang, inabot din yata ng ilang araw, linggo, o buwan nang wala kaming natututunan sa klase niya. Matira, matibay.
Marami yata akong natapos na nakaligtaang assignments sa klase niya. Wala, nandoon lang din naman siya, nakaupo sa kaniyang teacher's table. Hindi pa uso ang doomscroll noon kaya hindi ko rin sigurado kung paano siya pumapatay ng oras. Nang lumaon, hindi ko na rin matandaan kung sino ang unang bumigay, pero umabot na lang din sa puntong pinagalitan niya rin kami sa wakas, saka kami naghabol ng mga muntik nang kalimutang aralin. Kung nagkataon at sinuwerte, baka nagbasa na lang ako ng ibang librong hindi naman kahingian sa kahit na anong klase. Sayang.