Narinig ko pang tumulo ito at sundan pa ng kaniyang mga kapatid. Masaya kayang humihiyaw ang mga luha sa tuwing nagpapatihulog silang dulas sa pisngi ng mga tao? May mangilang natutuyo sa kanilang pangunang landas. Ang iba nama'y hanggang sa damit ko na lamang. Ang iba'y sumasabay sa pagsinghot ng namuong sipon sa aking ilong, at ang iba nama'y hindi ko na napigilan pang mapunasan.
Napansin na rin ng asong kasama ko na mukhang napatigil ako marahil sa kung anong bagay na hindi ko siguro maipapaunawa sa kaniya nang lubusan. Tumahol siya nang isang beses saka dinilaan ang aking kamay. Napangiti na rin ako sa wakas at huminga nang malalim. Biglang tumahimik ang buong paligid, hudyat na natapos na ang himig. Tiningnan akong muli ng ibon, inuusisa kung ano na ang mga kailan, at kung kailan na ba ang mga ano.