19 September 2026

Awakening

Puno pa rin ng iba't ibang kasangkapan na yari sa kahoy at halamang-materyales ang ikalawang palapag. Hindi pa rin mapakali sa pag-amoy-amoy ang aking kasama na para bang ikamamatay niya ito kung hindi makilala ng kaniyang ilong ang bawat madadali ng kaniyang mga mata.

Wala rin ni isa sa mga kasangkapan at kagamitan ang nababalot ng makapal na alikabok. Bawat isa ay kung hindi makinis, ubod ng linis. Tipong mayroong nag-aalagang tunay o hindi kaya'y maaaring hindi pa nararanasan na magamit. Kilala pa kaya nila ang kanilang mga sarili?

Binuksan ko na rin ang mga natitira pang bintanang nakasara nang mapagaan maski papaano ang simoy na pumapaikot. Mayroong kaunting pangamba na may makapasok na mga butil-butil dito sa loob ngunit gawa ng lubos na lumanay ng hanging maya't mayang kumukumusta sa amin, mukhang malabo naman na may pumasok na pagkadami-dami, lalong-lalo pa rito sa itaas na palapag. At kung matuloy man ang aking ikinakapangamba, wala naman sigurong aagaw rito sa walis at pandakot ng bahay dahil wala rin akong naaninag sa malayo na ibang bahay nang binuksan ko na isa-isa ang mga bintana. Lumangitngit ang isa sa mga ito at bigla na lamang akong nakadinig ng humuhuni ng himig na matagal ko na yatang nakalimutan.