27 September 2026

Closure

"Sino ka?"

"Ikaw."

"Bakit naman hilatang-hilata ka diyan? Mayroon ka bang sakit?"

"Masyado nang matamlay ang aking katawan para magtatayo pa. Mabuti't nakarating kayo rito."

"Kinailangan ko bang makaabot dito? Namin?"

"Maaaring oo, maaari ring hindi. Wala namang totoong makapagsasabi, at hindi rin naman dapat pang masabi."

"Mag-isa ka lamang ba rito?"

"Hindi na sa ngayon."

"Baka umalis na rin kami maya-maya. Mayroon ka bang iba pang kailangan, o nais pa na sabihin?"

"Wala na. Alam mo na ang mga dapat mong malaman. Masaya akong nakatagpo kita, kahit na alam ko ring hindi naman gaano ang dating para sa iyo. Paumanhin."

"Ayos lang."

26 September 2026

Threshold

Lubos na mahina, mayroong binanggit na pangalan ang boses sa kabila. Lalong lumakas ang pagtahol ng aso ngunit mababakas na ito'y hindi dahil sa galit o pag-aalboroto, kung hindi dahil lamang pala sa labis na kasabikan. Nanggaling kaya siya sa bahay na ito? Gaano kaya katagal bago siya nakabalik muli rito?

Nagkaroon na ako ng kaunting lakas ng loob na pihitin ang susing nakasuksok nang mapagtantong magkakilala pala silang dalawa. Nang walang pagmamadali, matapos ikutin ang susi at marinig ang isang malakas at lumang lagutok ng mekanismo ng kandado, dahan-dahan kong iniladlad ang pinto. Nagmamadaling tumakbo papasok ang aso, hindi mapigil ang kaniyang pagtahol at pagpayipoy ng kaniyang buntot. Sumunod na rin sa paglipad paloob ang ibon, at ako ang huling natirang hindi pa nakakapasok.

Hindi madaling naunawaan ng aking paningin ang unang pasok ng pinto sa loob ng madilim-dilim na kuwarto. Mayroon lamang dalawang bintana na dinadaluyan ng liwanag mula sa labas. May nakatapat na isang pares ng mesa at silya sa isa sa mga bintana. Sa isa nama'y isang kama kung saan narinig kong ngumunguyngoy ang aso na kanina lamang ay ubod ng sabik sa kakatahol. Lumipad naman sa may ulunan ng kama ang ibon.

25 September 2026

Reunion

Dali-dali kaming naglakad tungo sa bintanang pinaglapagan ng ibon. Medyo nakahinga rin nang maluwag palayo sa misteryo ng kuwartong hindi mabuksan. Kinumusta ko agad siya at tinanong kung saan siya nanggaling at kung bakit din siya bumalik. Napansin kong mayroon din siyang katabing susi. Binitbit kaya ito ng kaniyang tuka habang lumilipad siyang pabalik dito?

Itinurong muli ng kaniyang mga mata ang dinala niyang susi para sa akin. Nang tiningnan kong muli ito at kuhanin, saka siya lumipad papunta sa misteryosong pinto. Napatahol muli ang aso na mukhang tuwang-tuwa sa pagbabalik ng aming kaibigan. Ako na ang nagdala ng susi at sinamahan ko na silang muli sa harapan ng pintuan.

Tumahol muli ang aso bilang paggiit siguro na gamitin ko na ang susi sa pinto. Matapos ang ilang saglit na sakaling kumatok muli ang nasa kabila, humuni na rin ang ibon dahil mukhang hindi na ito mangyayari. Nahulog ang tanging maaaring maganap na susunod sa pagsuksok ko ng susi sa busol mismo ng pinto nang kaming lahat ay makausad na. Ipinasok ko na ang susi sa butas mismo ng busol nang biglang may nagsalitang napakahinang nanghihinang boses mula sa kabila nito. Tumahol nang tuloy-tuloy ang aso kong katabi na tila ba nakilala niya kung sino ang nagmamay-ari ng boses na ito.

24 September 2026

Linger

Huminto nang isang iglap ang aking paghinga, at biglang kumakabog na ang aking puso. Nanlaki ang aking mga mata at dahan-dahan akong lumingon. Wala pa rin namang ibang nilalang dito sa itaas na palapag kung hindi kaming dalawa lamang. Hindi rin naman bumalik ang ibon. Marunong kayang kumatok sa pinto ang mga ibon?

Dahan-dahan akong naglakad pabalik sa pinto matapos ilapag sa may hagdanan ang walis at pandakot. Mukhang wala pa ring muwang ang kasama kong aso sa nangyari, nangyayari, at mangyayari pa. Mabuti na lamang, tamang nakasunod lang din siya sa akin habang unti-unti kong pinapakalma ang aking paghinga at kabog sa aking dibdib.

Nang kaunting hakbang na lamang ang natitira, bigla muling kumatok ang nasa kabila na lubos ko talagang ikinagulantang. Kaya lamang, ikinakunot din ng aking mga kilay ang napakabagal ding pagkatok na ito, na halos hindi ko rin siguro mahuhuli kung malingat man sakali sa tahol ng aking kasama, o maging sa maya't mayang paglangi-langitngit ng mga bintana at sahig. Nakatapat na kaming dalawang muli sa pinto at hinintay kung mayroon pa bang kakatok galing sa kabila. Nang umakma na rin akong pakatok ay bigla na lamang kami nakarinig ng isang pamilyar na paghuni.

23 September 2026

Echo

Napatahol bigla ang aso sa bintanang pinaglabasan ng ibon, pamamaalam siguro sa kaniyang kaibigan. Ako ma'y bahagyang nagulat din na may kasamang kaunting lungkot dahil sa biglaan ding pag-alis ng aming kasama. Madali akong tumakbo patungo sa bintana, baka sakaling matanaw pa kung saang direksiyon siya lumipad. Nakasunod ding may pagkasabik ang aso sa akin at sabay na kaming tumanaw agad sa langit. Hindi na namin siya naabutan pa't makita.

Bumalik ako sa pinto nang makakatok muli. Sa pagkakataong ito, tumawag na nang malakas ang boses ko sa loob. Tumahol din nang malakas ang kasama ko na imposibleng hindi madirinig ng nasa kabila ng pinto, kung mayroon man. Naghintay kami nang ilang saglit, bago ako kumatok sa huling pagkakataon. Wala pa rin.

Napakibit na lamang din ang aking mga balikat, at hindi ko na pinilit pang pihitin pa ang busol nang malaman kong nakakandado naman ito sa kabila. Bitbit ang pandakot at walis, napagdesisyunan kong iligpit na silang pabalik sa silid sa ibaba matapos iwasiwas sa labas lahat ng naipon kong kalat. Sumunod na rin sa akin ang aso tungo sa may hagdanan, nang makaalpas na rin sa kapit ng usisa sa kung ano ang mayroon sa kabila ng pinto. Nakahakbang na ako sa unang baitang pababa nang marinig kong biglang may kumatok sa pinto.

22 September 2026

Recess

Muling umihip ang malumanay na hangin sa loob na nagpalangitngit sa isa sa mga bintana. Ihininga ko na ang pinakahuling singhot saka hinimas ang bumbunan ng aso. Tila nabura naman na ang lito at alala sa kaniyang mga mata na nagpahinga rin sa akin nang maluwag-luwag. Lumangitngit muli ang isa sa mga bintana at nag-umpisa ng panibagong himig ang kasama naming ibon.

Maaliwalas na may daplis ng sigla ang panimulang bagsak ng musika na bigla ring nagpatigil sa pagpayipoy ng buntot ng aso. Nanumbalik panumandali ang panibagong gusot sa kaniyang diwa ngunit mukha rin namang hindi niya ikinapapangamba ito. Lumakad na ako't siniyasat pa ang buong palapag kung mayroon pa akong mahuhuling mangilang mga butil ng buhangin nang mailapag ko na sa kung saan mang sulok ang mga bitbit kong panlinis.

Sa aking pagsugasog hanggang sa pinakadulong eskina at suyok, natuklasan ko ang isang pintong nakasara. Gawa pa rin sa kahoy, makinis, walang hindi kaaya-aya na amoy. Kumatok ako, baka sakaling mayroong makadinig sa akin sa kabila. Napatigil din bigla sa paghuni ang ibon. Tila napansin na niya ang pintong tumambad. Matapos niyang siyasatin ito nang ilang saglit ay bigla na lamang siyang lumipad palabas ng isa sa mga bintana.

21 September 2026

Cascade

Lumaon pa nang lumaon ang himig hanggang sa unti-unti nang tumatayo ang mga balahibo sa aking batok. Dahan-dahang nanlaki ang aking mga mata hanggang sa maglawa na rin ng luha sa mga ito nang hindi ko agad-agad na napansin. Tumulo na rin sa wakas ang unang luha para sa alaala na dumaloy lamang sa aking gunita, sa aking mga mata, sa aking pisngi, hanggang sa saluhin na ito ng makinis na sahig.

Narinig ko pang tumulo ito at sundan pa ng kaniyang mga kapatid. Masaya kayang humihiyaw ang mga luha sa tuwing nagpapatihulog silang dulas sa pisngi ng mga tao? May mangilang natutuyo sa kanilang pangunang landas. Ang iba nama'y hanggang sa damit ko na lamang. Ang iba'y sumasabay sa pagsinghot ng namuong sipon sa aking ilong, at ang iba nama'y hindi ko na napigilan pang mapunasan.

Napansin na rin ng asong kasama ko na mukhang napatigil ako marahil sa kung anong bagay na hindi ko siguro maipapaunawa sa kaniya nang lubusan. Tumahol siya nang isang beses saka dinilaan ang aking kamay. Napangiti na rin ako sa wakas at huminga nang malalim. Biglang tumahimik ang buong paligid, hudyat na natapos na ang himig. Tiningnan akong muli ng ibon, inuusisa kung ano na ang mga kailan, at kung kailan na ba ang mga ano.

20 September 2026

Perch

Nang lingunin ko na ang pinanggalingan ng tunog, bumati sa aking paningin ang isang maliit na ibon. Kulay itim ang balahibo, mayroong pag-uusisa sa kaniyang mga mata ngunit hindi pa rin pinapakawalan ang angking talas ng mga ito.

Napatigil siya sa kaniyang paghuni nang mapansin niyang napansin ko na siya sa pasamano, kung saan siya patalon-talon na, pero hindi naman akmang lilipad. Napansin na rin siya ng kasama kong aso. Noong una'y napatahol lamang siya nang isang beses na bahagyang ikinagulantang ng ibon. Lumapit siya sa wakas nang maamoy niya kaagad ang bagong dating. Nagpaamoy din naman ang ibon sa kaniya at hindi naman na siya mukhang aligaga.

Dali-daling lumipad ang ibon sa tuktok ng ulo niya at hinayaan niya lamang ito. Masaya lamang na pumapayipoy ang kaniyang buntot, dahil na rin siguro sa nakilala naming bagong kaibigan. Hindi na nagulantang pa ang maliit na ibon nang lumapit at ihatid siya sa akin ng aso. Madali rin siyang lumipad sa aking balikat, at tila mayroong kinilatis pa sa aking buhok bago mahinahong tuka-tukain ito. Natawa akong mahina na tinugunan naman ng isang tahol. Saka humuni ang isa pa naming kasama ng himig na hindi ko pa rin makila-kilala.

19 September 2026

Awakening

Puno pa rin ng iba't ibang kasangkapan na yari sa kahoy at halamang-materyales ang ikalawang palapag. Hindi pa rin mapakali sa pag-amoy-amoy ang aking kasama na para bang ikamamatay niya ito kung hindi makilala ng kaniyang ilong ang bawat madadali ng kaniyang mga mata.

Wala rin ni isa sa mga kasangkapan at kagamitan ang nababalot ng makapal na alikabok. Bawat isa ay kung hindi makinis, ubod ng linis. Tipong mayroong nag-aalagang tunay o hindi kaya'y maaaring hindi pa nararanasan na magamit. Kilala pa kaya nila ang kanilang mga sarili?

Binuksan ko na rin ang mga natitira pang bintanang nakasara nang mapagaan maski papaano ang simoy na pumapaikot. Mayroong kaunting pangamba na may makapasok na mga butil-butil dito sa loob ngunit gawa ng lubos na lumanay ng hanging maya't mayang kumukumusta sa amin, mukhang malabo naman na may pumasok na pagkadami-dami, lalong-lalo pa rito sa itaas na palapag. At kung matuloy man ang aking ikinakapangamba, wala naman sigurong aagaw rito sa walis at pandakot ng bahay dahil wala rin akong naaninag sa malayo na ibang bahay nang binuksan ko na isa-isa ang mga bintana. Lumangitngit ang isa sa mga ito at bigla na lamang akong nakadinig ng humuhuni ng himig na matagal ko na yatang nakalimutan.

18 September 2026

Ascent

Natagpuan ko na agad ang pandakot subalit wala akong makitang basahan, malaki man o maliit. Ikinibit ko na lamang ito sa kawalan at sinimulang umasa na maging maalalahanin na lamang sana sa pag-ihi ang aking kasama. Kung sa bagay, tila ilang oras na rin ang nakakalipas at hindi ko maalala kung kailan nga ba rin ako huling nagbawas ng dumi ng loob.

Winalis at dinakot ko na muna ang kumpol na iniwan ko malapit sa may hagdanan. Ikinalat ko sa labas ang naunang kumpol at bumalik na sa hagdanan nang makarating na sa ikalawang palapag. Nang marinig ang aking mga yabag papaakyat, tumahol siyang muli at narinig ko siyang tumatakbo pabalik sa dulong itaas ng hagdanan.

Nang nagpang-abot muli ang mga paningin, habang sinisilip niya ako mula sa itaas, bantay kung umaakyat pa ako, nagtuloy-tuloy na ang kaniyang pagtahol, sabik na sabik na siguro sa kaniyang ipapakita sa akin. May mangilang mga butil ng buhangin pa akong nawawalis at dakot sa mga nahahakbangan ko, marka na mayroong mga nakasabit pa sa kaniyang mga paa at balahibo noong nagmamadali siyang umakyat at nag-aaamoy dito sa ikalawang palapag.

17 September 2026

Trail

Sumigaw ako ng tanong kung nasaan na ang aking kasama sapagkat pihadong may mga nadala at naipasok at naikalat din siyang mga butil ng buhangin sa pagmamadali ng kaniyang kasabikan kanina sa aming pagpasok.

Sinubukan kong bagtasin ang labi na kaniyang mga naiwan hanggang sa mahanap ko na ang landas niya na kailangang sundan ng aking walis. Iniipon ko na sa isang maliit na kumpol ang aking bawat maabutan at mahuli bago ako muling sumigaw bilang pagtatanong kung nasaang sulok na ba siya. Narinig kong tumahol siya bigla bilang tugon sa aking paghahanap. Iyon nga lang, nanggaling ang alingawngaw ng tugon sa ikalawang palapag.

Isinandal ko na muna ang walis habang nakatakip ito sa kumpol na aking naipon na sa isang gilid malapit sa hagdanan paakyat. Bumalik ako sa maliit na silid kung saan ko nakuha ang walis, baka sakaling matagpuan ko pa ang katambal nitong pandakot. Tumahol nang isa pang beses ang aking kasama. Napangiti ako't sumigaw na saglit lamang at huwag niya akong madaliin. Sakaling umihi kaya siya sa loob ng bahay, dapat din yatang magtingin na rin ako kung mayroong basahan kasama ang pandakot na aking bibitbitin.

16 September 2026

Grit

Minabuti kong buksan ang mga bintanang nakita kong nakasara. Nadagdagan ang simoy na nagpupumasok sa loob ng struktura, saka ko napansin na nakapagpasok pala kami ng mangilang butil ng buhangin. Bumalik ako sa nag-iisang pintuan palabas matapos isara ang huling bintanang nakasara na nakita ko para pagpagin ang mga tsinelas kong nagdala ng mga butil-butil.

Inisip ko kung mayroon akong matatagpuang walis kung sakaling halughugin ko man ang bahay. Bumalik akong muli at dumeretso sa isa pang malaking silid na mayroong malaking bilog na lamesa at apat na upuan. Mayroong isang pinto papasok sa isa pang maliit na silid mula rito. Natagpuan ko kung saan nakalagay ang mga plato, kubyertos, at mga baso na walang bahid ng alikabok. Sa isang gilid naman ay may nakasandal na walis at kinuha ko na ito agad.

Bumalik na ako sa unang malaking silid mula sa harapan upang walisin ang mga butil ng buhangin na madali namang makikita sa pagkakaiba ng kulay nito sa madilim na kulay ng sahig. Mabuti't hindi masyadong hinangin at hindi masyadong nagkalat.

15 September 2026

Hearth

Isang malaking bahay ang tila naghihintay sa aming pasukin siya sa gitna ng pagkalawak na disyerto. Matarik na rin ang sugod ng araw, kahit na hindi naman ako pinagpapawisan ni hapong-hapo. Mayroon lamang init na sumasaglit ang lapnos sa balat na nagdudulot ng pagkatiting na mas lito kaysa inis. Gayon pa man, mas kapili-pili pa ring magpalipas muna ng mapanagos na alalahanin kaysa magtiis ng maaari naman pala talagang maiwasan.

Nauna na siyang pumasok sa akin, bawas na ang pagmamadali. Maski mayroon pang pintuan ay walang nakakabit na pinto. Halos gawa sa kahoy ang kabuuan ng bahay hanggang sa ikalawang palapag pa nito. Halos lahat din ng mga kagamitan at kasangkapan sa loob ay yari sa iba-ibang materyales galing sa punongkahoy o iba pang matatayog at matitibay na halaman.

Mayroong kalumaan ngunit malayong-malayo pa sa kabulukan. Walang ibang sumasalo sa bawat langitngit na pinapakawalan ng aking bawat pagyapak sa makinis na sahig. Hindi rin kami nakahalata ng kahit na anong sangsang ni sulasok. Huminga ako nang malalim at hinayaan lamang siyang amuyin ang buong bahay.

14 September 2026

Hasten

Nagising ako sa tahol ng aking kasama. Pagdilat ko ay naabutan ko siyang tumatakbo patungo sa akin. Pagsampa niya sa aki'y tuloy-tuloy niya lamang akong dinila-dilaan hanggang sa tuluyan nang nagising ang aking diwa.

May kung anong pag-anyaya ang kaniyang sumunod na tahol kung kaya't tumayo na ako mula sa aking pagkakasandal. Hinimas ko sa huling pagkakataon ang malaking tipak ng bato at nagulantang at napangiti pa rin ako sa kakaibang lamig at kinis nito. Nagpaalam na ako't mukhang minamadali na talaga ako ng aking kasama.

Maya't maya siyang tumatahol habang sinisiguro kung nakasunod pa ba ako sa kaniya. Napapangiti lamang ako't sinisigurado siya na nakasunod lamang ako sa kaniya. Tuloy-tuloy lamang ang kaniyang paglalakad at hindi siya napapalingon ni kahit saglit sa bawat bagong bato na aming nasasalubong. Sa bagay, baka naamoy niya na rin ang mga ito noong umiidlip pa ako. Tumahol muli siya nang isa pang beses at bigla na lamang huminto't nangupo sa aking harapan. Hinimas ko ang tuktok ng kaniyang ulo at napangiti sa tumambad sa dulo ng aming biglaang pagmamadali.

13 September 2026

Lull

Mayroong malamig na boses na kumausap sa akin. Hindi pamilyar ang naging unang bagsak sa aking mga tainga ngunit hindi rin naman ako nabahiran ng takot ni ng kaba. May lumanay at nipis sa kaniyang pagsasalita at hindi ko naisip man lang na guluhin ang kaniyang pagkausap sa akin.

Matapos niya akong kumustahin, kinumusta niya rin ang aking kasama. Wala ni isa sa amin ang kaniyang pinangalanan at tila ito rin ang unang pagkakataon na kausapin niya ako. May bakas ng ngiti sa kaniyang bawat hayag na umaabot sa akin at wala ring pagmamadaling matapos kung ano mang tagubilin ang gusto niyang iwan sa akin kung sakali.

Hindi niya ako kailan man tinanong kung saan kami papunta ng aking kasama. Binanggit niyang nasa palugit pa ako ng panahon at hindi ko kailangang magmadali. Ipinaalala niya ring mayroong naghihintay sa akin sa alin mang dulo na aking mapili at hindi ko kailan man pang mangamba. Mahalaga raw na hindi ako iwan ng aking kasama at mahalaga rin daw ako para sa kaniya. Sa mga susunod pang landasin ay walang pagsusulit pero hindi niya sinasabing kalimutan na namin ang pag-iingat.

12 September 2026

Pause

Hindi puwedeng hindi niya aamuyin ang bawat bagong bato na kaniyang nasisipat sa malayo. Bawat bato ay bagong kasasabikan para sa kaniya. Pinababayaan ko lamang din siya at walang ni isa sa amin ay may minamadaling matapos na gawain.

Hinawakan ko ang isa sa malalaking tipak ng bato na ngayo'y kalahating dipa na ang itinangkad mula sa akin. May kung anong kinis ito at lamig, na para bang mayroong anyaya ng tahimik munang pamamahinga mula sa umiinit na ring araw. Lumunok ako ng kaunting laway at minabuting umupo muna't sumandal. Sinilip ko ang aking kasama at may mangilan pang hindi pa niya naaamoy na abot ng sipat naming pareho kaya hinayaan ko na lamang muna siya.

Huminga ako nang malalim at pumikit. Wala ring inilabas na kakaibang amoy o sulasok ang tipak na aking napili. Hinimas kong muli ang lapat na kayang maabot ng aking palad. Hindi pa rin nagbago ang nipis ng kagaspangan at lumanay ng lamig nito. Huminga ako nang isa pang lalim saka hinayaang ako naman ang tangayin ng mga salitang hindi ko kailan man makila-kilala.

11 September 2026

Heel

Napansin kong mukhang hindi rin napapagod ni nagugutom ang aking kasama. Bakas din na hindi siya nababagot sa mga desisyong landas na aking napipili. Sa mga paisa-isang pagkakataon na nais niyang mauna, hinahayaan ko lamang siya at sumusunod lamang din ako sa kaniya.

Tiwalang kay hirap magkaroon sa pinagdaanan na ay mayroong dali na iabot sa aking napakasiglang kasama. Hinihintay niya rin akong walang pagmamadali o inis sa tuwing nauuna siya sa akin. Gayon din naman ang pakitungo ko sa kaniya.

Maya't maya'y may malalaking bato kaming nasasalubong na madali niyang kinasasabikang amuyin. Sa aming bawat pagsalubong sa mga eskulturang likas lamang na nagpapakita, inaabangan ko rin minsang kaniyang maihian. At hindi rin ito parating natutuloy. Kung sa bagay, ilang oras na rin akong naglalakad at hindi pa rin din ako dinaratnan ng ni isa sa dalawa. Ikinibit ko lang agad at hinanap ang sakaling direksiyon na aamuyin ng aking kasama. Sa paunti-unting naiipong minu-minuto ay mukhang dumadami na rin ang naglalakihang tipak ng bato na aming nasasalubong. Sa simula'y hanggang tuhod ko lamang sila pero ngayo'y nag-uumpisa na silang lumampas sa akin.

10 September 2026

Bond

Noong una'y nakatitig lamang siya sa akin, pumapayi-payipoy pa rin ang buntot, habang ako'y unti-unti nang papalayo nang papalayo sa kaniya. Napangiti na lamang ako't nagpaalam na sa kaniya habang patuloy pa rin sa paglalakad.

Nakailang hakbang lamang ulit ako't narinig ko siyang tumahol nang isang beses. Pagkalingon ko muli'y naabutan ko siyang tumatakbo papalapit sa akin. Hindi ko na namalayang nababasa na pala ng luha ang aking mga mata. Nang mahimas kong muli ang kaniyang bumbunan at baba, naririnig ko na lamang ang sarili kong nagpapasalamat sa kaniya.

Napaluhod na ang isa kong tuhod hanggang sa yakapin ko siya nang mahigpit. Dinig na dinig ko ang kaniyang paghingal. Hindi siya nagpupumiglas at tuwang-tuwa pa rin ang kaniyang buntot. Dinilaan niya ang aking pisngi saka ako natawa at huminga nang malalim. Inaya ko na siyang maglakad muli. Nakasunod lamang siya parati, malapit na agad, at malapit din, sa akin.

09 September 2026

Companion

Tinanong ko siya kung saan siya nanggaling. Hinihingal na siya sa lubos na kasiyahan. Dinilaan niya nang makailang ulit ang aking kamay, bilang pasasalamat siguro sa pagpansin sa kaniya na nagdulot din naman ng tuwa sa akin.

Tinapik ko na nang dalawang beses ang kaniyang tiyan bilang hudyat na magsisimula na uli kaming lumakad. Subukan kaya naming bagtasin ang landas na kaniyang pinanggalingan? Hindi rin naman siya makakapagreklamo sa aming mga plano kung sakali. At iyon ay kung susunod siya sa akin. Baka mamaya, mayroon pala siyang tinakasan o iniwasan kaya siya papalayo mula sa tunguhing papalapit naman ako.

Sinimulan ko nang lakarin ang daang nalampasan na niya. Kung babalakin niyang balikan ang lakbay na kabila ng aking liblib, hindi ko na siya pipilitin. Hahayaan ko siyang magdesisyon kung saan niya gustong sunod na pumunta, at nakapagdesisyon na rin akong huwag na siyang sundan kung sakali. Nakailang segundo lamang ako ng hakbang bago ko lingunin ang aking likuran.

08 September 2026

Encounter

Napahinto ako sa aking paglalakad nang makita ko ang isang puting asong nagmamadaling maglakad tungo sa akin. Hindi ito tumatahol at mukhang hindi rin naman niya ako kakagatin. Tuwang-tuwa ang kaniyang buntot nang umabot na siya sa akin.

Napaupo na muna ulit ako nang saglit nang mahimas ang kaniyang bumbunan. Sa tindi ng kaniyang likot ay napahiga na siya habang pumapayipoy pa rin nang walang kasawaan ang kaniyang buntot, akmang nagpapakamot ng kaniyang tiyan.

Sa isip-isip ko'y napakalinis naman ng asong ito. Mukhang alagang-alaga siya ng kaniyang amo. Napakalambot din ng kaniyang balahibo sa malusog na malusog na katawan. Kakikitaan siya ng kasanayang makihalubilo sa tao, maski sa unang pagkakataon pa lamang niya ito nakikilala. Hindi naman siya mukhang hapo ni gutom kung kaya't medyo nakahinga rin ako nang maluwag-luwag gawa ng wala akong maipapakain sa kaniya. Mahilig pa namang kumain ang mga aso. Sa ngayon, mukhang masaya naman na siya sa kaunting mga kamot at himas na matagal niya sigurong hindi naranasan.

07 September 2026

Passage

Maski papaano, hindi ako dinadapuan ng kahit na ano mang huwisyo na magmadali. Hindi rin ako binabagabag ng pabugso-bugsong kaba. Tuloy-tuloy lamang ang aking mga hakbang tungo sa direksiyong walang sino man ang namili kung hindi ako.

Sa maya't maya kong mga paglingon, yaring tanaw ko lamang ay ang bagtas na aking nabubuo. Sa ilang oras ko nang paglalakad, maliban sa naiibsang uhaw at nagmumulto lamang na pawis, napapansin ko ring mukhang malabong dapuan ako ng kahit ano mang pigil ng pagkapagod. Hindi pa rin kumakalam ang aking sikmura, pero hinding-hindi mawawala ang hilig ko sa pagkain. Napaisip tuloy ako nang maigi kung ano sa ngayon ang aking kinasasabikan. Natakam ako sa mga amoy at lasa na nanghihimasok kaya napalunok pa ulit ako ng laway.

Mamaya-maya'y may maitim na tuldok akong naaaninag sa direksiyong aking hinahakbangan. Ngayon lang siguro ulit napakunot ang aking mga kilay. Dahan-dahang lumalaki ang hugis na mukhang napili namang humakbang tungo sa aking direksiyon.

06 September 2026

Freeborn

Umihip muli ang hangin sa aking mukha, saka ako nagpunas ng halos wala naman talagang pawis sa aking noo at mga pisngi. Limot ko na yata ang latak ng nanlilimahid na lagkit sa aking balat kapag naglalakad sa kawalan na ganitong may init. Gising na gising na rin ang araw ngunit malayong magsimula ang kahit ano man na tulo o tagaktak.

Bahagya lamang din ang aking hingal kasabay ng uhaw kong hindi naman inip na inip. Dumudulas ang mahinay na ibis sa mga paglunok ko lamang, at kuntento na agad akong magpatuloy sa aking mga iniiwanan.

Hindi na ako nabibigla pa, at wala nang may babalang nakaantabay. Kung babalik pa ako at bibigay, baka hindi na bumira pang muli ang burdado nang buhay. Bistado na ang mga balikwas, at binitawan na ang mga kabaliwan. Bulol mang bumisita sa bara-barang pagbuo ng iba't ibang kabuluhan ng mga bagay-bagay, buong loob na mababanggit na baliktad nang pababayaan ang buwisit lamang na babaran at batis ng kabobohang imbes na ibida ang pag-ibig ay nagbalatkayo na lamang nang may mapag-imbot na aberya.

05 September 2026

Sanctuary

May ginhawa at kalma sa aking bawat pagtapak tungo sa kung saan. Paniguradong walang kasiguraduhan. Bawat sagitsit na nililikha ng aking mga hakbang ay tanda sa bawat naiiwanan nang nakasanayan.

Mabigat ang mga simulang matagal na bumagabag sa kalamnan, mula sa unang araw ng pagkaputol ng pahinga hanggang sa pagtatalaga na ng malagim na umpisa. Ngunit sa kabila ng lahat ng pangingilabot na ihinahatid maya't maya ng sunod-sunod din na mga agam-agam, ganoon din kaiglap bumabaliktad ang lahat na minsan pa nga'y hindi na napipigilan pang ngumiti't magpasalamat sa gulo na naidulot ng isa pang gulo.

Hindi ito dahil sa ayaw ko nang bumalik, ngunit ito ay sa ayaw ko na sa hindi tahimik. May payapa at lumanay sa bawat yapak papunta sa puwang na wala pang may ibang nagmamay-ari, at mabuti na lamang at hindi na ako nagmamadali. Nagkasundo na kami ng aking sarili, hindi naman namin matatakasan ang isa't isa. Ipinagkaloob na ang hindi naman talaga inasam ngunit tumuldok na sa lahat ng hindi napagbigyan.

04 September 2026

Drifter

Sinalo lamang ng kawalan ang aking boses. Hindi ko na pinahirapan pa ang sarili sa tanong na hindi masasagot sa ngayon kaya nagkibit na lamang ako ng balikat saka bumuntonghininga.

Nakapalibot sa kaligiran ang mapayapang hangin na parang wala ring alam sa aking kahihinatnan. Mabuti nang maipit sa sang-angaw-angaw na mga yapakan kaysa siguro sa karaniwang gawian ng walang katapusan na panggagaya na hindi rin naman maikakailang mayroong palaging kasama na lulustay-lustay sa kaluluwa hanggang sa kusa na lamang nitong lagutan ang kaniyang pag-iral.

Walang leksiyon sa lahat ng danas, at hindi palaging mayroong kinakamit. Ang pagtatapos ng pagkamangha ay magsisilbing papel lamang na napuno nang sulatan na baka-sakaling balik-balikan pa, ngunit hindi para sa at parang sa katulad ng dati. Malayo nga ang aking bawat pagsipat, na may maiikling pagtanaw na lamang sa aking likuran. Burado na ang direksiyon pabalik at laking malas ko ba talaga na hindi ko na inaasam pa ang tagumpay?

03 September 2026

Bummer

Ibinalik ako ng sarili kong paghinga sa ulirat ng gising na umaga. Dahan-dahan kong hinila ang nakalubog ko na palang braso galing sa buhangin. Walang ano-ano'y bigla ko na lamang itong inamoy at naghintay na masuntok ng kabantutang ngayon ko lamang dapat na makikilala.

Wala. Umulit ang ilong ko ng isa pa, at sa may mas matindi pang pagsinghot hanggang sa may pumasok nang mangilang butil sa aking hingahan. Napaubo tuloy ako habang natatawa sa sarili kong kagaguhan, ngunit may naiwan pa ring pagtataka sa papatapos nang pagsalba sa aking lalamunan. Wala pa rin.

Hinayaan ko na lamang. Napangiti ako't nilamukos nang isang beses pa ang buhangin bago ako tumayo. Nag-unat-unat muna ako bilang dagdag na rin sa pagpapagising sa aking diwa at katawan. Tinanaw kong muli ang aking kaliwa at kanan, pati ang likod. Mukhang wala pa ring nagbabago. Wala pa rin akong kasama. Nasaan na nga ba ang iba? Mayroon nga bang iba, kung sakali? Humigop ako nang malalim, saka bumulalas ng pagkalakas-lakas na sigaw. Tila walang nakarinig sa akin.

02 September 2026

Far-out

Minabuti kong maupo muna't hintaying maganap ang paggising ng langit. Dinama ng aking mga palad ang maputlang buhanging tila mananatiling busilak hanggang sa magwakas ang panahon — kahit na magwakas pa ito. Walang bahid ng bato, ni ano pang dahon at mga labi ng kung ano pa mang nabuhay.

Wala ring dungis ng inis na dapat sanang nag-uumpisa na sa akin. Kilala ko na dapat ang buhangin, ngunit hindi ang buhanging ito. Sa muling pagsipat ng pasumalang may pasensiya namang maghintay sa akin, kinalabit ako ng sakaling napalilibutan ako ng buhangin na ito. Nababalot ang buong sangkalupaan saan man ang dagok na mapili.

Napahiga ako't hinayaan lamang mauntog ang aking ulo sa ubaya ng sasalo sa akin. Napapikit na lamang ako muli't kinilala nang isa pang beses ng aking mga palad ang buhangin. Unti-unti kong inilubog ang isa sa aking mga daliri. Bahagyang umasa na may masusundot na insekto o hindi kaya kayamanang hindi na mababalikan pa. Kung saan man ako patungo, tiyak na mas pipiliin ko ang mga labi ng insekto.

01 September 2026

Wandering

Nauuhaw ako. Kanina pa ako lumulunok ng laway. Napansin kong hindi naman ako pinagpapawisan ngunit may kung anong simoy na sumasangit sa aking leeg at mga braso na maya't mayang napapawi ng paihip-ihip na hangin. Pasikat pa lamang ang araw, tanaw ng mga matang bakas ang kalituhan sa kakulangan ng mga nasasalubong at sumasalubong.

Saan nga ba ako nanggaling?

Lumingon ako't sukdol din sa lawak ang kaya lamang maabot ng aking paningin. Huminga ako nang malalim. Tumingala sa langit. Pumikit. Huminga ng isa pa. Hindi ako hinintay kailanman ng araw, at patuloy lamang siya sa napipinto niyang paglibot sa aking kamangmangan. Hindi ko rin naman siya masisisi. Kailangan ko rin matutunang huwag manahan sa mga lugar na hindi naman kailangang bantayan. Kung labas siya sa aking kakayahan, ano pa ang magiging silbi kundi magiging aksaya lamang? Mabuti pa ang manghuhula dahil may laya siyang lumipad nang walang kinakapitan. Ito lamang ako't ipit sa hakbang ng aking mga paa. Tiningnan ko ang aking mga tsinelas, at nabigla ako sa buhanging tinatapakan ko pala.

23 June 2026

oh, snap

bro, i was also bullied
back when i was in school
kung saan ang nakararami
sa 'tin ang nanggaling.

hindi mo alam ang hatak
ng ill intent kapagka nagdilim na
ang iyong paningin;
lahat na ng manner of logic
and motherfuckery, hindi mo na
maririnig, habang ika'y
pababa na nang pababa
towards this spiral of endlessness

of ending things that do not matter
maski pa may sumubok sa 'yong
hablutin ka't ibalik ang iyong sarili,

dahil ano pa nga ba babalikan mo
kung wasak ka nang iniwan
by your bullies nang sinasadya,
back when you were still in school
kung saan marami sa kanila
ang manggagaling pa?