14 October 2026

Limbo

Ayaw ko na munang umuwi. Kararating ko lang. Hindi naman ako nakasagap kagabi ng balita na wala palang pasok ngayon. Ang layo pa niyan ng biniyahe ko dahil sa ibang lupalop pa ako nanggaling. Hindi naman malakas ang ulan at hangin sa 'min kagabi. Maski pang pagdating ko ngayon, ni hindi matangay-tangay ng hangin ang mga payong at umaambon lang din naman.

May kung anong tahimik na kumulambo sa Taft ngayong panahon ng kulimlim. Tiningnan kong muli ang relo ko sabay check din ng cellphone. Wala man lang nagtangkang mag-abiso sa 'kin. Papapasukin kaya ako ng guard? Tatambay lang naman ako. Sarado pa ang mga mall. Wala pa sa huwisyo ang sikmura ko para sa fast food. Kahit na ganoon, sinilip ko pa rin muna ang wallet ko, just in case.

Kung sakali, wala rin naman akong gagawin kung papasukin man ako. Wala naman (yata) kaming assignment. Bukas na lang ako mag-aaral para sa quiz. Hindi rin naman ako makakaidlip dahil kagigising ko lang kanina sa bus. Wala akong ibang kilalang maaaring tambayan na bahay. Hindi ko rin trip mabungangaan ng wala sa hulog na guard dahil ang aga-aga pa. Dumaan muli sa itaas ang tren ng LRT at nadagdagan nang bahagya ang mga bumubusinang jeep at FX na sinusubukan pa ring makatsamba ng pasahero sa intersection. Ayaw ko pa ring umuwi.