26 September 2026

Threshold

Lubos na mahina, mayroong binanggit na pangalan ang boses sa kabila. Lalong lumakas ang pagtahol ng aso ngunit mababakas na ito'y hindi dahil sa galit o pag-aalboroto, kung hindi dahil lamang pala sa labis na kasabikan. Nanggaling kaya siya sa bahay na ito? Gaano kaya katagal bago siya nakabalik muli rito?

Nagkaroon na ako ng kaunting lakas ng loob na pihitin ang susing nakasuksok nang mapagtantong magkakilala pala silang dalawa. Nang walang pagmamadali, matapos ikutin ang susi at marinig ang isang malakas at lumang lagutok ng mekanismo ng kandado, dahan-dahan kong iniladlad ang pinto. Nagmamadaling tumakbo papasok ang aso, hindi mapigil ang kaniyang pagtahol at pagpayipoy ng kaniyang buntot. Sumunod na rin sa paglipad paloob ang ibon, at ako ang huling natirang hindi pa nakakapasok.

Hindi madaling naunawaan ng aking paningin ang unang pasok ng pinto sa loob ng madilim-dilim na kuwarto. Mayroon lamang dalawang bintana na dinadaluyan ng liwanag mula sa labas. May nakatapat na isang pares ng mesa at silya sa isa sa mga bintana. Sa isa nama'y isang kama kung saan narinig kong ngumunguyngoy ang aso na kanina lamang ay ubod ng sabik sa kakatahol. Lumipad naman sa may ulunan ng kama ang ibon.