Iyon nga lang, umabot pa rin ako sa ikatlong taon. Hindi ko rin alam, huwag ako ang tanungin mo. Kung paano man ako sinuwerte at nakalusot pa sa antas na ito, sana ay maulit ko pa rin, sapagkat ibang klaseng halimaw pa pala ang nag-aabang sa akin.
May mangilang mga naulit na kaklase. May mga iniwanan nang mga silid at pasilyo. Sa pagitan ng Maceda at Main Building halos, dahan-dahang naipon ang mga pagpasok at dagliang paglimot nang hindi sinasadya. Tumindi ang kahingian sa panahon at utak ng mga nanlalamon na subject. Hindi ko kailan man inamin na nagustuhan ko sila, lalo pa't kinakailangan namin silang maunawaan at maalala nang dalawang taon hanggang sa matanggap kami sa ano mang naisin naming unibersidad. Para bang obligado kang galingan pa muna kahit kaunti lang, kahit sandali na lang.
Malilimutan kong saglit ang aking sarili. Hindi na ako sumasaya sa pagkain. Hihingi akong sandali ng kakarampot na kapayapaan sa musika hanggang sa mabingi na ako sa mga responsibilidad na madaling-madaling magunaw. Kakayanin ko naman siguro. Hindi naman din ako nag-iisa. Kung ano mang ikinabigat ng kulay rosas na ID namin, at kung saan man ako dalhin nito, paisa-isang araw na lamang akong magpapakita, matiyagang maghihintay kung saan man ako makarating.