10 May 2026

fragment 28

hindi naman naiiba ang kulay nito sa mga poste na nalampasan niyo na. bawat binibitawan mong pag-apak patungo sa mahalinang ugong ay ambag na nagpapalakas lalo sa tining ng paghila sa inyo at lalim ng kalabog na siguradong nagpapatahimik na sa mga natitira pang katanungan ng iyong mga sisidlan.

imbes na magmadali pa lalo, pinipilit kang bumalik ng panibagong kaba sa iyong kalamnan na bahagyang nagpabagal sa inyong tila napipintong pamamalit. wala ka nang ibang inaalala, wala ka ring dapat na iba pang nakaligtaan. matapos ang mangilan-ngilan pang malumanay na yabag ay napansin mong mag-isa ka na lamang ngunit alam mong nakasunod pa rin siya sa iyo.

hindi ka na lumingon pa't hinayaan ka na niya lamang. unti-unti lumiliwanag ang iyong ngiti kasabay ng dahan-dahang paglakas pa ng huning malay kang dumadaginding na mula sa posteng iyong puntirya; ang poste ay iyo. madali mong kinuha ang maliit na papel sa bulsa ng iyong kasuotan.

No comments: