Ibinalibag ko lang sa lapag iyong bag ko. Wala namang lamang babasagin iyon. Lumikha siya ng kapansin-pansin na ingay kaya medyo kinabahan ako. Panay masusungit pa naman ang mga guro sa mga silid ng gawing pasilyong ito ng gusali nang mga ganitong oras. Pinakiramdaman ko tuloy nang mabuti kung sakaling may tatahimik bigla na silid.
Magkakaalaman siguro kung nagkaganoon. Ilang saglit pa ang sapilitan kong pinalipas. Mukhang tuloy-tuloy pa rin naman ang mga klase. Muli kong naramdaman ang antok ko na yakap-yakap ng kaunting kirot ng ulo. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin alam kung may nagbebenta ba ng gamot sa canteen o puwede na lang ako basta manghingi sa clinic. Iyon ay kung bukas ang clinic o kung nandoon pa ba ang nurse.
Umupo na ako sa sulok na pinagbalandrahan ng aking bag. Hinila ko siyang agad at ikinandong. Yumuko na ako upang namnamin pa lalo ang tumutukol sa aking isip habang nag-aabang ng klase. Tila unti-unti itong pumapailalim tungo sa arok na hindi pa ako ganoon kamalay na mayroon pala nang biglang may tumapik sa aking isang kaklase at bigla na lamang akong nagising. Wala raw ang guro namin sa susunod na subject.