27 October 2026

Spark

Minsan kaming pinasulat ni Ma'am Gozo sa aming huling taon tungkol sa kahit na anong nakita naming karanasan sa Masci na mayroong kabuluhan para sa amin. May kahirapan ang mismong hinihingi bilang isa sa mga huling ipapasa para sa kaniyang asignatura bago kami tuluyan nang makapagtapos.

Marami siguro sa amin, mayroong kaunting aligaga para sa panapos na proyektong ito. Maski ako, binagabag din ng kaba noong inuumpisahan ko nang balangkasin ang aking mga isusulat. Hindi tulad ngayon, may dampi pa ng pagkasariwa ang mga kaya kong gunitain magmula pa sa unang taon. Nang makapili na ako ng pangunahing paksa para sa isasalaysay, binira ko yata nang dalawa hanggang apat na gabi ang pagsusulat hanggang sa araw na ng pasahan.

Pinagalitan ako ni Ma'am Gozo dahil wala raw makapal na balot at pabalat para sa pamagat ang aking ipinasa. Ninamnam ko ang rimarim at yamot na nakapinta sa mukha niya habang winawasiwas niya sa klase ang mangilang maninipis na papel na pinagkabit-kabit lang ng tatlong staple wire, kumpara sa makakapal at makukulay na gawa ng aking mga kaklase. Lumipas ang ilang araw, ibinalik na niya ang mga ginawa namin sabay bato ng partikular na puri sa sulat ko nang may kasamang napakataas na marka. Kaya siguro nagsusulat pa rin ako hanggang ngayon, kahit nakaraan naman na ang maraming taon. Para sa 'yo 'to, Ma'am Gozo. Maraming salamat.

No comments: