12 October 2026

Tension

Minsan na ring nagalit ang isa naming guro dahil sa mayroon siyang narinig na bumubungisngis habang siya ay nagsasalita at nagsusulat sa pisara. Hindi ko na matandaan kung nahuli ba niya kung sino iyong mga nagpaudlot ng itinuturo niyang aralin. Agad lamang niya tinanong ang klase sa isang iglap na pagbabago ng tono ng pananalita at biglang paglagim ng kaligiran.

Tumahimik ang ibang mga nagkukuwentuhan. Nagising bigla ang mga nananaginip. Ibinaba ng mga nagsusulat ang kanilang mga ballpen. May mga sumarang aklat at notebook. Nawala na parang mga bula ang mga mag-aaral na walang klase sa labas na pasilyo, at lumapag ang ilang maliliit na maya sa pasamano ng mga bintana para makitsismis.

Tinanong ng guro namin kung ano naman daw kung Bisaya. Kumunot ang mga noo at kilay ng ilan sa aking mga kaklase. Tinanong niyang muli kung ano naman daw ngayon kung Bisaya. Hindi ko na rin maintindihan. Hindi naman litaw at pansin sa kaniyang pagsasalita iyon, ni walang nakahalata. Matapos ang ilang minutong tensiyon, itinuloy na rin sa wakas ang aralin. Nabalitaan ko na lamang matapos ang klase na hindi ang guro ang binungisngisan ng isa naming kaklase kanina kundi isang kakatwang walang kinalaman sa leksiyon.