18 September 2026

Ascent

Natagpuan ko na agad ang pandakot subalit wala akong makitang basahan, malaki man o maliit. Ikinibit ko na lamang ito sa kawalan at sinimulang umasa na maging maalalahanin na lamang sana sa pag-ihi ang aking kasama. Kung sa bagay, tila ilang oras na rin ang nakakalipas at hindi ko maalala kung kailan nga ba rin ako huling nagbawas ng dumi ng loob.

Winalis at dinakot ko na muna ang kumpol na iniwan ko malapit sa may hagdanan. Ikinalat ko sa labas ang naunang kumpol at bumalik na sa hagdanan nang makarating na sa ikalawang palapag. Nang marinig ang aking mga yabag papaakyat, tumahol siyang muli at narinig ko siyang tumatakbo pabalik sa dulong itaas ng hagdanan.

Nang nagpang-abot muli ang mga paningin, habang sinisilip niya ako mula sa itaas, bantay kung umaakyat pa ako, nagtuloy-tuloy na ang kaniyang pagtahol, sabik na sabik na siguro sa kaniyang ipapakita sa akin. May mangilang mga butil ng buhangin pa akong nawawalis at dakot sa mga nahahakbangan ko, marka na mayroong mga nakasabit pa sa kaniyang mga paa at balahibo noong nagmamadali siyang umakyat at nag-aaamoy dito sa ikalawang palapag.